Marami nang nawala sa akin. Noong edad 12, nagkamali ako sa pagkakopya sa oras ng graduation-exhibit ng sinalihan kong Katag art workshop sa ilalim ni Fernando Sena. Dumating kami ng nanay at tatay ko nang alas-otso ng gabi imbes na alas-otso ng umaga. Hindi na naibalik sa akin ang 12 o 15 mga drawing at painting ko na nasa charcoal, oil pastel at watercolor. Ang natatandaan ko, mayroon ditong charcoal portrait ni Manuel Quezon; watercolor na interpretasyon ko sa obra ni El Greco tungkol kay Kristo; watercolor na landscape na may mga baka at isang pastol; oil pastel ng landscape na may mga usa; charcoal ng isang eksena sa isang basketball game; charcoal ng figure drawing ng isang kaklaseng nakahiga sa church pew. Mayroon ding abstract na watercolor o pastel na hindi ko na mapigurahan sa isip ko.
Galit na galit ang nanay ko dahil wala na kaming nadatnan. May dala pa naman kaming puto at spaghetti. Birthday ko pa naman noon.
II. “Trahedya ni Clovis”
Noong 3rd year high school ako may sinulat akong dula na may apat na yugto. “Trahedya ni Clovis.” Hindi ko na maalala ang eksaktong banghay. Elizabethan ang hagod. Ambisyoso. Nabasa ko na sa panahon na ito ang mga obra ni Shakespeare na “Macbeth,” “King Lear,” “Othello,” Hamlet,” “Anthony and Cleopatra,” at “Midsummer Night’s Dream.” Nag-umpisa akong magbasa ng Shakespeare noong grade five o grade six. Noong grade five kasi, nakasama ako sa dulang “Macbeth” ng PETA sa salin ni Rody Vera at sa direksyon ng isang Brechtian na Aleman na si Fritz Bennewitz. Pinakita nito sa akin ang pinto sa western literature.
Sineryoso ko ang aking Shakespeare. Bago nito ay nahumaling na ako sa world history, naging susi ko ito kay Shakespeare. Sa kabilang banda, binuhay ni Shakespeare sa aking harapan ang Edad Antigo at Edad Medyebal. Noong 2nd year high school, halos akusahan ako ng titser ko ng plagiarism sa sinulat kong review ng Macbeth. Matapos ang ilang minutong paliwanagan at nang mapansin niyang para bang kasaysayan ng aming angkan kung ituring ko ang obrang ito ni Shakespeare, iniatras na niya ang balak niyang sampahan ako ng kasong plagiarism.
Sineryoso ko ang aking Shakespeare. Hanggang sa maisulat ko ang “Trahedya ni Clovis.” Ima-mount sana ito ng aming grupong Tanghalang Santo Tomas (TST) noong 4th year high school pero kinapos na sa panahon at rekurso. Gusto sana ito noong idirehe ng batang-batang si Bernard Capino pero huli na nang mabasa niya ito. Noong taong iyon, ang itinanghal ng aming tropa ay ang dula mismo ni Capino na “Eksodo” (na tila isinakomedyang “No Exit” ni Sartre) at ang “Hello Out There” ni William Saroyan. Si Capino rin ang nagdirihe ng “Eksodo” tampok si Michelle Valdez na sa hinaharap ay magiging beauty queen. Ako naman ang nag-direct ng “Hello Out There.” Ako rin ang pangunahing aktor kasama si Myra Dabuet. May isang panahon na babad ako sa realismo nina Chekhov at Ibsen at sa “kawalang-katuturan” nina Edward Albee at Ionesco, nang ipahiram at ipakilala sa akin ni Capino ang mga obra nina Bienvenido Noriega, Ruel Molina Aguila, at Rene Villanueva.
Kasama ni Capino si Jun Lana nang manood siya ng dulang “Sa Sariling Bayan” ni Rene Villanueva na itinanghal ng UP Repertory Company sa direksyon ni Soxy Topacio. Hindi nila alam na kasama ako sa dula. Si Cris Martinez, na isa sa mga assistant ni Soxy, ang nag-imbita sa kanila. Nagkasabay kami nina Capino at Lana sa TST bilang mga officers. Ahead si Lana sa akin ng isang taon, ahead naman ako kay Capino. Noong magkita-kita kami noong 1989 o 1990 nang manood sila ng “Sa Sariling Bayan,” barkada na nila si Cris Martinez. Nagkasabay silang tatlo sa playwriting workshop ni Rene Villanueva. Sa tingin ni Villanueva noon, sila na nga ang kinabukasan ng dulaan sa bansa – si Martinez na taga-UP, si Lana na taga-UST at si Capino ng Ateneo.
Tinanong sa akin ni Capino kung kailan ko isasauli ang mga pinahiram niya sa aking mga aklat ng dula. Sabi ko yata ay sa susunod na linggo. Nahirapan na akong hanapin ang mga libro. Hinanap ko rin ang nirebisa kong borador ng “Clovis” para pakomentaryuhan sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi ko pa ito nahahanap.
(itutuloy)
No comments:
Post a Comment