Basahin ang bahaging 1, 2, 3 at 4
V. Kalayaan
Marami na ngang nawala sa akin. Drowing, kwaderno, panyo. Script, magasin, medyas. Tape, libro, t-shirt. Marami pa. Pero walang problema. Hindi naman ninakaw sa akin ang mga iyon. Leksyon na nga lamang ito marahil sa kung paano pangingibabawan ang pana-panahong pagiging burara.
At ano naman ang aral, samantala, sa pagkawala ng aking laya?
Hindi ko ito winala. Kinuha sa akin ito nang sadya. Dinampot ako at itinapon sa kulungan upang ipagkait sa akin ang kalayaang hanapin ang tunay na kalayaan.
Biktima ako rito, walang duda, habang isa rin sa mga nakaligtas. Mangyari’y ang iba ay sa libingan na inabot ng kanilang paghahanap. Marami na gayundin ang sila na mismong hinahanap pagkat dinukot at bigla na lamang nawala.
Nakaligtas ako, maaari, pero hindi ako nagpapasalamat.
Hindi sa Charlie Coy ng 34th IB. Sabihin pang sa kung anong kakatwang kadahilanan ay nagdal’wang-isip ang mga ito na ako ay paslangin, buong-buo naman ang kanilang loob na ako ay busalan. Kagyat nila akong kinailangang patahimikin gayong nang ako ay kanilang “masalubong” siyam na buwan na ang nakalilipas, ang luma at bago nilang rekord ng pamamaslang sa kanayunan ng Samar ang siyang eksakto kong sinasaliksik.
Hindi sa 87th IB o sa 14th IB. Palibot na ako ng mga rehas at pader ay sukat pang nagtayo ang mga elemento nito ng kanilang outpost sa compound ng presohan. Isang sibilyang pasilidad sa detensyon ang Calbayog sub-provincial jail kaya’t sadyang iregular kundi man iligal ang paggigiit na ito ng mga militar na mag-istasyon sila rito. Kailangan nila akong patuloy na manmanan, maging ang aking mga dalaw ayon sa praning nilang pangangatwiran.
Hindi sa CMO Battalion o sa hepe ng 8th ID, na sa desperadong pagbibigay-patunay sa kasinungalingang armado raw ako at mapanganib nang mahuli, ay nagpakalat ng mga dinuktor na mga litrato kung saan di umano ay may sukbit akong armas. Talagang may dahilan at tumpak ang AFP Chief na si Gen. Oban nang papurihan niya ang 8th ID bilang siya nang pinakamahusay at pinakadinamikong dibisyon sa buong sandatahan.
Hindi sa estado na matagal nang patakaran ang tahasang pagtanggi sa katotoohanan ng patakaran nito ng pasistang panunupil at dahas. Wala raw represyong pulitikal. Walang iligal na pang-aaresto at tortyur. Walang EJK o kung mayroon man ay tiyak na walang kinalaman dito ang alinmang ahensya ng gobyerno. Walang desaparesido. At ang bilang ng bilanggong pulitikal sa bansa batay sa huling estadisktika ng Malacanang ay isang napakatabang zero.
Hinahanap ko araw-araw ang tapang at tatag at araw-araw din ay natatagpuan ko ito sa di-mapapasubaliang kawastuhan ng paninindigan. Ibayong tapang at tatag pa ang laging hatid sa akin ng mga naniniwala at sumusuportang mga kasama, kaibigan at pamilya. Pambihira ang maagap at sustenidong pagtindig ng sektor ng mga artista at manunulat para sa akin at sa lahat ng bilanggong pulitikal. Hindi ako mawawalan ng inspirasyon at lakas hangga’t nagpapatuloy ang malawak na hanay ng masa ng sambayanan sa paglaban. Ang mga ito ang dapat kong laging pinasasalamatan.
