Wednesday, June 29, 2011

Ikapitong Sundang: Espada


Ikapitong Sundang: Espada


ni Alexander Martin Remollino


Dininig na sa wakas

ang panawagan ng katwiran.

Doon sa palasyong tanghalan,

bumibilang na ng huling hakbang

ang sayaw ng mga nahalal na di nahalal.

Kumumpas na ang taumbayan:

“Tapusin na ang palabas!”

Saanman humarap ang nagsisipagtanghal,

wala nang daan para sa kanila

kundi pababa mula sa tanghalan

sapagkat ikinumpas na ng mamamayan

ang pagsang-ayon sa panawagan ng matwid,

at doon sa kisame ng tanghalan,

may espadang naghihintay na bumagsak.



Hunyo 2005


(Ang tulang ito ay may orihinal na pamagat na “Patapos na ang Palabas”)

Thursday, June 23, 2011

Ikapitong Sundang: HANGIN


Ikapitong Sundang: HANGIN


ni Stum Casia


wag mo na akong antayin.

di na ako sasabay sa iyo sa pagkain.

wag ka na ring mag-saing.

bumili ka na lang ng kanin.

mauna ka na ring kumain.

pagkatapos mo, ay iyo nang ligpitin.

dahil

kung dumating man ako,

di na rin ako kakain.

wag mo na akong alalahanin.

wag mo na akong isipin.


ang sundang ay wag na ring hagilapin.

sumapat na ang talim.


sasapi na ako sa hangin.



Tuesday, June 21, 2011

Pahabol na “Footnotes” sa WELCOME VISITORS v.3

Ilan munang update tungkol kay Ericson at sa kanyang kaso:

Matatandaang nagsumite si Ericson ng counter-affidavit noong Abril 11, 2011 upang mapag-alaman ng piskalya kung may probable cause nga ba ang kaso ng illegal possession of explosive na isinasampa ng mga awtoridad (pulis at militar) laban sa kanya matapos siyang damputin o arestuhin nang walang warrant sa Barangay Bay-ang, San Jorge, Samar noong Pebrero 13, 2011.

Matapos ang dalawang buwang paghihintay, nito lamang Hunyo 7 ay nakatanggap si Ericson ng kopya ng RESOLUTION ni Investigating Prosecutor Agustin M. Avalon na may petsang Abril 20, 2011 o siyam na araw lamang matapos niyang maisumite ang counter-affidavit.

Sa esensya ay isinasantabi ng RESOLUTION ang mga puntong inilahad ni Ericson sa kanyang counter-affidavit. Inirekomenda nito ang patuloy na pagsasampa ng kaso laban kay Ericson.

Pero sa pagdalaw sa Calbayog ni Atty. Jun Oliva, isa sa mga abugado ni Ericson, nitong nakaraang Hunyo 15 ay natiyak na sa kabila ng nasabing “maagap” na resolusyon ng piskalya ay wala pa ring rekord o pormal na naisasampang kaso laban kay Ericson sa anumang korte.

Ngayong Hunyo 22, nagsumite ang mga abugado ni Ericson mula sa NUPL ng isang MOTION FOR RECONSIDERATION kaugnay ng nasabing RESOLUTION. Sa pagpapatibay na walang batayan ang pag-aresto at patuloy na pagpiit kay Ericson, hinihiling ng mosyon na isantabi ang naunang resolusyon ni Avalon, upang maghain ng panibagong resolusyon na magrerekomenda ng tuluyang pagbabasura sa complaint laban kay Ericson.


HINIHILING NITO ANG PAGPAPALAYA KAY ERICSON SA LALONG MADALING PANAHON.

Mahigit apat na buwan na si Ericson sa piitan pero wala pang kaso na pormal na isinasampa laban sa kanya at malinaw na walang batayan para isampa pa ito. Patuloy na nilalabag ang kanyang mga karapatan sa bawat araw na idinidiin siya dahil lamang sa gawa-gawang kaso at ebidensya.


Ang kagyat na pagpapalaya kay Ericson ay maaari nating muling igiit at personal na hilingin sa pamamagitan ng pagsulat ng mga liham o pakikipag-ugnayan sa sumusunod:


(1.) Atty. Leila De Lima

Secretary, Department of Justice

Padre Faura St., Manila

Direct Line 521-8344; 5213721

Trunkline 523-84-81 loc.214

Fax: (+632) 521-1614

Email: soj@doj.gov.ph


(2.) Prosecutor sa Samar

(2.1) Investigating Prosecutor Agustin M. Avalon

Regional Trial Court Branch 41

Gandara, Samar



at/o sa



(2.2) Office of the Provincial Prosecutor

Bulwagan ng Katarungan

Catbalogan City, Samar



Kunsakali ay bigyan n’yo rin kami ng kopya ng inyong liham sa freeericsonacosta@gmail.com


Hindi pa makapagsulat ng panibagong blog entry si Ericson. Dalawang linggo na raw siyang nilalagnat-sinisinat at inuubo nang matindi dahil dalawang linggo na rin siyang tumigil sa paninigarilyo.

