(Huli sa tatlong bahagi)
Basahin muna mula sa unang bahagi
Sa loob lamang ng kung ilang oras – hindi lamang sa group discussion na ito kundi sa maiikling interbyu mula nang mairemit ako rito noong makalawa – ay nagkaroon na ng ibayong mas kongkretong hugis ang iba’t ibang usapin na maaaring dati’y sa antas ng pangkalahatang teorya ko lamang napagtanto.
Isa na rito ang gapang-bayukong pag-usad ng mga kaso bukod pa sa napakataas na tantos ng mga insidente ng frame-up at arbitraryong panunuro at pagdampot ng mga suspek na walang kamalay-malay.
Mayroong kosa rito na pinaghinalaang nagnakaw ng isang alimango mula sa palaisdaan ng isang malaking asendero, na apat na taon na ngayong naghihintay ng makatarungang pasya ng husgado. Apat na taon para sa isang alimango.
“Marami akong kagaguhang ginawa noon sa laya, pero ‘yung alimangong ‘yun, wala akong kinalaman ‘dun. Manghuhuli lang sana kami ng barkada ko ng halo? – alam mo ‘yung halo?? – bayawak,” salaysay ni Kosa D.
Malaki ang tsansang nagsasabi ng totoo si D. Sa pagitan ng magkakakosa, karaniwang bukás at makatotohanan ang bawat isa.
“Pinatay ko si Pulano…”
“Wala akong kinalaman d’yan, dinamay lang ako,”
“Pinatay ko si Pulano dahil…”
May isang kosa naman na ang tatay ay pinatay at sinunog pa raw ng isang sindikato (na maaaring bahagi ng isang private army), pero matapos ang isang linggo ay ang kosa pa ang sinampahan ng kasong robbery in band ng dapat ay siyang sasampahan ng kaso ng kosa. Kaso. Kosa. Walang pag-aasikasong naganap sa pagitan ng abogado at ng karaniwang akusado kung ang huli ay walang perang kasado. Magdadalawang taon na rito ang kosang ulila na sa ama.
Ilang linggo bago ako dumating dito, kadi-dismis pa lamang daw ng kaso ng isang kosa na inakusahan ng pagnanakaw ng tatlong piraso ng niyog. Magandang balita ‘yun sa loob-loob ko. Pero hindi talaga ako natunawan nang sabihin ng mga kosa na na-dismis ang kaso at nakalaya ang kosa makalipas lamang ng tatlong taon. Isang taon sa bawat niyog na hindi naman niya ninakaw! Bagyuhin sana ng niyog ang bawat korte na ang tawag sa ganito ay hustisya.
Nagsisiksikan ang mga bilanggo sa mga presohang gaya ng Calbayog sub-provincial jail (pero relatibong maluwag pa ngang maituturing ang kulungang ito kumpara sa iba pa na gaya ng sa Catbalogan) hindi lang dahil tumataas ang tantos ng karaniwang mga krimen kundi dahil sa lubhang napakabagal ng paggulong ng katarungan. Sa kabilang banda ay sadyang di rin otomatiko na nagsisiksikan na sa mga presohan ng mga sintensyado gaya ng Abuyog o sa Bilibid dahil sa naipataw nang mahusay ang hustisya.
Isa pang palasak na tema na ngayon ko pa lamang nadidiskubre ang mga detalye ay kaugnay naman ng laganap na pag-iral ng mga tinatawag na goons o private army ng mga pulitiko sa maraming bayan sa isla. Wala pa akong eksaktong porsyento, pero marami na akong nakapanayam ditong kosa na dati, ika nga, ay hawak ng mga pulitiko.
Karaniwang nahahatak ang kalalakihan sa mga grupong ito hindi pa dahil sa adbenturismo kundi dahil sa kawalan ng masasandigang trabaho. Ang problema siyempre laluna sa panahon ng eleksyon, ay nagbabarilan at nagpapatayan ang mga grupong ito, at depende na nga kung sinong pulitiko mananaig at mas magiging maimpluwensya sa pulisya at korte, marami ang tiyak na makukulong sa armadong mga tauhang ito.
Kaugnay nito, maraming marahas na alitan sa pagitan ng mga opisyal ng barangay o maging ng karaniwang mamamayan ang bunsod din ng tunggalian sa pagitan ng kani-kanilang patrong pulitiko. Karaniwang nauuwi ang mga ito sa seryosong intrigahan, habulan ng taga, barilan at patayan, na syempre pa’y humahantong sa demandahan at kulungan.
Isa lamang ako rito na may taguring “political prisoner.” Ang mga kakosa ay pinsan ko sa obhetibong mga kalagayan at kontekstong panlipunan. Ang nais ko ngayon ay maging kapatid sila sa pampulitika at makauring kamulatan at paninindigan. Habang tuluy-tuloy na natututo sa kanilang mapait na karunungan, at magiting sabihin pang sawing praktika – layon kong masapol nila at mapag-ugnay-ugnay ang tunay na mga ugat ng tunggalian ng mga uri sa kanilang mga karanasan.
Nagiging mas makabuluhan ang paghahangad nilang repormahin ang sarili o magtika kung iuugnay sa pangangailangang baguhin ang sistemang panlipunan. Nagiging mas matalas ang pag-asa nilang mabigyan ng katarungan at makalaya kung mulat silang makapapanig sa makapangyarihang pwersa ng sambayanan para sa hustisyang panlipunan at tunay na pambansang kalayaan. Sa gayon, sila’y nagiging kapwa ko “politicized prisoner” kundi man eksaktong “political prisoner.”
Gusto kong sumilip ngayon sa selda ang sino man sa aking mga interogador. Sasagutin ko na sa wakas ang sirang plaka nilang mga tanong: Ano raw at nasaan ang aking area of responsibility? Alin daw ang mga lugar na expansion at alin ang konsolidado? Ano raw ang aking ranggo at katungkulan? Nasaan daw ang aking kampo?
“Ser, ang consolidation area ko ho ay ang selda dos; ang expansion ho ay ang iba pang selda.”
“Ser! Ang ranggo ko ho at katungkulan ay buyonero!”
“Ser! Pansamantala, ang kampo ko ho! Ay matatagpuan! Sa aking! PUSO!”
Ang poproblemahin ko ay kung mapatakan ang imbudong nakasabit sa tarangkahan ng dugo mula sa ilong ng kung sino mang ser na ito.
(I ended my term as buyonero on the night of February 22 or after just six days of muscle work. No, there was no new inmate remitted on this date and assigned to selda dos. The thing was, I didn’t quite understand the rules, or more precisely, the workings of the so-called “inside economy” hereabouts. On my second day as buyonero, two kosas started asking me if I can really do the job. The third day, they asked me the question again this time sounding that I should realize that I just can’t. The fourth day, the selda mayor called a meeting to discuss my impending expulsion as cell cleaner. The mayor told me that he knew I had enough cash to pay for a pakyaw – or to pass on the buyonero chores to a very, very broke cellmate in exchange for Php 300. This cellmate has had no dalaw and ergo, no money for almost eight months already and so he really, badly needed the pakyaw deal. I obliged but told them that my replacement should wait until the 23rd. I don’t know what wisdom prompted me to set such date, but that’s what I did. Now, I wish friends could tell me why I shouldn’t feel guilty about relinquishing my otherwise decent, in fact, very proletarian job. )
No comments:
Post a Comment