Saturday, December 3, 2011

Sulat kay Bibeth Orteza

Basahin ang sulat ni Bibeth Orteza para kay Ericson Acosta

November 9, 2011

Dear Direk Bibeth,

Mabuhay!

Nung isang araw ko lang natanggap ang sulat n’yo. Nabasa rin ito ng mga kaselda at nakaabot pa nga sa at least dalawa pang selda. Kung na-touch ang mga kakosa, paano pa kaya ako? Damo nga salamat ngan damo pa lewat nga salamat!

Ngayon ko lang nalaman na tubong-Catbalogan pala kayo. Ilan sa mga kakosa ang nagbidang pamilyar nga raw sila sa inyong pamilya. Ang iba naman ay humanga sa hagod ng prosa ninyong Waraynon. Marami kasi ritong taga-Gandara, Sta. Margarita at siyempre, Calbayog, na sa obserbasyon ko ay may otomatikong pagkagiliw sa variant ng wika ng Catbalogan (o San Jorge) marahil dahil na nga sa ito ang lingua franca o ang kinikilalang opisyal o pormal na Waraynon. Anu’t anuman, pasensya na at bigo ang tangka kong sagutin kayo sa taal ninyong salita. Kaya heto, Tagalog-Batangas at Cubao na lamang muna.

Sa bahagi ko, sabihin pang walang pinipiling bayan, probinsya o rehiyon ang tawag ng tungkulin – para bang malaon na akong binihag nitong ikatlo-sa-pinakamalaking-isla-sa Pilipinas, ang Samar.

Mula sa history books (at hindi sa Travel Time) ako unang nagkaroon ng partikular na interes sa Samar. Sa mga akda nina Renato Constantino, Amado Guerrero at Schirmer, matingkad na patunay sa kalikasang marahas ng imperyalismo ang lupit ng henosidyo na dinanas ng buong isla sa kamay ng Amerikanong mananakop noong panahon ng Philippine-American war. Marami ring sulatin hinggil sa Vietnam War ang natuturo sa “howling wilderness” ng Samar bilang siyang laboratoryo ng maka-hayop na taktika ng agresyon na ginamit ng US sa Indochina at sa iba pang bahagi ng daigdig.

Kakambal ng temang ito, gayunman, ay ang maningning na patriyotikong tradisyon ng isla at ng rehiyon sa pagtatanggol at paglaban. Nariyan ang mga Pulahanes at iba pang grupo at makabayang mga lider na tinagurian ng mga mananakop bilang insurekto, bandido, bandolero. Nariyan ang pag-aaklas ng Balangiga. Nariyan din ang gerilyang mga pangkat ni Heneral Lukban (nakakalungkot isipin na ang kampo sa Catbalogan na ipinangalan sa makabayang heneral na ito ay siyang eksaktong sentrong himpilan ng 8th Infantry Division na ngayo’y may mahaba nang rekord ng panunupil at pandarahas sa mamamayan ng Samar at Leyte . Kabalintunaan na ang pangalan ng anti-imperyalistang heneral ang tawag ngayon sa kampo na sa esensya ay outpost ng US military imperialism sa sulok na ito ng arkipelago.)

Noong 1998 ay may naisulat akong tula tampok ang kasaysayang ito ng Samar. Mula rito ay may storyline akong nabuo at ibinato sa Alay Sining para sa isang dula. Sa pangunguna ng makatang si Richard Gappi ay nakumpleto ng Alay Sining writers collective ang isang iskrip noong taong ding yon, at katuwang ng ilang kasapi ng UP Repertory ay nai-mount ang isang produksyon na may pamagat na “Samar.”

