Wednesday, May 25, 2011

WELCOME VISITORS v.3.2


(Ikalawa sa tatlong bahagi)

Basahin muna ang unang bahagi



At ito rin ang hindi maunawaan at ipinagdurugo ng ilong ng mga nagtapon sa akin sa kulungan. Ano kaya’t isang beses ay silipin ako rito ng kung sino man sa aking mga interogador sa gitna ng aking paglalampaso? Maaari itong umiling-iling at mamasa pa nga ang mga mata sa sinserong pagkahabag sa aking kinasadlakan. Maaari nitong ulitin ang isa sa naging koro nila sa loob ng aking 44-oras na interogasyon:

“Sayang ka, matalino ka pa naman at may pamilya.”

“Sana’y maki-cooperate ka na lang sa amin.”

“ Sa amin ka na lang sana nagtrabaho.”


Maaari ko itong sagutin ng: “Ang pakikipagsabwatan sa pasismo ay malayung-malayo sa katalinuhan.” Pwede ring: “Walan saysay ang talino kung ito’y hindi para sa tunay at makatarungang pagbabago sa lipunan.” O ng: “Ang pamilya ko’y ang laksang anakpawis.” Pero hindi na lamang. Sisipulan ko na lamang ito ng Awit ng Peti-B o di kaya ng Curacha Mayor habang winawalis-tingting ang tubig na naipon sa isang bahagi ng sahig papunta sa kubeta.

O maaaari nitong kalampagin ang mga rehas, umalulong, halakhakin ang sa tingin nito’y s’ya nang pinakahuling halakhak at magsabing:

“ ‘Yan ang dapat sa kagaya mong kriminal – ang mabulok kasama ng mga kapwa mong walang-pag-asa-sa-buhay at katulad mong kriminal!”


Hindi ko na ipagtatanggol pa ang sarili at pwedeng magsalita na lamang para sa mga kakosa: Ang mga kosa ay wala pa sa kalingkingan ng mapamwersang aparato ng estado, ng malalaking panginoong maylupa, burgesya kumprador at dayuhang imperyalista kung kriminalidad lamang ang pag-uusapan. At ang pag-asa ng mga bilanggo at ng buong sambayanang bilanggo sa bulok na sistemang malapyudal at malakolonyal ay nasa bagong demokratikong rebolusyon. Pero kahit hindi na. Aalukin ko na lamang ito, pwede pa siguro, ng bahaw. O kaya’y hihingan ng dos pambili ng chlorine.

Pagkatapos ng mahigit isang oras kong paglilinis kanina, biniro ko ang mga kakosa na kung pwede’y palakpakan naman nila ang bago nilang buyonero. Nagtawanan sila at kinantyawan ako na huwag daw makalapit-lapit sa kanila dahil sa panggigitata ko sa pawis, uling at sapot ng gagamba – dahil mabango lamang daw ako nang bahagya sa pusali o mabahong hininga.

Pakapamaligo ay inanyayahan ko ang mga kosa para sa isang group discussion. Layon kong ipagpatuloy at bigyan ng mas buong itsura ang nasimulan ko nang putul-putol at paisa-isang mga kwentuhan tungkol sa mga sirkumstansya at pangkalahatang mga dahilan at konteksto ng aking pagkakabilanggo. Magsisilbi ito gayundin, bilang porma na rin para sa akin ng panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri sa isang napakabagong tereyn at milieu na kakarampot pa lamang ang aking kaalaman.

Wala akong inihandang partikular na plano sa daloy ng diskusyon. Wala akong pisara (o yung nakasanayan ko nang gamitin bilang blackboard – itim o dark green na cartolina). Pwede sana ang isang maitim na bahagi ng ng kongkretong pader pero wala naman akong chalk. Pero nakakatuwa – mabilis na gumulong ang palitan ng mga opinyon at sa paglinga-linga ko’y nasa mga pader lamang din pala ang iba’t ibang tulong-biswal na mabisa naming magagamit.

