Wednesday, November 9, 2011

Kabilang sa mga Nawawala (3)


Unang bahagi

Pangalawang bahagi


IV. Eksena

Taong 1990, second year college ako, nakipag-jamming ako sa banda nina J Gatmaitan at Peter S. Laking-Japan si J at si Peter ay kaklase ko mula 2nd year hanggang 4th year high school. Si J ang lead guitarist at rhythm si Peter. Ang bass ay si B1 at ang drummer ay si B2. Si B1 at B2 ay kambal. Sila ang may-ari ng bahay/studio na pinagjajammingan naming sa Sun Valley, Paranaque. Kapag hindi ako nakikijam, si J ang kumakanta. Kapag kasama ako, ako ang bokalista.

Kakaiba ang repertoire ng bandang ito na ang pangalan ay Cassandra. Ang suggestion ko sa kanila ay si Eric Clapton at U2. Mahusay naman ang Cassandra, pero wala lang plano. Gustong sumubok ng metal pero hindi buo ang loob. Ayaw naman ng punk. Masunurin na magalang ang Cassandra. Si J ang tumatayong lider. Mahusay si J at masipag mag-aral ng Steve Vai at Joe Satriani. Kaso wala lang plano. Nang dumating ako, parang na-excite sila dahil marami akong magazine tungkol sa studio recording at sound engineering. Kakaiba yon dahil ang mga magazine nila ay tungkol sa mga gitara, guitar effects, at guitar tabs. Ang mga magazine ko ay tungkol sa mga microphone filters, acoustic carpets, 24-track consoles at 2nd generation MIDI. Ang sabi ko sa kanila, subukan namin kung ano ang tunog ng Cassandra sa medyo high-tech na studio.

Ako ang naghanap ng studio. Sa Abbey Road sa Pasay. Malaki ang Abbey Road. Walang egg trays. Pati ‘yung synthetic wooden tiles na butas-butas hindi uso dito. Espesyal na wood panels talaga ang acoustic installation sa pader, kisame at sahig. Maraming makakapal na glass divider panels. Malaki ang control room na elevated at parang main hub ng space ship – madilim, maginaw na maginaw, at mabango ang carpet. Hiwalay ang drum area, hiwalay na kwarto talaga na medyo maluwag din. May dalawang Fender guitar sa studio floor at isang bass guitar. Tapos isang Yamaha na grand piano. May 24-track console.

Taong 1990 noon at medyo sosyal ang rate na P500 per hour na renta. 1995 na nga e P200 per hour pa rin sa Annapolis. Kaya 1990, hi-tech na talaga ang Abbey Road. Parang mga paslit na nakapasok sa karnabal sa unang pagkakataon nang makapasok ang Cassandra sa Abbey Road. Ako, cool lang dahil na-survey ko na ‘yung lugar mga ilang araw pa bago kami nag-record, at para ngang barkada ko na ‘yung engineer.

Naka-dalawang oras kami. Ang ni-record naming ay ‘yung kanta ko na “Jessie” at ang kantang “Universe” ni J Gatmaitan. Kahit nakapag-rehearse kami sa Sun Valley, may mga palpak pa rin kami sa studio na umabot ng mga 30 minutes siguro. Para kasing nanliit ang Cassandra sa ganda ng Abbey Road. Nang i-playback nung engineer yung bahagyang na-mix na ni-record namin na “Jessie,” manghang-mangha ang Cassandra. Hindi makapaniwala ang Cassandra na Cassandra nga ang napapakinggan nila dahil sa napakalinis at napakalutong na tunog ng “Jessie.” Na-inspire nang husto si J Gatmaitan. Ni-record niya nang solo ang kanyang “Universe.” Nagustuhan ng Cassandra ang unang recording session na ito.

Akala ko, ito na ‘yung magsisilbing pamukaw sa kanila para seryososhin ang tugtugan. Pagkalipas ng ilang araw, balik na naman sila sa dati nilang kampanteng pagsandal sa kahusayang walang patutunguhan. Sinikap kong engganyuhin silang dumalo sa mga pwedeng tugtugang mga gimik, pero mga exams at papers na ang mga dahilan nila. Sabi ko kahit ayusin lang namin yung “Jessie” dahil masyado pang manipis. Baka kako may maging interesado sa Cassandra kapag narinig nila ang isang halos professionally-produced na demo. Sabi nila OK lang, pero hindi naman talaga sila nag-commit. Sabi ko, sige sisimulan ko lang at baka sumunod na rin sila.

