Monday, December 12, 2011

Kabilang sa mga Nawawala (5)


Basahin ang bahaging 1, 2, 3 at 4

V. Kalayaan

Marami na ngang nawala sa akin. Drowing, kwaderno, panyo. Script, magasin, medyas. Tape, libro, t-shirt. Marami pa. Pero walang problema. Hindi naman ninakaw sa akin ang mga iyon. Leksyon na nga lamang ito marahil sa kung paano pangingibabawan ang pana-panahong pagiging burara.

At ano naman ang aral, samantala, sa pagkawala ng aking laya?

Hindi ko ito winala. Kinuha sa akin ito nang sadya. Dinampot ako at itinapon sa kulungan upang ipagkait sa akin ang kalayaang hanapin ang tunay na kalayaan.

Biktima ako rito, walang duda, habang isa rin sa mga nakaligtas. Mangyari’y ang iba ay sa libingan na inabot ng kanilang paghahanap. Marami na gayundin ang sila na mismong hinahanap pagkat dinukot at bigla na lamang nawala.

Nakaligtas ako, maaari, pero hindi ako nagpapasalamat.

Hindi sa Charlie Coy ng 34th IB. Sabihin pang sa kung anong kakatwang kadahilanan ay nagdal’wang-isip ang mga ito na ako ay paslangin, buong-buo naman ang kanilang loob na ako ay busalan. Kagyat nila akong kinailangang patahimikin gayong nang ako ay kanilang “masalubong” siyam na buwan na ang nakalilipas, ang luma at bago nilang rekord ng pamamaslang sa kanayunan ng Samar ang siyang eksakto kong sinasaliksik.

Hindi sa 87th IB o sa 14th IB. Palibot na ako ng mga rehas at pader ay sukat pang nagtayo ang mga elemento nito ng kanilang outpost sa compound ng presohan. Isang sibilyang pasilidad sa detensyon ang Calbayog sub-provincial jail kaya’t sadyang iregular kundi man iligal ang paggigiit na ito ng mga militar na mag-istasyon sila rito. Kailangan nila akong patuloy na manmanan, maging ang aking mga dalaw ayon sa praning nilang pangangatwiran.

Hindi sa CMO Battalion o sa hepe ng 8th ID, na sa desperadong pagbibigay-patunay sa kasinungalingang armado raw ako at mapanganib nang mahuli, ay nagpakalat ng mga dinuktor na mga litrato kung saan di umano ay may sukbit akong armas. Talagang may dahilan at tumpak ang AFP Chief na si Gen. Oban nang papurihan niya ang 8th ID bilang siya nang pinakamahusay at pinakadinamikong dibisyon sa buong sandatahan.

Hindi sa estado na matagal nang patakaran ang tahasang pagtanggi sa katotoohanan ng patakaran nito ng pasistang panunupil at dahas. Wala raw represyong pulitikal. Walang iligal na pang-aaresto at tortyur. Walang EJK o kung mayroon man ay tiyak na walang kinalaman dito ang alinmang ahensya ng gobyerno. Walang desaparesido. At ang bilang ng bilanggong pulitikal sa bansa batay sa huling estadisktika ng Malacanang ay isang napakatabang zero.

Hinahanap ko araw-araw ang tapang at tatag at araw-araw din ay natatagpuan ko ito sa di-mapapasubaliang kawastuhan ng paninindigan. Ibayong tapang at tatag pa ang laging hatid sa akin ng mga naniniwala at sumusuportang mga kasama, kaibigan at pamilya. Pambihira ang maagap at sustenidong pagtindig ng sektor ng mga artista at manunulat para sa akin at sa lahat ng bilanggong pulitikal. Hindi ako mawawalan ng inspirasyon at lakas hangga’t nagpapatuloy ang malawak na hanay ng masa ng sambayanan sa paglaban. Ang mga ito ang dapat kong laging pinasasalamatan.