Ang isang kalendaryong may tradisyunal na lay-out, halimbawa, ay naging tuntungan ng paksa ng problema ng mga magsasaka. Libre lamang na ipinamamahagi tuwing Enero ang mga kalendaryong gaya nito na may tatak ng pangalan o ngalan ng kumpanya ng komersyante ng mga produktong agrikultural gaya ng kopra, abaka at mais. Pero kalendaryo lamang ba talaga sa katapus-tapusan ang kapalit para sa magsasaka ng buong taong pambabarat, pandaraya, at pang-uusura sa kanila ng mga komersyanteng ito, na karaniwan ding mga panginoong maylupang naniningil ng di-makatuwirang upa mula sa mga tenante kada anihan?

Isang kupas na poster naman ng kandidato para sa senador ang nagpasimula sa usapan tungkol sa isang matingkad na larawan ng burukrata kapitalismo. Hindi na maalala ng mga kosa kung anong taon tumakbo, nanalo o natalo ang pulitikong nasa poster. Hindi na rin nila matandaan kung sino sa mga nakalaya nang kosa ang nagdikit nito sa pader, o ang nagdrowing ng pangil at sungay sa imahen ng senatoriable – makulit na nagturuan ng kani-kanilang suspek ang mga kosa kung sino ang nagpakana sa napakatumpak-sa-katotohanang kapilyuhang iyon. Ang natatandaan nila nang buong linaw ay ang naganap na mga barilan tuwing eleksyon sa pagitan ng mga partido pulitikal mula pa noong ang bawat isa’y wala pa sa wastong edad para bumoto. Nayamot na nang tuluyan ang isang kosa sa mararahas na mga alaalang ito kaya’t tinuklap na niya nang buung-buo ang poster.

“Walang papalag,” sabi niya. “Sa basura na ’to dapat.”

Bibo, mabilis at matalas ang mga kosa. Sa gitna ng huntahan tungkol sa dayuhang kontrol sa ekonomiya, halos patalon na nagbida ang isang halos 50 anyos nang kosa at pinagtuturo ang mga piktyur sa ilang pahina sa isang makintab na magasin na nakapaskil din sa pader:

“Ito, ito, ito,” sabi niya. “Galing sa mga kahoy sa Matuguinao at San Jose de Buan ang ginamit sa mga muwebles na ito ng mga Amerikano.”

Ang tinutukoy niya ang mga aparador, sala set, katre at pintuan sa bedroom at living room showcase ng magazine catalogue ng kumpanyang Wickes, na may iba’t ibang tema o “inspirasyon” gaya ng “Arlington,” “Somerset and Christchurch,” “Lugano,” at “Santa Barbara.”

“Hay naku,” sabat naman ng isang kosa. “Idinikit ko ang ‘yang mga ‘yan d’yan sa may uluhan ko para naman kahit sa panaginip ay makahiga ako sa mga kwartong ‘yan. Dahil sa totoong buhay ay neber-neber ‘yang mga ‘yan at hanggang sa papag at karton lang.”

“Pero,” sagot ko bigla, “mangangarap tayo nang mulat, nakatindig at lumalaban.”

Sa loob-loob ko – ang bilis n’un, ha! Walang mayor na ibinawas ang dagok ng ilang araw na interogasyon sa kalistuhan ng isip, at baka nga nadagdagan pa.

Dumiretso na ang talakayan sa pangangailangan para sa malawak at militanteng pagkilos ng
mamamayan para sa tunay na demokrasya, kalayaan, kaunlaran at kapayapaan. Magsasanga-sanga pa ito sa mga kagyat at partikular na mga isyu gaya ng korupsyon sa burukrasyang militar, sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin, at maging sa mga kaganapang pulitikal sa mga bansa sa Gitnang Silangan.

“Alam mo," sabi sa akin ni Kosa R, “marami pala kaming matutunan sa’yo.”

“Pwede,” sabi ko.

“Pero ako man ay marami na ngang natutunan mula sa inyo.”

At sadyang napakatotoo nito.





---------------------------
dibuho ni Boy Dominguez

1 comment:

  1. Hi erickson, inaanyayahan kitang sumali sa patimpalak ni jkulisap, di ko alam kung aabot ka pa kasi sa may 9 na ang deadline pero subukan mo rin, tingin ko naman kakayanin mo. heto yung link http://jkulisap.com kayumangging damdamin

    ReplyDelete