Samantala, heto ang ilan niyang kwento at hirit para sa nakaraan niyang posts. Hindi siya direktang nakakapag-internet kaya hindi pa niya alam na ang sinasabi niyang “footnotes” ay ginawa na lamang intro at extro sa 3-bahaging WELCOME VISITORS v. 3:


Mayo 20, 2011

…Kahapon ay nagbasketbol ako. Nakatatlong game ako pero yung ikatlong game hindi ko na natapos dahil parang magko-collapse na ako sa hapo. Kahapon lang kasi ako naglaro uli mula nung sinimulan ko yung pagsusulat ng counter-affidavit. Pero plano ko sanang maglaro uli ngayon para masanay uli kaso biglang nagbago yung relyebo ng mga jailguard at yung naka-duty ngayon ay di karaniwang nagpapalaro.

Ano nga pala ang naging itsura ng huling jailhouse blog entry? Naging two-part ba? Gusto ko sanang baguhin ang footnotes dun. Maganda siguro kung Filipino na lang ang footnotes. Tapos parang mali yata ‘yung footnote [2] kasi ‘yung “in exchange” parang ako pa yata ang lumalabas na binigyan ng Php 300.

Pwede ko pa kayang dagdagan ng footnotes? Eto:

“Ser! Ang ranggo ko ho at katungkulan ay buyonero!”

[3] Ito pwedeng idugtong na lang sa “buyonero” footnote. ‘Yun kasing nililinis na toilet bowl, bumara nang husto noong unang linggo ng Marso kaya tinanggal na mismo ng kosa para maalis muna ang bara saka kinabit at sinemento ulit. Pero noong kakakabit at katutuyo pa lang ng semento ay may jumebs na agad… Nakarinig na lang kami ng kalabog at “aray!” dahil nabiyak na nang tuluyan ang bowl. Butas lang sa sahig ang ginamit naming taehan sa loob ng mahigit isang buwan. Buti na lang at meron ding kaibigang na nag-donate ng panibagong toilet bowl mula sa Tacloban.

“Ser, ang consolidation area ko ho ay ang selda dos; ang expansion ho ay ang iba pang selda.”

[4] Nung panahon na isinusulat ko ito ay hindi ko pa iniisip na makakaabot ang propaganda ko sa labas ng compound sa pamamagitan ng jailhouse blog. Ito na nga ang punto ng pagiging “Cyber Political Prisoner” – pero teka, mukhang incriminating yata ito. Kasi “CPP,” hehe.

“…nasa mga pader lamang din pala ang iba’t ibang tulong-biswal na mabisa naming magagamit.”

[5] Matapos ang isang linggo may mga estudyante ng isang kolehiyo na nagbigay dito ng bundle-bundle na mga catalog ng panty at bra kaya tinadtad ng mga kosa ang mga pader ng mga litrato ng mga babaeng naka-bra at panty lang. Ang problema ko ay baka may maimumungkahi ang mga kasama mula sa Gabriela kung paano nga ba gagamitin ang mga ito bilang visual aid sa educational discussion, o kung paano nga kaya ang pinaka-mahusay na estilo ng pagtalakay sa pyudal/burgis na pagsasamantala sa kababaihan sa loob ng environment ng presohan na walang-duda ay balwarte rin ng kamachohan.

Kaya pa kayang ihabol ang mga ito? Kung hindi Tatagalugin ko na lang ang dalawang footnote na meron na.

Ay, may problema rin nga pala dun sa sinabi ko na prolet yung trabaho ng buyonero. Sa totoo lang, mukhang mala-alipin nga yun, e, at ang tuntungan nga nun ay yun bang isang sadistang kultura ng “initiation.”

Ang prolet ay kung ang trabaho ng pagbubuyon ay maging collective. May ilang pagtatangka na akong ipakilala ang kolektibo o relyebuhan na pagtatrabaho kaso patakaran na raw kasi iyon ng buong jail. Tapos, siyempre may mga panahon o naging madalas na rin na trabaho ito na may kapalit na pera kapag “pinapakyaw.” Laganap kasing kalagayan sa ekonomiya ng mga kosa ang walang panggastos, pambili ng panggatong, ulam (dahil pang isang ulam lang ang rasyon dito sa isang araw), sabong pampaligo at panlaba, toothpaste, at iba pa lalo na ang halos hindi na dinadalaw.

