(Una sa tatlong bahagi)
( I wrote this piece – or let’s say 95% of it – on the night of February 17, according to my very first notebook. This has been literally embedded deep in the jungle of notes that has outgrown two notebooks in just a week. I thought at first the paragraphs were just like most of my very early detention red blues – ponderous, unwieldy, and thus un-shareable. I was surprised months later to find it – like some oriental fruit pruned to a sandy, candy kind of sweetness over time – coherently whole, complete and quite sensible.)
Kung sisilipin paloob ang selda dos mula sa tarangkahan, at kung hindi makilos o kung nakahiga lamang ang mga kosa, malamang na ang unang makakatawag ng pansin ay ang pader na ganito ang nakasulat: WELCOME VISITORS MERRY CHRISTMASS AND HAPPY NEW YEAR BSL22 HAPPY ANNIVERSARY.
Sa dulong kanan ng pader – mga isa hanggang isa’t kalahating hakbang mula sa higaan ko – ay ang CR ng selda. Mga binukang sako lang ng NFA rice ang parehong dingding at pintuan ng kasilyas na ito na sa tantya ko ay may sukat na 3 ½ x 3 ½ talampakan. Wala itong gripo at ang inidoro’y karaniwang nakikipaghalinhinan sa drainage sa sahig sa pagkabarado. Gabi-gabi, nililinis ito ng isang itinakdang kaselda na kung tawagin ay buyonero.
Kasama sa trabaho ng buyonero ang paglampaso sa kalakhang bahagi ng 4 x 8 metrong sahig ng selda na kadalasa’y basa at nagpuputik. Palaging nagbabaha sa isang sulok nito dahil dito lamang din naglalaba, habang sa isa pa ay nagkalat naman ang abo mula sa dalawang lutuang de-uling (minsa’y kumbinasyon ng katiting na uling, kahoy, karton at lumang maong ang panggatong.)
Dahil sa asό mula sa lutuan, gabi-gabi ay kailangang punasan ng basang basahan ang mga pader. Kailangan ding linisin ang ‘sandipang estante ng mga kaldero at pinggan na sa hapon ay punung-puno na ng mumo, tinik, plastic ng ni-repack na toyo, suka at mantika, balat ng bawang at sibuyas, at di-naitapong hasang at bituka ng isda.
Tuwing umaga ay may dagdag pang mga toka ang buyonero. Bandang alas-sais, ililipat niya sa sako ang laman ng latang basurahan para iabot sa taga-kulekta ng basura sa labas. Alas syete, kukunin niya ang rasyong mga isda para sa lahat ng kaselda at aalisan ito ng hasang at bituka. Sa pagitan ng alas-dyes at alas-dose ng tanghali, ipag-iigib niya ang buong selda – labingtatlo kaming lahat sa selda dos at bawat isa ay may dalawang balde para sa tubig pampaligo, panghugas at pangluto, at isa pang container ng Wilkins (dalawang galon) para sa inumin.
Hindi naman sana ganoon kahirap ang pag-iigib. Itinatapat lang ang balde sa isang imbudo na nakasabit sa tarangkahan at may iba nang magbubuhos ng tubig mula sa labas. Isa hanggang tatlong hakbang lang bubuhatin ang punόng mga lalagyan para maikamada sa ilalim ng mga tarima. Ang problema ay ang pagtagas ng tubig kapag sumusobra ang pagbuhos sa imbudo; kailangang habulin at agapang hindi makagapang ang tubig sa ilalim ng mga tarima dahil may mga kahon ng damit at ibang gamit na nakasalansan doon. Problema rin na marami sa mga balde ang tapyas na ang ibabaw at wala nang matinong hawakan, kaya’t mas mahirap buhatin at hindi maiwasang bumulwak ang tubig mula sa mga ito, bagay na dagdag na naman sa panlilimahid ng sahig.
Kahapon, unang araw ko rito, ang pinakahuli sa oryentasyong ibinigay sa akin ng isang trustee ay ang tungkol sa mga gawaing ito. Matagal nang patakaran sa Calbayog sub-provincial jail na ang itinatalagang buyonero sa bawat selda ay ang pinakabagong preso. Ibig sabihin, ako iyon kung sa selda dos hanggang wala pang ipinapasok na inmate kasunod ko. Pero ang sabi sa akin, maaari akong makaiwas sa trabahong ito, lalu’t mukha raw namang kakaiba ang kaso ko, depende na sa mapagkakasunduan ng mga taga-selda.
Inisip ko ang taga-linis na papalitan ko. Siguro’y may kung ilang linggo o buwan na rin siyang nananalangin na may dumating nang bagong kosa at nang may humalili na sa kanya. Pihadong dagdag na kamalasan na naman niyang ituturing kung mangyaring ang pinakhihintay niya – na umugong na sa compound na kung ’di man aktibista ay rebeldeng kumander – ay makakaligtas lang pala sa paglilinis at pag-iigib.
Isang konsiderasyon din siyempre ang pangangailangang mapangalagaan ang imahe ng aktibista. Mahirap kung maipagkamali rito na ang mga kagaya ko, na nag-iingay laban sa mga nagpapasasa at nabubuhay lamang nang dahil sa pawis ng iba, ay ganun na lamang din pala kabilis kung tumalilis sa pagbabanat ng buto.
Kaya sabi ko, “Hindi ho, wala hong problema – ako na ho ang buyonero.”
Kagabi at kaninang umaga ay demonstrasyon lang muna. Hindi maitatago ang galak sa mukha ni Kosa R habang itinuturo niya sa akin ang episyente at hakbang-hakbang na proseso ng pagbubuyon at pag-iigib. Nang ako na mismo ang nagtatrabaho, bandang alas otso kanina pagkatapos ng hapunan, halata ng mga kakosa na hirap pa ako at nangangapa. Pero tumutok pa rin naman sa tabi ko si R para sa dagdag na mga instruksyon, gabay at tip. Napakahusay na guro ng kosang ito.
Isang napaka-makabuluhang pag-ikid ang sa tingin ko’y nakukumpleto ngayon. Mula sa dating pagpupunas ng sariling sinukahan sa sahig ng Kule o kung saan mang sirkulo inabot ng magdamagang inuman; hanggang sa kung ilang paghuhugas sa pwet ng mga gusgusin subalit marikit na mga paslit dahil nataong abala ang kanilang mga magulang kung di man sa paghawan sa kaingin ay sa pagdalo sa pulong ng samahan o kooperatiba ng maralitang magbubukid; hanggang dito ngayon sa pag-iis-is sa abang inidorong dinuduraan , iniihian, tinataehan, tinatamuran ng tinaguriang mga patapon at pusakal.
At ang pag-ikid na ito’y hindi pabulusok o paurong. Walang duda, sabihin pang batbat ng salimuot, ito pa rin ay paimbulong, pasulong – isang diyalektikal na progresyon, isang kumulatibong proseso ng pagkatuto, pagpapatatag at pakikihamok.
(Itutuloy...)
No comments:
Post a Comment