Nang mapadpad ako sa wakas sa Samar, mabilis na nagka-ugat sa puso ko ang mga Waray-waray. Sino ba namang manggagawang pangkultura ang hindi tatamaan ng curacha at ismayling, ng mga luwa at pabulang bayan, ng daan-daang makabayang awiting Winaray? Nakumpirma ko nang direkta ang mga sinabi ni Kris Montanez noong Dekada ’80, sa kanyang panlipunan at pangkulturang pagsisiyasat sa Samar – na ang buong isla ay isang mina ng mapagpalayang sining at panitikan. Alaala kong lagi ang kanayunan ng Samar kahit dinala na ako ng gawain sa Maynila o saanmang probinsya o rehiyon.

Inihatid akong muli ngayon sa isla. Sa pagkakataong ito, ay mapapalalim ko ang aking kaalaman tungkol sa binabanggit ninyo na “damo nga waray para ha mga Waray-waray,” ang malawak na kawalan ng kabuhayan at serbisyong panlipunan. Ito, sa kabila ng likas na kayamanan ng isla. Nabanggit ko sa isang sulatin ang tungkol sa 50 taong moratorium sa malakihang pagmimina dito sa probinsya ng Samar. Isang patakaran na sa aktwal ay sinasagasaan ng ilanpung dayuhan at malakihang mining permits na inaprubahan dito sa isla. Layunin nitong mapangalagaan at mabigyan ng santuaryo o ligtas na kalalagyan sa kagubatan ang tinatawag na mga endagered specie ng Samar gaya ng Philipppine Tarsier, Philippine Eagle at Philippine Cockatoo. Pero dahil sa daantaong pangangamkam ng lupa at pandarambong sa likas-yaman, ang mga karaniwang mga magsasaka — ang tinaguriang Philippine Peasant – ay matagal nang nanganganib: unti-unting pinapatay sa gutom at kawalan ng kabuhayan, tahasang pinapaslang dala ng militarisayon.

Isang seryosong suliranin ng Samar, at ng buong bansa – ang impunity. Hanggang ngayon ay bitbit ng mamamayan ang pangamba mula sa kanilang tromatikong karanasan noong “panahon ni Palparan.” Humahaba ang kasaysayan ng panunupil, banggitin pa ang pagpaslang kay Dr. Bobby dela Paz noong panahon ng diktatura at sa panibagong karahasan hanggang sa kasalukuyan. Kahit wala na si Palparan sa isla, naghahari pa rin ang takot. Walang duda na nagpapatuloy ang paglabag sa karapatan. Ngunit kahit sa loob ng piitan, alam nating nariyan at nangingibabaw ang mapanlabang diwa. Inspirasyon ng isang detenido ang mga balita ng pagdaluyong ng kilusang masa sa syudad, sa nayon at sa buong napakalawak na daigdig!

Wala akong nakikitang malaking problema sa binabanggit ninyong usapin ng inyong pagiging “nariyan” gayong kayo ang taga-rito in relation sa pagiging “narito” ko gayong nagmula ako sa ibang lupalop. Nakukuha ko siyempre ang gusto ninyong sabihin at karangalan ko po iyon. Pero ang sa akin lang, nariyan man kayo ay tiyak kong sa inyong paraan at kapasidad ay dala-dala ninyong lagi ang kapakanan ng mga kababayan ninyo rito. Alam ko rin ang pagmamalasakit ninyo para sa aping mga sektor ng mamamayan mula man sila sa kung saan, at handa kayo lagi na bigyan ng boses ang kanilang makatwirang mga adhika.

Ang pagbibigay ninyo ngayon ng suporta sa panawagan ng agaran kong pagpapalaya ay di lamang pagdamay sa isang kapwa-artista, hindi lang simpatyang propesyunal o pagkampi sa isang halos kababayan – pagpanig, pagtindig ito pangunahin sa kung ano ang wasto at makatarungan. Pambihira kayo kung tutuusin sa inyong milieu, at nasa katayuan kayo upang makapag-ambag ng higit pa para sa pagpapalawak ng hanay ng mga artistang mulat at hindi nangingiming makisangkot.

Mabuhay kayo!

Ericson Acosta

Calbayog sub-provincial jail

No comments:

Post a Comment