May mga dumadalaw rin na wala namang mai-abot na pera – kaya gulay na lang at panggatong na hindi rin naman tatagal.

‘Yung mga bagong pasok, karaniwan ay may pera dahil na rin sa mga kamag-anak na itinuturing pa na “emergency” ang pangyayari at nagbibigay talaga sa kosa. Pero pagkatapos ng isa o dalawang buwan, paunti-unti na ring nababawasan ang iniaabot sa kanya. Pero ‘yun nga, dahil may pera siya sa simula, windang pa ang isip at lalo lang maaawa sa sarili kung maglalampaso pa siya sa selda, ay ipapapakyaw na lang niya ang pera, at ito rin ang ipinapayo sa kanya ng pamilya niya. Ako nga lang daw ang wirdo na may pera at ayaw magpapakyaw ng trabaho bilang buyonero.

Syempre nabanggit ko na rin ang mga konsiderasyon ko gaya ng pagiging tibak at nung tungkol sa buyonero na papalitan ko. Siya ang pumakyaw sa trabaho ng sinundan ko. Ilang linggo pa lang ubos na ang bayad sa kanya pero tuluy-tuloy lang siya sa pagbuyon sa loob ng dalawang buwan. May pera na rin namang naiaabot sa kanya pero hindi niya maipapakyaw sa iba ang trabaho kasi hindi umaabot ng Php 300 yung pera niya sa isang panahon.

Naku ang haba na pala nito...

-Ericson

P.S. Wala na akong bolpen.

Thursday, June 9, 2011

WELCOME VISITORS v. 3.3

(Huli sa tatlong bahagi)

Basahin muna mula sa unang bahagi


Sa loob lamang ng kung ilang oras – hindi lamang sa group discussion na ito kundi sa maiikling interbyu mula nang mairemit ako rito noong makalawa – ay nagkaroon na ng ibayong mas kongkretong hugis ang iba’t ibang usapin na maaaring dati’y sa antas ng pangkalahatang teorya ko lamang napagtanto.

Isa na rito ang gapang-bayukong pag-usad ng mga kaso bukod pa sa napakataas na tantos ng mga insidente ng frame-up at arbitraryong panunuro at pagdampot ng mga suspek na walang kamalay-malay.

Mayroong kosa rito na pinaghinalaang nagnakaw ng isang alimango mula sa palaisdaan ng isang malaking asendero, na apat na taon na ngayong naghihintay ng makatarungang pasya ng husgado. Apat na taon para sa isang alimango.

“Marami akong kagaguhang ginawa noon sa laya, pero ‘yung alimangong ‘yun, wala akong kinalaman ‘dun. Manghuhuli lang sana kami ng barkada ko ng halo? – alam mo ‘yung halo?? – bayawak,” salaysay ni Kosa D.

Malaki ang tsansang nagsasabi ng totoo si D. Sa pagitan ng magkakakosa, karaniwang bukás at makatotohanan ang bawat isa.

Pinatay ko si Pulano…”

Wala akong kinalaman d’yan, dinamay lang ako,”

Pinatay ko si Pulano dahil…”

May isang kosa naman na ang tatay ay pinatay at sinunog pa raw ng isang sindikato (na maaaring bahagi ng isang private army), pero matapos ang isang linggo ay ang kosa pa ang sinampahan ng kasong robbery in band ng dapat ay siyang sasampahan ng kaso ng kosa. Kaso. Kosa. Walang pag-aasikasong naganap sa pagitan ng abogado at ng karaniwang akusado kung ang huli ay walang perang kasado. Magdadalawang taon na rito ang kosang ulila na sa ama.

Ilang linggo bago ako dumating dito, kadi-dismis pa lamang daw ng kaso ng isang kosa na inakusahan ng pagnanakaw ng tatlong piraso ng niyog. Magandang balita ‘yun sa loob-loob ko. Pero hindi talaga ako natunawan nang sabihin ng mga kosa na na-dismis ang kaso at nakalaya ang kosa makalipas lamang ng tatlong taon. Isang taon sa bawat niyog na hindi naman niya ninakaw! Bagyuhin sana ng niyog ang bawat korte na ang tawag sa ganito ay hustisya.

