Sunday, September 18, 2011

Sulat para kay Eduardo Sarmiento

“Arestado ka!” ang mabagsik na turan
Ng mga otoridad ng estadong marahas
“Posasan ang kamay, piringan ang mata!”
at dagling isinakay sa abuhing van

At hindi naglaon sasakya’y tumigil
ang abang katawa’y sinilid kung saan
Ang kinasadlaka’y kakaibang daigdig
Na wari’y libingan o kabaong malamig

Malagkit ang hangin, amoy pawis at sigarilyo
ang kulay ng mundo’y sing itim ng uling
Ang oras mo dito’y lubhang napakabagal
At ang gabi rito’y sadyang walang bukas..

Lugmok ang katawang pagal na sa hirap
di pinatulog sa boung magdamag
ang interogasyon at mental na tortyur
ang gumigising sa isip sa lahat ng oras.

Ang anasan ng gwardya’t mga interogador
ay hishis ng mga ahas na handang tumuklaw
Ang kanilang mga tanong, “sino..saan..paano..?”
ay punyal na tatarak kung di mo masalo.

Habang may hininga’y diwa’y di susuko
sa paglaban makakamit ang paglayang tunay
ang mabisang panangga sa takot at hirap
ay pag ibig na wagas sa iyong minamahal!

Sa bawat impormasyong hindi ibibigay
ay pagkait sa kaaway sa layong tagumpay
Ito ay paglabang tagumpay na ituring
na dagdag na lakas sa ibayong paglaban

Ang mundong ito sa kailalimlaliman,
ay desenyong sinadya ng imbing kaaway
Umatungal man dito ang sanlibong oso,
ay di mapapansin sa mundong ibabaw

At mula sa “safehouse” na tigib ng dusa
Saan kaya hahantong itong abang bihag..?
Sa libingan kaya ng mga buhay,
O sa malamig na hukay..?

“Safehouse”
Ka Edong
Pebrero 2009


NDF Consultant Eduardo Sarmiento


Kasamang Edong,

Pulang pagsaludo at pagbati!

Noong Mayo, niregaluhan ako ng isang matalik na kaibigan. Hindi naman niya talaga sinabing regalo nga niya sa akin ang ipinadalang envelope na naglalaman ng mga tula. Pero dahil ilang araw na lang ay kaarawan ko na noon, hinayaan ko ang isang kapritso at idineklara ito bilang isang pambihirang birthday gift. Bagamat manunulat din, hindi ang kaibigan kong iyon ang may-akda ng nasabing pyesa kundi – maraming salamat—kayo po, Ka Edong.

Ang mga obra ninyong ito ay magarang mga pamaypay sa alab ng paglilingkod sa sambayanan at ng paglaban sa reaksyon at pasismo—sariwang mga anahaw ng ahitasyon at romantisismong rebolusyonaryo. Dahil karamiha’y tungkol at isinulat sa panahon at lunan ng detensyon, may partikular o espesyal na danas na hatid ang mga bersong ito kagaya kung paano patuloy ko pa ring inaaral ang bago at kakaibang buhay at pakikibakang ito sa loob ng bilangguan. May isinusulat ako hinggil sa bagay na ito bilang rebyu na rin sa mga tula ninyo, agad ko kayong padadalhan ng kopya sakaling tapos na. Muli, marami pong salamat.

Habang sistematiko at institusyonalisadong nagpapatuloy ang pagkikriminalisa at pagpapakulong sa mga gaya nating nagsusulong ng anti-pyudal, anti-imperyalista at anti-pasistang mga kilusan ng masa, magpapatuloy ding sadya ang napakahalagang tradisyon ng panitikang piitan o prison literature. Kung wala ang tradisyong ito kung tutuusin, kung sa iba’t ibang panahon ay walang tumangan sa panulat bilang sandatang pulitikal sa gitna ng pinakamapanil na kondisyon sa likod ng rehas, lubhang mababawasan ang kabang-yamang pangkultura ng bansa. Agad-agad kung magkakagayon, mabubura ang makabuluhan at makasaysayang mga likhang sining gaya na lamang ng “Florante at Laura” ni Balagtas, “Mi Ultimo Adios” ni Rizal, at ng marami sa pinakamarubdob na mga tula nina Amado V. Hernandez at Jose Ma. Sison.

Sa pamantasan, isa sa masigla kong binasa at inaral noon na aklat sa panitikan ay isang antolohiya ng mga tula sa Ingles na ilan sa libu-libong ipinakulong ng diktadurang Marcos, kasama na ang mga likha ni Kasamang Alan Jazmines. Bukod dito’y may iba pang mga antolohiyang gaya nito na naglabasan noong ikalawang hati ng dekada ‘80 at nagtampok sa mga akdang Pilipino ng mga ex-detainee tulad nina Bonifacio Ilagan, Jose F. Lacaba, Bienvenido Lumbera at Lilia Quindoza. Noong panahon ng rehimeng US-Estrada, ang naaalala ko ay ang manuskrito ng payak na koleksyon ni Kerima Tariman, na noong taong 2000 ay isa na mga pinakabatang naging detenido politikal sa edad na 20. At nitong 2009, sa paglabas ng “Mga Tugmaang Matatabil: Mga Akda Mula sa Libingan ng mga Buhay,” ipinamalas sa atin ni Axel Pinpin sa unang aklat niyang ito na ang pinakamahusay na nailimbag na mga tulang Pilipino ng nakaraang dekada ay naisulat sa lilim ng karsel.

