Thursday, October 27, 2011

Kabilang sa mga Nawawala (2)

Unang bahagi

III. Manuskrito

Pagkatapos ng unang taon sa kolehiyo, pumasok ako isang tag-araw sa isang palihan sa pagsulat ng dula sa ilalim ng yumaong Rene Villanueva sa CCP. Apat o lima lang yata kaming nagsanay sa batch na iyon, malayung-malayo sa bilang ng sinundang batch na kinabilangan nina Capino, Lana, at Martinez. Ang natatandaan ko lamang na kabatch ko ay si Laurence Espina na taga-Dulaang UP noon at isang naging talent ng Batibot. Sa loob ng isang buwan ay kailangang makatapos ng isang dulang may isang yugto. Sa umpisa pa lamang ay kailangan nang buo na sa isip ng bawat isa dulang isusulat at pauunlarin mula sa pagbubuo ng storyline, sequence treatment hanggang sa mga eksena at dayalogo.

Ang dula ko na may pamagat na “Huwag Igiit” ay tungkol sa isang lalaking college student sa Maynila na nang umuwi sa kanilang probinsya dahil namatay ang ama ay napraning sa shabu. Ang mapamahiing ina ay pinaalbularyo ang anak sa paniniwalang sinapian ito ng masamang espiritu. Muntik nang mamatay ang anak sa tindi ng palalatigo ng albularyo o exorcist. Ang ama ay namatay sa pagbibigti dahil sa pagkapraning sa mga pamahiin. May lolo rin siya na namatay sa Maynila kasabay ng iba pa sa Lapiang Malaya. May ninuno rin siya na lumaban sa mga Amerikano at namatay dahil isinubo sa sarili sa baril ng mga Kano sa paniniwalang hindi matatablan ng mga bala dahil may mga kwintas na agimat. Iminungkahi ni Rene Villanueva na hanapin ko ang isang mahabang tula ni Rio Alma na mala-litanya na pumapaksa rin sa pyudal na kultura ng pamahiin at exorcism at subukang gawing counterpoint para sa huling eksena. Dito ko unang nakilala ang makatang si Virgilio Almario.

Sa Film Center sa CCP Complex ang venue ng palihan. Pag pumapasok ako ay dala-dala ko ang isang portable na Underwood typewriter na hiniram ko kay Lourdes Lugtu. Half-day lang ang session. Ang ikalawang hati ng araw ay ginugugol ko sa pagbabasa at panonood ng mga dula ng CCP sa CCP library. Sa Harrison Plaza ako nananaghalian.

Hindi ko natapos ang isang buwan. Pakiramdam ko’y sa mga unang dalawang linggo lang ako may natutunan. Pakiramdam ko’y wala ring gana si Rene Villanueva sa kung anong kadahilanan. Maaaring hindi sya na-challenge sa amin. Aapat na lang (o 5 ) kami ay tila wala ring gana na paunlarin ang inaalagan naming mga dula. Nakatagal pa ako hanggang sa ikatlong linggo pero sa library na ako dumidiretso.

Marami rin akong natutunan sa CCP library. Nagbasa ako ng Oscar Wilde, Eugene O’Neill, Aristophanes, Dario Fo, Tennesse Williams, Bernard Shaw. At naubos ko ang lahat ng available na Chekhov at Ibsen. Naalala ko noon si Brecht dahil isang taon bago ang palihan sa CCP ay nasa isang palihan naman ako sa PETA.

Plano ko noong mag-apply na apprentice sa PETA-KE kaya’t pumasok muna ako sa advanced theater workshop sa PETA. Pagkatapos ng palihan ay hindi na buo ang loob kong mag-apprentice dahil ang iniisip ko na ay ang pagpasok ko bilang freshman sa kolehiyo. Pero tumambay ako sa PETA library. Nabasa ko ang Aesthetics of Poverty ni Brenda Fajardo, ang mga sulatin ni Lutgardo Labad, Nicanor Tiongson at Augusto Boal na lahat ay parang itinutulak akong kilalanin si Brecht. Nag-umpisa na ang klase sa kolehiyo at di ko pa rin nabigyan ng panahon ang pagbaasa kay Brecht. Noon na lang nag-workshop ako sa CCP, saka ko na lang naalala si Brecht.

Pero kaunti lang ang koleksyon ng CCP tungkol sa mga akda ni Brecht. Ayaw ko namang bumalik sa PETA office sa di ko na maalalang kadahilanan. Sa Goethe ako tumambay. Nasa CCP library ako ng umaga at pagkatapos ng tanghalian ay nasa Goethe na ako. At naroon si Brecht. Nabasa ko ang Caucasian Chalk Circlena matagal ko nang pinapanood at ginagampanan sa PETA mula grade 4. Nabasa ko ang Mother Courage. Marami pa sana akong babasahing Brecht pero naubos ang oras ko sa pagbabasa ng mga introduksyon ng Brecht scholar na si Eric Bentley.

At hindi na nga ako bumalik ng CCP. Hindi na ako bumalik maski sa CCP library. Mula noon at hanggang ngayon ay hindi na ako muling nakatuntong sa CCP library. Hindi ko na tinapos ang palihan ni Rene Villanueva. Hindi ko alam kung ilan sa batch na iyon ang nakatapos. May kutob ako na hindi talaga natapos ang palihang iyon. Hindi ko na rin naitanong kay Laurence Espina kung ano ang kinahinatnan ng workshop.

Pero tinapos ko ang “Huwag Igiit.” Walang nakabasa sa pinal na borador nito liban sa akin. Naalala ko na lang ulit ito nang sinusulat ko na ang dulang “Monumento” noong 1996. Namalikmata ako at inakalang ang manuskrito ng “Huwag Igiit” ang nahalungkat ko sa mga gamit ko. “Huwag Igiit” nga ito pero ang sequence treatment lang iyon. Iyon lang ang tanging naipasa ko kay Rene Villanueva.

Ang mismong manuskrito ng dulang “Huwag Igiit” ay naiwala ko rin, matagal na.

(itutuloy)

1 comment:

  1. Betway Casino in Michigan - Use PB Code 2021 - JTHub
    Betway Casino in Michigan 오산 출장샵 is a 수원 출장마사지 fully licensed online sports betting 청주 출장안마 operator and is owned and operated 강릉 출장안마 by Apollo Global Management. 동두천 출장마사지

    ReplyDelete