Narito, bago ko pa maiwala, ang isang medyo nagwawalang tula:

KALAMPAG

Isang Kontra-Apidabit [ sa key ng Oi (!), sa beat ng Yo (…)]

Hoy! Mga ‘nak kayo ng putsch, bumalik kayo rito! Hinarang nila ako, ‘Mâ. Ayun sila, Ale, ayun o, ayun. Ayun pa yung isa. Hoy, tinamaan kayo ng oi! Hinila ‘ko ng mga tarantoda dun sa may rotunda pagbaba ko ng bus sa crossing, Bossing. Dinakma ako sa balikat, Bay – pang! – sabay hablot ng mga lekat sa bag ko, Lakay. Pero naikutan ko agad ang mga mawnster, Mam, Ser, naipulupot ko ang kamay ko sa istrap. Nakipaghatakan ako sa mga haragan, ‘Tol. Tug-of-war sa mga thugs, Bro. Tapos yun na — pak! – sinapak-sapak na ‘ko ng mga tsonggo, Tsong. Dito o, dito. Buti na lang, Beh, bago pa ‘ko bumagsak, P’re, natuhod ko sa bayag, ‘Te, ‘yung isang butete – pweh! (Huweh?) Yeh, yeh! – walang istir, Bradir, sa balls talaga, Dude. Dun na medyo kinabahan ang mga pating, Ateng, kasi pagsemplang ko nang ganun, dumapa na ko nang ganyan, tapos hinigpitan ko na nang ganito yung yakap ko sa bag ko, Yangku. Oo, parang touchdown lang, Pards. Right, pwedeng planking din, Mards. Kaso pinagtatadyakan pa rin ako ng mga bargas, Madz – my gadz! – here o, here. Boom-bam! Bam-boom! Pero sandali na lang yun, Mamu, isa-isa na rin silang nag-flyzoom. Dun o, Papu, dun, dun… Yo, yo… Sige lang, sige lang, yo…Check, check, check it out, yo…Here goes: Bag-check (one time), bag-check (two time)…Mukhang andito pa naman ang lahat sa bag…Extra t-shirt, ok…Mineral water, alright… Labakara, kere… (Bag-check, bag-check)… Medyo napisa yung iba pero andito pa yung baon kong limang piraso ng tapang. Two, four, six pieces ng high-grade na tapang? – uy! – nadagdagan pa nga yata, eto o, try nyo, matapang yan… (check-check, bag-check) … sepilyo … Ballpen… Ayos, andito pa yung DVD ng mga alaala. Andito pa yung pictures ng pag-asa.. (Check-check, check-check)… Andito pa yung isang kaha ng tatag. May tingi-tingi ring tatag-tatagan na ok lang naman din, pero mas ok na nga itong nasa kaha… Yes, andito pa yung reading glasses ko. Gawa kasi ito sa istorikong material kaya ang galeng lang talaga at di nabasag. Pambasa ko ‘to lagi sa uri, sa malapyudal at malakolonyal na katangian ng lipunang Pilipino, sa estratehiya at taktika.. Andito pa ‘yung mga papeles ko: certified true copy ng linyang masa, mga rehistro ng tiwala ko at pagsandig sa anakpawis sa pagsulong-at-pagtatagumpay-ng-pakikibaka-ng-sambayanan-laban-sa-imperyalismo-pyudalismo-burukrata-kapitalismo… May sekretong bulsa rito, andito pa ang mga gaheto kasama ang buung-buong pagkilala sa lahatang-panig-na-pamumuno-ng-proletaryado-sa-dalawang-yugtong-rebolusyong-Pilipino… Andito pa ang program ko ng Photoshop at ng PDR at ang kalendaryo ng limang taon, limang taon, limang taon, limang taon, limang taon. May maliit akong duplicate nito sa wallet ko, teka, andito lang ‘yun e…Teka lang.. Aba…Nakup… Naloko na… Ba’t laslas ‘tong bulsa sa likod ko?! Mag hayop! Hayuuuup!…Kolera, Kolera! … Nakuha nila ‘yung wallet ko, ‘Tay. Andun yung kalayaan ko, ‘Nay, kalayaan ko… Kalambre, kalambre! … Habulin natin sila, ‘Toy! Kalayaan ko ‘yun, ‘Ne, kalayaan ko… Tulong! …Tulong, Bok. Tulong, kas…

(wasak! Este, wakas.)