Inareglo ko ang production. Narinig ko na sa utak ko ang aregladong “Jessie” – parang “Walking in Memphis” ni Mark Cohn at “Something to Believe in” ng Poison at parang Dire Straits at parang Pink Floyd. Nakakuha ako ng dalawang pianista, si F. Ferras ng UP College of Music at si Blaise Gacoscos ng UP Rep (na magiging entertainment editor ng Manila Times kapalit ni Eric Ramos); isang violinist; at apat na back-up vocalists, isang babae at tatlong lalaki kasama ang makatang si Ramil Gulle. Si Blaise ay kumanta rin pala. Dati siyang myembro ng UP Singing Ambassadors.

Nag-rehearse kami sa bahay ni Tia Nene dahil may piano roon. Pagdating sa Abbey Road, kabado ang lahat, nakaka-pressure talaga ang Abbey Road. Parang pinaka-presyurado si Blaise bilang pianista, pero ayos naman. Natuwa naman sila sa mixed na output.

Halos lahat ng nakarinig sa “Jessie” ay na-impress. Nakalimutan ko na kung anong radio station pero basta sa taas ng Insular Life Building sa Ayala ‘yung binigyan ko ng kopya. Sabi ng DJ o program manager ay OK, at humingi ng master copy sa format na Ampex. Nagpamaster ako sa Abbey Road sa Ampex pero hindi ko na maalala kung na-follow up ko sa istasyon.

Halos lahat ng nakarinig sa “Jessie” ay na-impress. Hindi naman kasi talaga masama. OK naman yung baritone ko sa verse at ligtas na mga birit sa koro. OK yung bagsakan sa piano ni Blaise. OK yung lead na may distortion ni J. Medyo ngiwi lang sa ilang bahagi yung violin. Medyo manipis kahit ni-layer na yung harmony ng back-up vocals. Pero sa pangkalahatan, pwede na.

Isa sa mga napatunayan ko ay pwede pala talaga akong kumanta. Iba pa syempre kung may puwang ako sa pagpapakadalubhasa sa musika. Ang mas malalim kong realisasyon ay hindi pa hinggil sa kakayahan ko sa pag-awit o sa musika, kundi sa potensyal ko sa pamumuno. Napatunayan ko na kaya kong bumuo ng isang plano, ipaliwanag ito nang malinaw sa mga taong makakatuwang ko, at puspusang kamtin ang katuparan ng plano kasabay ng masigasig na partisipasyon ng isang grupo. Sa “Jessie” ako unang dumiskarte sa pasikut-sikot sa totoong buhay, at noon ay napansin kong mahusay akong bumagay o makisalamuha sa iba’t ibang tao, kaklase, kaibigan, kamag-anak, kaibigan ng mga kaibigan, sound engineer, DJ, rakista, at iba pa. Pero bakit ako huminto? Bakit hindi ako nagtuluy-tuloy?

Parang ganito: parang napansin kong pa-banda na ang bagong pangkalahatang direksyon ng kabataan noong mga panahong iyon at parang isang araw ay bigla ko na lang napagdesisyunan na “huwag na lang,” – “saka na lang” at naging tagamasid na lang ako. Pero habang nagaganap sa harap ko ang sikad ng eksena, hindi ako mapakali.

Dahil sa “Jessie,” kaya ko sanang pamunuan ang Cassandra sa mas pasulong na direksyon. Kung hindi man maging OK ang Cassandra, kaya ko namang bumuo ng bagong banda. Sa katunayan ay may ginawa akong listahan noon ng posible kong mabuong bagong banda at pwede nga akong makabuo ng hindi lang isa kundi 3 hanggang 5, dahil sa mga panahong iyon ay marami na akong kakilalang may banda na o nag-uumpisa pa lang sa eksena.

Papakinggan ko sa utak ko ang iba ko pang mga kanta at maiisip ko na pwede talaga – pero huwag na lang. Mga 15 kanta na ang naisulat ko mula 1989 hanggang 1991 tungkol sa iba’t ibang paksa at sa iba’t ibang porma. May tungkol sa human rights na impluwensyado nina Sting, Bono at Tracy Chapman na mga miyembro rin ng Amnesty International – ang mga pamagat ay “Conspiracy,” “Bars(?)” at “I Don’t Think So.” Ang iba naman ay tungkol sa mga tangka sa Beatleismo at interpretasyon sa art history (!) – “Renaissance Man,” “Marmalade;” may mga romantic blues: “Butterfly,” “Cycle” at may ginawa rin ako para kay Brecht, ‘yung “Mother Courage.” Tapos ito na ngang drug-guilt rock na ang pamagat ay “Jessie,” na tungkol sa isang nagngangalang Jessie na parang sosyal na counterpart ni Buloy.

