July 14, 2011
Kasamang Alan,
Pulang pagsaludo at pagbati!
Masasabing magkaugnay ang mga pangyayari sa ating pagkadakip dahil sa magkasunod itong naganap – Pebrero 13 ako at kayo ay Pebrero 14. Nalaman ko ang tungkol sa pagkahuli ninyo noong madaling araw ng Pebrero 15, sa gitna ng interogasyon sa akin ng militar. Ibinulalas ito ng isang interogador at noong mga sandaling iyon, pinaghinalaan ko pa na gawa-gawa lang niya ito para guluhin ang isip ko, o bilang pang-“bluff” lang sa akin.
Marahil ay napansin ninyo sa ilang nalathalang balita noon na karaniwang idinurugtong ang pangalan ko sa pangalan ninyo, o ang pangalan ninyo sa pangalan ko, o maaaring karugtong na rin ng pangalan ni Ka Tirso Alcantara – gustong palabasin ng AFP na ang ating pagkadakip ay malalaking “tagumpay” diumano para sa kanilang bagong kontra-insurhensyang Oplan Bayanihan. Ang ganoong presentasyon ng balita ay kaduda-dudang mga intriga at pahiwatig ng mga militarista para bulabugin ang usapang pangkapayapaan at para na rin makabawi ng puntos para sa kanilang imahe na noon at pinuputakti pa ng isyu ng palasak na korupsyon sa militar at sa pagpapakamatay ni Gen. Angelo Reyes.
Unang tangka ko ito na sumulat sa isang kapwa bilanggong pulitikal. Malamang at sana nga ay masundan pa ito ng marami, lalu na kung makakapagtulungan tayo na maisakatuparan ang isang simpleng ideya na iminumungkahi ko po sa inyo ngayon at sa iba pang nariyan sa Camp Crame. Ano nga kaya’t buuin natin sa hanay nating mga detenido politikal o poldet sa buong bansa ang isang kadena ng suporta sa pamamagitan ng masiglang pagsusulatan?
Sa mga sulat na ito, tiyak na makakapagpalitan tayo ng sariling mga karanasan. Matutulungan tayo ng mga ito na makita ang komun, maging ang partikular sa kani-kanya nating salaysay ng pagkakadakip, interogasyon, at tortyur, ng pagsasampa sa atin ng gawa-gawang mga kasong kriminal, ng panggigipit sa detensyon, ng kapwa tuso at garapal at mapangbrasong mga taktika ng estado na patulugin ang ating mga kaso, ng kumbiksyon, at iba pa.
Mapait ang mga kuwentong ito, walang duda. Maaari pa ngang ipag-alala ng ilan sa ating mga kasama, kaibigan, at kamag-anak ang ganitong pagsasariwa sa masasaklap nating pinagdaaanan at ipagpalagay na potensyal na bagaheng emosyonal o sikolohikal para sa atin. Subalit sa diwa at bisa ng ating pagpapatotoo na ang kahirapang ito ay matagumpay na nating napangibabawan sa isang malaking bahagi, at patuloy pang magiting na hinaharap at binabaka, hindi salik sa pagkalugmok kundi ibayong tatag ang hatid sa atin ng mga ito.
Makapagbabahaginan tayo ng mahalagang praktikal na aral kung paanong bawat isa sa atin ay nagsisikap na maging “mabuting poldet.” Medyo may paradox lang ito dahil araw-araw ay halos isumpa natin ang pagiging detenido, at araw-araw ay nais nating magwakas na ang ating pagiging bilanggong pulitikal. Pero araw-araw din ay kailangan nating yakapin ang ating pagiging detenido hanggang sa punto na pinagsisikapan na nating maging “mabuting poldet.” Ang pasapol sa pagiging poldet bilang balangkas ng tiyak na mga tungkulin, at ang pagsisikhay na mahusay na gampanan ang mga ito ay naglalagay sa atin sa relatibong istable, mulat at palabang katayuan para isulong ang ating pakikibaka para sa paglaya.
Mulat na tinatransporma ng isang poldet ang isang totoong negatibong sitwasyon tungo sa isang paborable pa ring kondisyon para maipagpatuloy ang pagkilos at paglaban. Karaniwan o sadyang itinutulak ng sitwasyon ang isang poldet para maging kinatawan sa pagsasabuhay ng isang maigting o napakataas na antas ng rebolusyonaryong optimismo. Ayaw nating maging poldet pero kailangang maging mabuting poldet para makamit ang isang panahon na magwawakas ang sariling “pagka-poldet” at ang mismong batayan ng pagkakaroon ng mga poldet sa ating lipunan. Paradox ito, oo, ngunit isa ring realidad at hamon.