Nagsisiksikan ang mga bilanggo sa mga presohang gaya ng Calbayog sub-provincial jail (pero relatibong maluwag pa ngang maituturing ang kulungang ito kumpara sa iba pa na gaya ng sa Catbalogan) hindi lang dahil tumataas ang tantos ng karaniwang mga krimen kundi dahil sa lubhang napakabagal ng paggulong ng katarungan. Sa kabilang banda ay sadyang di rin otomatiko na nagsisiksikan na sa mga presohan ng mga sintensyado gaya ng Abuyog o sa Bilibid dahil sa naipataw nang mahusay ang hustisya.

Isa pang palasak na tema na ngayon ko pa lamang nadidiskubre ang mga detalye ay kaugnay naman ng laganap na pag-iral ng mga tinatawag na goons o private army ng mga pulitiko sa maraming bayan sa isla. Wala pa akong eksaktong porsyento, pero marami na akong nakapanayam ditong kosa na dati, ika nga, ay hawak ng mga pulitiko.

Karaniwang nahahatak ang kalalakihan sa mga grupong ito hindi pa dahil sa adbenturismo kundi dahil sa kawalan ng masasandigang trabaho. Ang problema siyempre laluna sa panahon ng eleksyon, ay nagbabarilan at nagpapatayan ang mga grupong ito, at depende na nga kung sinong pulitiko mananaig at mas magiging maimpluwensya sa pulisya at korte, marami ang tiyak na makukulong sa armadong mga tauhang ito.

Kaugnay nito, maraming marahas na alitan sa pagitan ng mga opisyal ng barangay o maging ng karaniwang mamamayan ang bunsod din ng tunggalian sa pagitan ng kani-kanilang patrong pulitiko. Karaniwang nauuwi ang mga ito sa seryosong intrigahan, habulan ng taga, barilan at patayan, na syempre pa’y humahantong sa demandahan at kulungan.

Isa lamang ako rito na may taguring “political prisoner.” Ang mga kakosa ay pinsan ko sa obhetibong mga kalagayan at kontekstong panlipunan. Ang nais ko ngayon ay maging kapatid sila sa pampulitika at makauring kamulatan at paninindigan. Habang tuluy-tuloy na natututo sa kanilang mapait na karunungan, at magiting sabihin pang sawing praktika – layon kong masapol nila at mapag-ugnay-ugnay ang tunay na mga ugat ng tunggalian ng mga uri sa kanilang mga karanasan.

Nagiging mas makabuluhan ang paghahangad nilang repormahin ang sarili o magtika kung iuugnay sa pangangailangang baguhin ang sistemang panlipunan. Nagiging mas matalas ang pag-asa nilang mabigyan ng katarungan at makalaya kung mulat silang makapapanig sa makapangyarihang pwersa ng sambayanan para sa hustisyang panlipunan at tunay na pambansang kalayaan. Sa gayon, sila’y nagiging kapwa ko “politicized prisoner” kundi man eksaktong “political prisoner.”

Gusto kong sumilip ngayon sa selda ang sino man sa aking mga interogador. Sasagutin ko na sa wakas ang sirang plaka nilang mga tanong: Ano raw at nasaan ang aking area of responsibility? Alin daw ang mga lugar na expansion at alin ang konsolidado? Ano raw ang aking ranggo at katungkulan? Nasaan daw ang aking kampo?

Ser, ang consolidation area ko ho ay ang selda dos; ang expansion ho ay ang iba pang selda.”

Ser! Ang ranggo ko ho at katungkulan ay buyonero!”

Ser! Pansamantala, ang kampo ko ho! Ay matatagpuan! Sa aking! PUSO!”

Ang poproblemahin ko ay kung mapatakan ang imbudong nakasabit sa tarangkahan ng dugo mula sa ilong ng kung sino mang ser na ito.



(I ended my term as buyonero on the night of February 22 or after just six days of muscle work. No, there was no new inmate remitted on this date and assigned to selda dos. The thing was, I didn’t quite understand the rules, or more precisely, the workings of the so-called “inside economy” hereabouts. On my second day as buyonero, two kosas started asking me if I can really do the job. The third day, they asked me the question again this time sounding that I should realize that I just can’t. The fourth day, the selda mayor called a meeting to discuss my impending expulsion as cell cleaner. The mayor told me that he knew I had enough cash to pay for a pakyaw – or to pass on the buyonero chores to a very, very broke cellmate in exchange for Php 300. This cellmate has had no dalaw and ergo, no money for almost eight months already and so he really, badly needed the pakyaw deal. I obliged but told them that my replacement should wait until the 23rd. I don’t know what wisdom prompted me to set such date, but that’s what I did. Now, I wish friends could tell me why I shouldn’t feel guilty about relinquishing my otherwise decent, in fact, very proletarian job. )