Ang references ko sa mga panahong ito, bukod sa nabanggit nang mga artists ay sina Bruce Springsteen, Tears for Fears, Steely Dan, The Doors, Elvis Presley, Jerry Lee Lewis, Paul Simon, Arrested Development, INXS, Genesis, Gary Valenciano, Bangles, Rico J. Puno, Van Halen, Cyndi Lauper, Jun Polistico, APO, at iba pa. Noong 1990, sabi ko’y gusto kong mag-blues: Ray Charles, BB King, Muddy Waters. Ganitong panahon din nag-decide si Binky Lampano na ayaw na muna niyang kumanta ng The Ramones. Narinig ko siya minsan na kumanta ng Sunday Bloody Sunday tapos segue sa Gloria, G-L-O-R-I-A.

OK naman ang punk pero mabilis lang akong maumay. OK naman ang tunog-manibalang pero madalas napepeke-an ako sa asta. Gusto kong ma-intimidate, gusto kong ma-intimidate pero peke. OK naman ang mga Betrayed, OK naman ang mga Dead Ends. Pero ang iba parang kulang, o hindi lang ako mapaniwala. Ang mahusay ay ang Dean’s December, pero kay Binky lang ako naniwala. Ang Wuds, may kahusayan, at dahil laking-Singalong ay may pambihirang katotohanan. Ako na taga-QC ay nanampalataya.

Nahirapan akong maniwala sa ilang banda sa eksena. Naniwala ako sa kanilang pagpupursige, pero mahirap paniwalaan ang kanilang sinasabing kalungkutan, ang kanilang kasihayan/kasayahan, ang kanilang ipinamamaraling kaalaman. Sa panahong ito ay malay na ako sa progresibo, kundima’y Marxistang kritika sa kulturang popular at maging sa animo’y anti-tesis nitong mga bulsa ng burgis na kontra-burgis na kontra-kultural na kilusan gaya ng noo’y kinakatergoryang alternatibo o non-mainstream na eksenang rock n’ roll. Pamilyar na rin ako sa kasaysayan ng rock n’ roll at sa pwesto nito sa modernong kasaysayan. Anupa’t ang mga ito ang pipigil sa akin na lumubog sa eksena, bukod pa sa pakiramdam na may pagka-peke ang ilang banda na nakalubog sa eksenang ito.

Ang tendensiya ko’y ihambing ang rock n’ roll sa dulaan na mas nauna kong namalayan. Hinahanap ko sa rock n’ roll ang kaseryosohan ng dulaan na manaliksik at magpaunlad. Hinahanap ko sa rock n’ roll ang komitment sa sining at humanism na kinalakihan ko sa dulaan. Naghahanap ako ng batang Bob Dylan. Paminsan-minsa’y namamatahan ko si Lolita Carbon. Nariyan si Joey Ayala, pero para sa akin ay ‘yun nga – parang bahagi rin siya ng dulaan. Ayaw kong ipaluwal si Joey Ayala at Susan Fernandez sa eksena. May sariling tradisyon ng musika ng protesta na laging gusto kong ihiwalay. Iba si Heber, iba si Jess Santiago. Sa loob-loob ko, ihiniwalay ko ang mga ito dahil mas nakaugnay ito sa kasaysayan at sa sining. Samantala, hindi ko maihiwalay ang sarili ko sa eksena.

Bandang ’92, nang magsalubong na ang daigdig ng dulaan at rock n’ roll, ay may isang antas ng resolusyon na naabot ang kontradiksyong ito. Ang pagsasalubong na ito ay isang yugtong mahalagang pag-aralan. Marami akong teorya tungkol sa penomenong ito at gusto ko itong isulat. Babalikan ko at papakinggan ko muli ang “Jessie” sa utak ko, at maiisip ko na pwede talaga, pero huwag na. Saka na lang.

Samantala, naiwala ko na rin ang ampex copy ng “Jessie.”

(Itutuloy)

1 comment:

  1. ayuz! nakaka-relate ako. may ganito ding kaganapan sa buhay ko noong unang bahagi ng 1990. pero hindi Jessie ang pinagmulan. ang titulo ng kanta, Assassination of Love. Hehehehehe...

    ReplyDelete