Narito, bago ko pa maiwala, ang isang medyo nagwawalang tula:
KALAMPAG
Isang Kontra-Apidabit [ sa key ng Oi (!), sa beat ng Yo (…)]
Hoy! Mga ‘nak kayo ng putsch, bumalik kayo rito! Hinarang nila ako, ‘Mâ. Ayun sila, Ale, ayun o, ayun. Ayun pa yung isa. Hoy, tinamaan kayo ng oi! Hinila ‘ko ng mga tarantoda dun sa may rotunda pagbaba ko ng bus sa crossing, Bossing. Dinakma ako sa balikat, Bay – pang! – sabay hablot ng mga lekat sa bag ko, Lakay. Pero naikutan ko agad ang mga mawnster, Mam, Ser, naipulupot ko ang kamay ko sa istrap. Nakipaghatakan ako sa mga haragan, ‘Tol. Tug-of-war sa mga thugs, Bro. Tapos yun na — pak! – sinapak-sapak na ‘ko ng mga tsonggo, Tsong. Dito o, dito. Buti na lang, Beh, bago pa ‘ko bumagsak, P’re, natuhod ko sa bayag, ‘Te, ‘yung isang butete – pweh! (Huweh?) Yeh, yeh! – walang istir, Bradir, sa balls talaga, Dude. Dun na medyo kinabahan ang mga pating, Ateng, kasi pagsemplang ko nang ganun, dumapa na ko nang ganyan, tapos hinigpitan ko na nang ganito yung yakap ko sa bag ko, Yangku. Oo, parang touchdown lang, Pards. Right, pwedeng planking din, Mards. Kaso pinagtatadyakan pa rin ako ng mga bargas, Madz – my gadz! – here o, here. Boom-bam! Bam-boom! Pero sandali na lang yun, Mamu, isa-isa na rin silang nag-flyzoom. Dun o, Papu, dun, dun… Yo, yo… Sige lang, sige lang, yo…Check, check, check it out, yo…Here goes: Bag-check (one time), bag-check (two time)…Mukhang andito pa naman ang lahat sa bag…Extra t-shirt, ok…Mineral water, alright… Labakara, kere… (Bag-check, bag-check)… Medyo napisa yung iba pero andito pa yung baon kong limang piraso ng tapang. Two, four, six pieces ng high-grade na tapang? – uy! – nadagdagan pa nga yata, eto o, try nyo, matapang yan… (check-check, bag-check) … sepilyo … Ballpen… Ayos, andito pa yung DVD ng mga alaala. Andito pa yung pictures ng pag-asa.. (Check-check, check-check)… Andito pa yung isang kaha ng tatag. May tingi-tingi ring tatag-tatagan na ok lang naman din, pero mas ok na nga itong nasa kaha… Yes, andito pa yung reading glasses ko. Gawa kasi ito sa istorikong material kaya ang galeng lang talaga at di nabasag. Pambasa ko ‘to lagi sa uri, sa malapyudal at malakolonyal na katangian ng lipunang Pilipino, sa estratehiya at taktika.. Andito pa ‘yung mga papeles ko: certified true copy ng linyang masa, mga rehistro ng tiwala ko at pagsandig sa anakpawis sa pagsulong-at-pagtatagumpay-ng-pakikibaka-ng-sambayanan-laban-sa-imperyalismo-pyudalismo-burukrata-kapitalismo… May sekretong bulsa rito, andito pa ang mga gaheto kasama ang buung-buong pagkilala sa lahatang-panig-na-pamumuno-ng-proletaryado-sa-dalawang-yugtong-rebolusyong-Pilipino… Andito pa ang program ko ng Photoshop at ng PDR at ang kalendaryo ng limang taon, limang taon, limang taon, limang taon, limang taon. May maliit akong duplicate nito sa wallet ko, teka, andito lang ‘yun e…Teka lang.. Aba…Nakup… Naloko na… Ba’t laslas ‘tong bulsa sa likod ko?! Mag hayop! Hayuuuup!…Kolera, Kolera! … Nakuha nila ‘yung wallet ko, ‘Tay. Andun yung kalayaan ko, ‘Nay, kalayaan ko… Kalambre, kalambre! … Habulin natin sila, ‘Toy! Kalayaan ko ‘yun, ‘Ne, kalayaan ko… Tulong! …Tulong, Bok. Tulong, kas…
(wasak! Este, wakas.)
No comments:
Post a Comment