Monday, December 5, 2011

Kabilang sa mga Nawawala (4)


Basahin ang bahaging 1, 2 at 3


Marami pa sana akong gustong sabihin dito tungkol sa paksa ng eksena, tungkol sa punk, tungkol sa rakenrol, tungkol kay Ely, tungkol kay Dong at iba pa – pero saka na lang. Huli na lang kaugnay nito: Isang beses ay nakasama ko sa Berouz ang buong Eraserheads, si Ann Angala (ang kanilang manager) at at si Chickoy Pura. Hindi ko na maalala kung kailan ito at kung bakit ako napasama sa kompanyang iyon. Pero seryoso ang agenda. May inaalok si Ely at Ann kay Chickoy. Ideya ito pangunahin ni Ely. Isang misyon noon ni Ely na mabigyan ng BMG Philippines ng recording si Chickoy Pura at ang The Jerks. Paraan iyon ng ika nga ay pagsukli ni Ely at ng Eraserheads sa inspirasyon na ibinigay sa kanila ng mga alamat ng rakenrol na gaya ni Chickoy. Kayang-kaya ito ni Ely, bilang lider ng Eraserheads na noon ay siyang pinakamalaking talent ng BMG.

Syempre sa isang kondisyon – kailangan lang na “kumpunihin” ang mga kanta ng Jerks para ika nga ay medyo lumabnaw ang pulitika ng mga ito at maging “radio-friendly” o katugtug-tugtog sa radyo.

Agad-agad at walang kaangas-angas, nagsabi si Chickoy na baka magkaproblema kung ganun. Sumagot si Ely na sayang naman ang pagkakataon; sayang naman ang The Jerks kung hindi sila bibigay sa maaaring maliit lang naman na kondisyon ng negosyo sa musika. Walang kaangas-angas, walang hinanakit, sabi ni Chickoy, “Oo nga pare, pero sayang naman ang mga kanta.” Sinundan ito ni Chickoy ng karaniwan niyang tawa na parang bale-wala lang. Parang gusto niyang sabihin na, ayos lang ‘yon, ganyan talaga, hamo na, ang sarap nitong shawarma. Halatang apektado ang delegasyon ni Ely (maliban kay Marcus na abala na sa ibang trip). Hindi alam ni Ely kung paano magre-react. Panghihinayang sa isang banda, siyempre. Paghanga, sa kabilang banda.

Kung tutuusin, si Chickoy ang orihinal na myembro ng Acosta Universe, ang pioneer ng kontemporaryong kilusang Iwas-Uso. (Anu’t anuman, ako pa rin sa aking pagkakaalam ang natatanging pruweba ng penomenong Iwas-Tuto — sa paggigitara).

Pero kung napapayag ni Ely si Chickoy, maaaring hindi na naisulat ng huli ang “Rage” at ang “Storm.” Naging makata si Chickoy nang malikha niya ang “Rage.” Sa pagitan ng “Rage” at ng “Storm” ay ang pag-unlad ni Chickoy mula sa isang folk-icon-poet tungo sa isang folk-statesman-“soul” ng urban mass movement. Sa ilang panahon ay ginampanan rin nina Heber Bartolome at Jess Santiago ang papel na ito pero sa palagay ko ay para bang masyado silang nalungkot o di kaya’y masyadong inisip si Bob Dylan at si Victor Jara.

Mahalaga ang taguring “statesman.” Tinutukoy nito ang natatanging kakayahan ni Chickoy na pagkaisahin ang mga musiko para sa tunguhing demokratiko at makabayan. Wala siya ng angas ni Heber. Wala siya ng sentimentalismo ni Koyang Jess. Ang mayroon siya ay ang gaan ng loob ni Monico Atienza. Kapag sinabing “soul” ito ay kaluluwa, “espiritu,” “esensya.” Ang bawat matagumpay na pagtatanghal ni Chickoy sa mga rali o sa iba’t ibang okasyon at pagtitipong-masa ay isang pagdaranas sa “soul” ng “rage,” sa “soul” ng “storm” na siya lamang ang makapaghahatid sa ganoon ka-sinsero, pinaka-“hubad” na paraan gaya ng purong rock n’roll at ugat nitong blues na inawit noon ng mga manggagawang aliping blacks sa perokaril ng US at ng mga kargador sa mga pier ng England. Kaya kung bilang manlilikha ng awit, si Chickoy ay isang “poet,” bilang mang-aawit o performer, siya ay isang “soul.”