Ano nga ba ang ginagawa ng isang mabuting poldet? Ito talaga ang madalas kong paglimian sa ating limitado at gipit ang kalagayan, sa katotohanang sadya tayong isinadlak sa ganitong kalugmukan upang tuluyang mademoralisa at hindi na makagampan pa ng mga gawain nang tulad nang sa laya.
Ngunit sa pinakamaagang panahon na mapagtanto ng poldet ang wastong pananaw at aktitud batay sa bagong kalagayan – naku, totoong wala nang katapusan ang listahan ng mga gawain. Ang unang hinuha’t pangarap marahil ng isang poldet ay ang magawa pa rin sa loob ang karaniwan niyang gawain bilang isang aktibista na relatibong “malaya” sa pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa. Sa unang bungad ng paborableng kalagayan ay pinaiiral niya ang panlipunang pagsisisyasat at pagsusuri sa uri sa kanyang bagong erya – ang mismong lugar ng detensyon.
Sa panibagong kagyat na baseng masa ng mga kosa ay maaaring agad na ipatupad ang gawaing edukasyon at propaganda, at pag-oorganisa sa kanila bilang mga “politicized prisoners.” Sa iba’t ibang kalagayan ay maaari silang pakilusin para sa pagpapahusay ng kalagayan sa bilangguan, sa paglaban sa di-makatarungang mga patakaran sa rasyon ng pagkain, pagreresolba ng mga problema sa pisikal na kondisyon ng bilangguan gaya ng bentilasyon, atbp. Batay sa kasanayan at kakayahan ng poldet ay maaari rin siyang magbigay ng mga aralin sa literasiya at numerasiya, serbisyong medikal at pangkulusugan, mga palihan sa gawaing pangkultura at sining, legal advice, at kahit ang arbitrasyon sa mga problema sa pagitan ng magkakakosa.
Simboliko at maaaring napaka-epektibo sa praktika ng gawain ng isang poldet bilang mismong propagandista at lider masa sa isang kampanya sa pagpapalaya. Napapatampok ang pagiging aktibista para sa karapatang pantao sa kongkretong katotohanan na siya mismo ay isang biktima ng paglabag sa mga karapatang ito.
Ang penomenon ng mga poldet sa bansa ay hindi pahiwatig ng panghihina o pagkasukol ng isang makapangyarihang kilusang masa, kundi patunay lamang ng papalawak at papaigting na paglaban ng mamamayan. Patunay ito ng desperasyon – na nakikita at isinasakatuparan ng armadong mga sangay ng estado ang pangangailangan na gipitin, supilin at patahimikin ang mamamayang lumalaban. Inilalantad ng penomenon ng mga bilanggong pulitikal ang sa esensya’y reaksyunaryo at pasistang katangian ng estado, ang pamamayani ng isang malupit at mapanlinlang na naghaharing-uri, at ang palasak na inhustisya sa buong sistemang panlipunan. Sa isang banda, sinisimbolo ng mga poldet ang isang napakataas na antas ng militansya, sapagkat sa kabila ng sukdulang panunupil ay nakukuha pa ng isang mabuting poldet na ipagpatuloy ang paglaban.
Mga muni-muni ko lamang ito Ka Alan, at alam kong mas marami kayong maibabahagi pagkat sa isang banda ay hindi na bago sa inyo ang kalagayang ganito dahil kayo’y naging detenido rin noon pang panahon ni Marcos. Sa bahagi ko, ang magagawa ko’y ipagpatuloy ang pagsusulat kahit may mga panahon na nahihirapan pa rin ako sa pagbubuo ng mga ideya ko’t saloobin.
Mahalagang maibahagi ang mga aral na ito sa bawat poldet sa layuning tayo mismo ay makagawa ng isang matibay na grupong suporta sa pagitan natin at mapangibabawan ang buryong, homesickness at iba pang emosyonal at sikolohikal na bagahe. Hindi pa man kayo personal na sumusulat sa akin ay malaki na ang naitulong ng mabilis ninyong paglalabas ng mga pahayag tungkol sa inyong pagkakahuli, sa pagsusuri ninyo at demanda kaugnay ng pang-uupat ng mga militarista sa peace talks na noon ay nag-uumpisa pa lang. Ang inyong mga sulatin ay agad nakapag-ambag sa fighting stance ko. Noong simula na hirap na hirap pa ako sa pagsusulat ay nagpadala ang mga kaibigan ng mga sampol na entry mula sa inyong prison diary, at ito na rin ang nagtulak sa akin upang simulan ang isang “jailhouse blog.”
Malaki ang ambag ng mga sulatin sa bilangguan sa pagtatambol sa kampanya ng mga bilanggong pulitikal. Sa konteksto ng peace talks, maliban pa sa demanda ng NDF na tupdin ng GPH ang obligasyon sa pagpapalaya sa mga NDF consultants na gaya ninyo, ang katulad nitong pagsusulatan ay ambag din pagkalampag kay Presidente Aquino para magdeklara ng general, unconditional at omnibus amnesty para sa lahat ng higit 300 bilanggong pulitikal sa buong bansa.
