11 Oktubre 2011
Kasamang Eric,
Maalab na pagbati at mapulang pagsaludo rin sa iyo! Maraming salamat sa sulat mo ng 14 Hulyo. Bagamat matagal na iyon, natanggap ko lang iyon nito na lamang nakaraang linggo. Naibahagi ko rin agad ito sa iba pang poldets dito.
Di ko lang nasagot kaagad dahil bukod sa nagkasakit ako (nagka-flu / sipon / sinusitis at nilagnat nang apat na araw), may ni-rush pa akong ilang urgent na sulat nitong mga nagdaang araw.
Maganda at nakatutuwa ang mungkahi mong magkaroon tayo at iba pang poldets ng open exchanges ng mga sulat, atbp. (kabilang ang mga pahayag at mga likha) na maaaring dumaloy sa internet. Makatutulong iyon di lamang sa mga nagsusulatang poldets, kundi pati sa iba pang poldets at sa mas malawak pang aabutin nito, kabilang ang mga kamag-anak at kaibigan nilang nagtataguyod sa karapatang-tao at sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal.
Maiging magkaroon lang ng sistema ng komunikasyon sa mga “friends,” upang matukoy agad, o makaray na rin pati ang mga “unfriends.”
Mula nadakip ako noong 14 Peb, di ako makagawa ng mga tula, liban na lang sa dalawang inihanda ko partikular para sa dulang POLDET na itinanghal sa UP noong Set. 30 – yung isa sa bisperas na mismo ng pagtatanghal ko naipadala at di ko alam kung nakaabot pa. May ihahabol pa sana akong maiigsi para sa last part, pero di ko na kinaya. Ipinagpapalagay kong may kopya ka na ng mga ginawa ko para sa dula.
Wala pa kaming balita kung kumusta ang pagtatanghal. Ipinagpapalagay naman naming mahusay at matagumpay. Hintay na lang kami ng kopya ng buong iskrip (kung meron pa sanang video ng pagtatanghal ay mas maige.)
Nakatanggap naman kami rito ng “Prison Sessions,” na naglalaman ng mga jamming ninyo ni Nato R. at iba pang mga kantang isinulat mo. Hanga kami sa pagka-prolific mo. Marami rito ang matutuwa kung may maipapasok na CD/DVD ng mismong jamming. Isa na si Ka Edong (Sarmiento) na mahilig din sa jamming.
O sige, eto na muna, Ka Eric. Inaasahan namin ang higit pang impormasyon tungkol sa mechanics ng ipinapanukala mong open exchanges ng mga poldets at bahagi natin sa mga pagsisikap para sa paglaya ng mga poldets.
Sa pakikibaka at Kalayaan
Ka Alan
No comments:
Post a Comment