Tiyak, ang mga nakaabot kay Lean Alejandro ay makapagsasabing si Lean, bilang lider-masa ay isang “soul.” Kapag sinabing “folk,” siyempre Bob Dylan, o para mas ligtas, ang “batang” Bob Dylan. Pero kung may hibong rebisyunismo ang paglalakip ng “bata” o “young” (gaya halimbawa ng mga Trotskyite na nagpauso sa “young Marx” na pamimilosopong anti-komunista), sabihin na lang na ang “folk” ay si Woody Guthrie. Monico Atienza, Lean Alejandro, Woody Guthrie, kakatwang barkadahan at siya ring kinabukasan ni Chickoy sa tingin ko. Sa pagitan ng “Rage” at ng “Storm” ay ang pag-unlad ni Chickoy mula sa isang folk-icon-poet tungo sa isang folk-statesman-“soul.”

Ang kopya ko ng natatanging live recording ng The Jerks na ginawa noon sa Mayrics sa Espana, sya nga pala, ay naiwala ko na rin.

Sa pagitan ng “Jessie” at “Isang Minutong Katahimikan” ay isang mahaba-habang paglalakbay. Sa pagitan ng “Marmalade” at “Duyan” ay isang buhay pa ring pagnanasa na madiskubre ang praktikal na katuturan ng chords.

(Itutuloy)

Saturday, December 3, 2011

Sulat kay Bibeth Orteza

Basahin ang sulat ni Bibeth Orteza para kay Ericson Acosta

November 9, 2011

Dear Direk Bibeth,

Mabuhay!

Nung isang araw ko lang natanggap ang sulat n’yo. Nabasa rin ito ng mga kaselda at nakaabot pa nga sa at least dalawa pang selda. Kung na-touch ang mga kakosa, paano pa kaya ako? Damo nga salamat ngan damo pa lewat nga salamat!

Ngayon ko lang nalaman na tubong-Catbalogan pala kayo. Ilan sa mga kakosa ang nagbidang pamilyar nga raw sila sa inyong pamilya. Ang iba naman ay humanga sa hagod ng prosa ninyong Waraynon. Marami kasi ritong taga-Gandara, Sta. Margarita at siyempre, Calbayog, na sa obserbasyon ko ay may otomatikong pagkagiliw sa variant ng wika ng Catbalogan (o San Jorge) marahil dahil na nga sa ito ang lingua franca o ang kinikilalang opisyal o pormal na Waraynon. Anu’t anuman, pasensya na at bigo ang tangka kong sagutin kayo sa taal ninyong salita. Kaya heto, Tagalog-Batangas at Cubao na lamang muna.

Sa bahagi ko, sabihin pang walang pinipiling bayan, probinsya o rehiyon ang tawag ng tungkulin – para bang malaon na akong binihag nitong ikatlo-sa-pinakamalaking-isla-sa Pilipinas, ang Samar.

Mula sa history books (at hindi sa Travel Time) ako unang nagkaroon ng partikular na interes sa Samar. Sa mga akda nina Renato Constantino, Amado Guerrero at Schirmer, matingkad na patunay sa kalikasang marahas ng imperyalismo ang lupit ng henosidyo na dinanas ng buong isla sa kamay ng Amerikanong mananakop noong panahon ng Philippine-American war. Marami ring sulatin hinggil sa Vietnam War ang natuturo sa “howling wilderness” ng Samar bilang siyang laboratoryo ng maka-hayop na taktika ng agresyon na ginamit ng US sa Indochina at sa iba pang bahagi ng daigdig.

Kakambal ng temang ito, gayunman, ay ang maningning na patriyotikong tradisyon ng isla at ng rehiyon sa pagtatanggol at paglaban. Nariyan ang mga Pulahanes at iba pang grupo at makabayang mga lider na tinagurian ng mga mananakop bilang insurekto, bandido, bandolero. Nariyan ang pag-aaklas ng Balangiga. Nariyan din ang gerilyang mga pangkat ni Heneral Lukban (nakakalungkot isipin na ang kampo sa Catbalogan na ipinangalan sa makabayang heneral na ito ay siyang eksaktong sentrong himpilan ng 8th Infantry Division na ngayo’y may mahaba nang rekord ng panunupil at pandarahas sa mamamayan ng Samar at Leyte . Kabalintunaan na ang pangalan ng anti-imperyalistang heneral ang tawag ngayon sa kampo na sa esensya ay outpost ng US military imperialism sa sulok na ito ng arkipelago.)

Noong 1998 ay may naisulat akong tula tampok ang kasaysayang ito ng Samar. Mula rito ay may storyline akong nabuo at ibinato sa Alay Sining para sa isang dula. Sa pangunguna ng makatang si Richard Gappi ay nakumpleto ng Alay Sining writers collective ang isang iskrip noong taong ding yon, at katuwang ng ilang kasapi ng UP Repertory ay nai-mount ang isang produksyon na may pamagat na “Samar.”

