Basahin ang bahaging 1, 2 at 3
Marami pa sana akong gustong sabihin dito tungkol sa paksa ng eksena, tungkol sa punk, tungkol sa rakenrol, tungkol kay Ely, tungkol kay Dong at iba pa – pero saka na lang. Huli na lang kaugnay nito: Isang beses ay nakasama ko sa Berouz ang buong Eraserheads, si Ann Angala (ang kanilang manager) at at si Chickoy Pura. Hindi ko na maalala kung kailan ito at kung bakit ako napasama sa kompanyang iyon. Pero seryoso ang agenda. May inaalok si Ely at Ann kay Chickoy. Ideya ito pangunahin ni Ely. Isang misyon noon ni Ely na mabigyan ng BMG Philippines ng recording si Chickoy Pura at ang The Jerks. Paraan iyon ng ika nga ay pagsukli ni Ely at ng Eraserheads sa inspirasyon na ibinigay sa kanila ng mga alamat ng rakenrol na gaya ni Chickoy. Kayang-kaya ito ni Ely, bilang lider ng Eraserheads na noon ay siyang pinakamalaking talent ng BMG.
Syempre sa isang kondisyon – kailangan lang na “kumpunihin” ang mga kanta ng Jerks para ika nga ay medyo lumabnaw ang pulitika ng mga ito at maging “radio-friendly” o katugtug-tugtog sa radyo.
Agad-agad at walang kaangas-angas, nagsabi si Chickoy na baka magkaproblema kung ganun. Sumagot si Ely na sayang naman ang pagkakataon; sayang naman ang The Jerks kung hindi sila bibigay sa maaaring maliit lang naman na kondisyon ng negosyo sa musika. Walang kaangas-angas, walang hinanakit, sabi ni Chickoy, “Oo nga pare, pero sayang naman ang mga kanta.” Sinundan ito ni Chickoy ng karaniwan niyang tawa na parang bale-wala lang. Parang gusto niyang sabihin na, ayos lang ‘yon, ganyan talaga, hamo na, ang sarap nitong shawarma. Halatang apektado ang delegasyon ni Ely (maliban kay Marcus na abala na sa ibang trip). Hindi alam ni Ely kung paano magre-react. Panghihinayang sa isang banda, siyempre. Paghanga, sa kabilang banda.
Kung tutuusin, si Chickoy ang orihinal na myembro ng Acosta Universe, ang pioneer ng kontemporaryong kilusang Iwas-Uso. (Anu’t anuman, ako pa rin sa aking pagkakaalam ang natatanging pruweba ng penomenong Iwas-Tuto — sa paggigitara).
Pero kung napapayag ni Ely si Chickoy, maaaring hindi na naisulat ng huli ang “Rage” at ang “Storm.” Naging makata si Chickoy nang malikha niya ang “Rage.” Sa pagitan ng “Rage” at ng “Storm” ay ang pag-unlad ni Chickoy mula sa isang folk-icon-poet tungo sa isang folk-statesman-“soul” ng urban mass movement. Sa ilang panahon ay ginampanan rin nina Heber Bartolome at Jess Santiago ang papel na ito pero sa palagay ko ay para bang masyado silang nalungkot o di kaya’y masyadong inisip si Bob Dylan at si Victor Jara.
Mahalaga ang taguring “statesman.” Tinutukoy nito ang natatanging kakayahan ni Chickoy na pagkaisahin ang mga musiko para sa tunguhing demokratiko at makabayan. Wala siya ng angas ni Heber. Wala siya ng sentimentalismo ni Koyang Jess. Ang mayroon siya ay ang gaan ng loob ni Monico Atienza. Kapag sinabing “soul” ito ay kaluluwa, “espiritu,” “esensya.” Ang bawat matagumpay na pagtatanghal ni Chickoy sa mga rali o sa iba’t ibang okasyon at pagtitipong-masa ay isang pagdaranas sa “soul” ng “rage,” sa “soul” ng “storm” na siya lamang ang makapaghahatid sa ganoon ka-sinsero, pinaka-“hubad” na paraan gaya ng purong rock n’roll at ugat nitong blues na inawit noon ng mga manggagawang aliping blacks sa perokaril ng US at ng mga kargador sa mga pier ng England. Kaya kung bilang manlilikha ng awit, si Chickoy ay isang “poet,” bilang mang-aawit o performer, siya ay isang “soul.”
Tiyak, ang mga nakaabot kay Lean Alejandro ay makapagsasabing si Lean, bilang lider-masa ay isang “soul.” Kapag sinabing “folk,” siyempre Bob Dylan, o para mas ligtas, ang “batang” Bob Dylan. Pero kung may hibong rebisyunismo ang paglalakip ng “bata” o “young” (gaya halimbawa ng mga Trotskyite na nagpauso sa “young Marx” na pamimilosopong anti-komunista), sabihin na lang na ang “folk” ay si Woody Guthrie. Monico Atienza, Lean Alejandro, Woody Guthrie, kakatwang barkadahan at siya ring kinabukasan ni Chickoy sa tingin ko. Sa pagitan ng “Rage” at ng “Storm” ay ang pag-unlad ni Chickoy mula sa isang folk-icon-poet tungo sa isang folk-statesman-“soul.”
Ang kopya ko ng natatanging live recording ng The Jerks na ginawa noon sa Mayrics sa Espana, sya nga pala, ay naiwala ko na rin.
Sa pagitan ng “Jessie” at “Isang Minutong Katahimikan” ay isang mahaba-habang paglalakbay. Sa pagitan ng “Marmalade” at “Duyan” ay isang buhay pa ring pagnanasa na madiskubre ang praktikal na katuturan ng chords.
(Itutuloy)
No comments:
Post a Comment