Menor na layunin na lang marahil ang maipatampok natin ang liham bilang isang anyo ng panitikan, lalu pa at may mahabang karanasan na ng paggamit ng prison writing lalo na noong panahon ni Marcos. Maaaring ang pagkakaiba lang ng ating pagsusulatan ngayon ay maaari na itong gawin sa anyo ng “open letters.” Dahil sa prestihiyo nito bilang bahagi ng pambansang panitikan at dahil na rin sa teknolohiya ngayon ay kagyat na natin itong maisasapubliko sa pamamagitan ng magpakaibigang mga publikasyon at sa pamamagitan ng internet.
At pinag-uusapan na rin lamang ang panitikan, sana po ay makapagpadala na rin kayo ng inyong mga bagong akda. Sa pamamagitan ng ating mga sulat, akda at tula ay patuloy po tayong mag-ugnayan bilang mga panata sa ating paglaya.
Sa Kalayaan,
Ka Eric
14 Setyembre 2011
ReplyDeleteEricson,
Makailang beses na akong dumalaw sa iyong blog at makailang beses ko na ring sinipat ang sarili kung paano ako magrereak sa iyong mga sulatin sa ibatibang lebel ng aking pagkatao bilang migrante. Ganun pala talaga yun bagamat napakataas ng antas ang narating mo at ng iba pang mga bilanggong pulitikal kaming mga migrante'y waring nakakulong din sa malayong bayan kahit may kalayaan naman kaming maglakad at magpunta sa kung saaan saang mga lugar ng pagaabot. Hindi tayo magkakilala ng personal. Isang panahon lang kitang nakatagpo at iyun ay sa isang palabas na naging isa ako sa katulong para sa anaibersaryo ng pagkamatay ni Mulong Sandoval na ginanap sa noon’y tumbang Preso.Hindi ako sigurado kung naalala mo pero isa ka sa nagpaunlak na magbigay ng iyong talento para sa gabing iyun kasama pa ang iba pang naimbitahan: Pablo Tariman, Gelacio Guillermo, Richard Gappi, Kerima Tariman, Nonilon Queano atbp artista ng sambayanan. Di na naulit ang mga sumunod na tsansyang magkatagpo. Tumulak na ako sa Canada bandang 2002. Isang mahabang taon ng pagkakahiwalay sa mga minamahal na pamilya, kaibigan, kakilala at mga memorya ng aking bayan.
Kung bakit ako sumusulat sa iyo ay bilang tugon at pakikiisa sa kinasadlakan mong kalagayan na isang malaking pagmumulat at nagpapalakas para maging matatag sa lahat ng mga panahon kagaya mo'y ako din ay nahiwalay sa mga minamahal. Subalit sa mga panahon ng pagiisa doon natin nadirinig ng malinaw na malinaw ang mga panaghoy ng ating mga kababayan anupamang paghihirap, kaapihan at walang katarungan ang kanilang dinaranas. Sa ating pagiisa doon natin lubusang naiintindihan ang ating kapalaran bilang tapagbandila at bantayog ng katotohanan bilang mga alagad ng sining na sa ating dalawa'y may pagkakapareho: tula, kanta, pagguhit, pelikula. Ang mga sining na ito ay mahahalagang kalasag para kalampagin ang sambayanan at iparating ang tunay na kalagayan ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Bilang migranteng alipin ng maling patakaran ng gobyerno alinsunod sa Labor Export Policy na siyang modernong eksploytasyon ng ating mga kababayan sa ibang bansa-- lubos akong nagpupugay sa iyo at sa lahat ng iba pang bilanggong pulitikal na hindi naman kailanman nawala sa malay ng sambayanan. Ang inyong sakripisyo ay isang lakas na dagdag pang lalo para sa pagpupursigi ng sambayanan sa pagsusulong ng mga konkretong mga batayan ng pakikibakang tuluutuluy, walang humpay at pasulong na umuunlad!
Sa panghuli'y gusto kong personal na magpakilala. Ako nga pala si Louie Queano, isang musiko at sumusulat ng mga awit at tula. Ang buhay ng sambayanan lumalaban lagi ang ating inspirasyong upang magmulat at magpalakas ng ating hanay na pasulong hanggang sa dulo ng tagumpay! Sa pagsusuma'y patuloy akong sisigaw kasama ang iba pang makabayang migrante: PALAYAIN LAHAT ANG BILANGGONG PULITIKAL! PALAYAIN SI ERICSON ACOSTA!
LOUIE QUEANO/ Filipino Migrants Worker’s Movement (FMWM-Ontario Canada)