Nang mapadpad ako sa wakas sa Samar, mabilis na nagka-ugat sa puso ko ang mga Waray-waray. Sino ba namang manggagawang pangkultura ang hindi tatamaan ng curacha at ismayling, ng mga luwa at pabulang bayan, ng daan-daang makabayang awiting Winaray? Nakumpirma ko nang direkta ang mga sinabi ni Kris Montanez noong Dekada ’80, sa kanyang panlipunan at pangkulturang pagsisiyasat sa Samar – na ang buong isla ay isang mina ng mapagpalayang sining at panitikan. Alaala kong lagi ang kanayunan ng Samar kahit dinala na ako ng gawain sa Maynila o saanmang probinsya o rehiyon.

Inihatid akong muli ngayon sa isla. Sa pagkakataong ito, ay mapapalalim ko ang aking kaalaman tungkol sa binabanggit ninyo na “damo nga waray para ha mga Waray-waray,” ang malawak na kawalan ng kabuhayan at serbisyong panlipunan. Ito, sa kabila ng likas na kayamanan ng isla. Nabanggit ko sa isang sulatin ang tungkol sa 50 taong moratorium sa malakihang pagmimina dito sa probinsya ng Samar. Isang patakaran na sa aktwal ay sinasagasaan ng ilanpung dayuhan at malakihang mining permits na inaprubahan dito sa isla. Layunin nitong mapangalagaan at mabigyan ng santuaryo o ligtas na kalalagyan sa kagubatan ang tinatawag na mga endagered specie ng Samar gaya ng Philipppine Tarsier, Philippine Eagle at Philippine Cockatoo. Pero dahil sa daantaong pangangamkam ng lupa at pandarambong sa likas-yaman, ang mga karaniwang mga magsasaka — ang tinaguriang Philippine Peasant – ay matagal nang nanganganib: unti-unting pinapatay sa gutom at kawalan ng kabuhayan, tahasang pinapaslang dala ng militarisayon.

Isang seryosong suliranin ng Samar, at ng buong bansa – ang impunity. Hanggang ngayon ay bitbit ng mamamayan ang pangamba mula sa kanilang tromatikong karanasan noong “panahon ni Palparan.” Humahaba ang kasaysayan ng panunupil, banggitin pa ang pagpaslang kay Dr. Bobby dela Paz noong panahon ng diktatura at sa panibagong karahasan hanggang sa kasalukuyan. Kahit wala na si Palparan sa isla, naghahari pa rin ang takot. Walang duda na nagpapatuloy ang paglabag sa karapatan. Ngunit kahit sa loob ng piitan, alam nating nariyan at nangingibabaw ang mapanlabang diwa. Inspirasyon ng isang detenido ang mga balita ng pagdaluyong ng kilusang masa sa syudad, sa nayon at sa buong napakalawak na daigdig!

Wala akong nakikitang malaking problema sa binabanggit ninyong usapin ng inyong pagiging “nariyan” gayong kayo ang taga-rito in relation sa pagiging “narito” ko gayong nagmula ako sa ibang lupalop. Nakukuha ko siyempre ang gusto ninyong sabihin at karangalan ko po iyon. Pero ang sa akin lang, nariyan man kayo ay tiyak kong sa inyong paraan at kapasidad ay dala-dala ninyong lagi ang kapakanan ng mga kababayan ninyo rito. Alam ko rin ang pagmamalasakit ninyo para sa aping mga sektor ng mamamayan mula man sila sa kung saan, at handa kayo lagi na bigyan ng boses ang kanilang makatwirang mga adhika.

Ang pagbibigay ninyo ngayon ng suporta sa panawagan ng agaran kong pagpapalaya ay di lamang pagdamay sa isang kapwa-artista, hindi lang simpatyang propesyunal o pagkampi sa isang halos kababayan – pagpanig, pagtindig ito pangunahin sa kung ano ang wasto at makatarungan. Pambihira kayo kung tutuusin sa inyong milieu, at nasa katayuan kayo upang makapag-ambag ng higit pa para sa pagpapalawak ng hanay ng mga artistang mulat at hindi nangingiming makisangkot.

Mabuhay kayo!

Ericson Acosta

Calbayog sub-provincial jail