May simple, sabihin pang kakatwang katangian ang panitikang piitan kung paka-iisipin. Sa isang banda, sa esensya’y hindi na natin nais pang yumabong ang genre na ito. Sa katunayan, nais nating matapos na ang tradisyong ito bilang konsekwensya ng mas malaki at pangkalahatang hangarin nating magwakas na ang penomenon ng bilanggong pulitikal at iba pang dulot ng pasismo. Sa kabilang banda, dahil naghuhumiyaw pa ang realidad ng inhustisyang ating kinasasadlakan, habang di pa nakakamit ang tunay na pagbabagong panlipunan, ang panitikang ito at ang buong rebolusyong pangkultura sa sining at literatura ay sadyang kinakailangan.

Ang isang nabanggit ko sa isang mensahe para sa aktibidad ng Free Ericson Acosta Campaign noong isang linggo ay ang mungkahing sana’y may mga kasamang magtipon sa mga sulatin ng kasalukuyang mga bilanggong pulitikal at mailathala bilang isang bagong antolohiya. Mga tula, kwento, sanaysay, liham at iba pa. Maaaring maiambag ding mga pyesa rito pati ang galing sa mga kalalaya pa lamang gaya nina Kasamang Elizabeth Principe, Kasamang Angie Ipong, Randy Echanis o ilan sa tinaguriang Morong 43. Napapanahon ang koleksyong ito laluna sa gitna ng kasalukuyang hamon ng iba’t ibang sektor at demokratikong kilusan para magdeklara ang gubyenong Aquino ng isang general, unconditional at omnibus amnesty para sa lahat ng mahigit 300 bilanggong pulitikal sa Pilipinas.

Ang isa pang iminumungkahi ng mga kasama ay ang makipagtugtugan sa inyo d’yan at mairekord ang jamming na ito gaya ng ginawa ni Renato Reyes Jr ng BAYAN nang minsang dumalaw siya rito noong Abril. In-upload ni Ka Nato ang aming kantahan sa internet bilang “Prison Sessions” at ang sabi niya sa akin matapos noon ay nakatulong daw ang hilaw na rekording na ito sa dagdag na lapad ng suportang masa para sa kampanya sa pagpapalaya di lamang sa akin kundi sa lahat ng bilanggong pulitikal.

Ngayon ipagpaumanhin na lamang sana ninyo kung nangahas na ako at “ibenta“ na kayo sa mga kasama. Ang sabi ko kasi sa kanila ay napag-alaman kong kayo pala ay may “malupit” na mga daliri sa gitara laluna sa Pulang curacha. Ang inaalala ko lang, dahil alam kong relatibong mas mahigpit ang kondisyon dyan kumpara rito, ay kung pagbawalan kayo na makapag-jamming. Mukhang kailangang maghanda na lamang ang kinauukulang mga sektor kung magkaganon at maagap na makapag-ingay at maipaabot ang napakasimple at makahulugang kahilingan – ang marinig ang musika ni Kasamang Edong Sarmiento.

Naisip ko rin, Ka Edong, kaya po kaya ninyong sumulat ng isang awit tungkol sa mga bilanggong pulitikal, o isang pangkalahatang himno ng pakikibaka laban sa terorismo ng estado? Kung sakali, isang masiglang martsa, militante, palaban at puno ng pag-asa. Ang isa kasing ideya ay pwede itong irekord at gawan pa nga ng bidyo. Ang mga tutugtog at magtatanghal ay mga bilanggong pulitikal mula mismo sa iba’t ibang lugar ng detensyon sa buong bansa. Hiwa-hiwalay na irerekord ang pagkanta ng piling bilanggong pulitikal pero sa tulong ng teknolohiya ay makakabuo ng isang track na parang isang tinipong choral ang umaawit. Ano po sa tingin ninyo?

Naku, nagmumukha nang project proposal ang sulat na ito. Marami pa sana akong gustong ihanay na mga bagay pero sa susunod na lang ulit. Ang huling mungkahi ko na lang ngayon ay may kinalaman sa naibahagi ko na sa sulat ko kay Kasamang Alan Jazmines tungkol sa pagbubuo ng kadena ng suporta sa hanay ng mga bilanggong pulitikal sa pamamagitan ng pagsusulatan. Plano ko kasing sulatan ang mga kasamang magsasaka na tinaguriang “Catbalogan 5.” Sinubukan kong gawin ito sa Winaray pero inabandona ko na ang ideya dahil mukhang hindi ko pala talaga kaya. Samantala, ang sulat ko sa kanila sa Pilipino ay hindi ko pa natatapos. Pwede po rin ba ninyo silang sulatan? Tiyak akong labis silang matutuwa at ibayong tataas ang kanilang moral at palabang diwa kung makakarinig sila mula sa inyo, lalu na sa lokal nilang wika.

Hala, nahalawig na ini ora-ora. Ha otro na la gihapon. Ipaabot na lang po ninyo sa iba pang mga kasama riyan ang pinakamapula kong pagsaludo at pinakamaalab na pagbati. Walang duda, hindi tayo pagagapi sa estado ng mga mapang-api’t mapagsamantala. Lagi’t lagi tayong magbabalikwas at lalaban kahit sa pinakagipit at sukol na kalagayan. Gaya ng sabi ninyo sa inyong tula, ang mga rehas sa ating paligid ay ginagawa nating sibat para sa kaaway.

Kalayaan,

Ka Eric
Calbayog City sub-provincial jail
July 16, 2011

No comments:

Post a Comment