Ilan munang update tungkol kay Ericson at sa kanyang kaso:
Matatandaang nagsumite si Ericson ng counter-affidavit noong Abril 11, 2011 upang mapag-alaman ng piskalya kung may probable cause nga ba ang kaso ng illegal possession of explosive na isinasampa ng mga awtoridad (pulis at militar) laban sa kanya matapos siyang damputin o arestuhin nang walang warrant sa Barangay Bay-ang, San Jorge, Samar noong Pebrero 13, 2011.
Matapos ang dalawang buwang paghihintay, nito lamang Hunyo 7 ay nakatanggap si Ericson ng kopya ng RESOLUTION ni Investigating Prosecutor Agustin M. Avalon na may petsang Abril 20, 2011 o siyam na araw lamang matapos niyang maisumite ang counter-affidavit.
Sa esensya ay isinasantabi ng RESOLUTION ang mga puntong inilahad ni Ericson sa kanyang counter-affidavit. Inirekomenda nito ang patuloy na pagsasampa ng kaso laban kay Ericson.
Pero sa pagdalaw sa Calbayog ni Atty. Jun Oliva, isa sa mga abugado ni Ericson, nitong nakaraang Hunyo 15 ay natiyak na sa kabila ng nasabing “maagap” na resolusyon ng piskalya ay wala pa ring rekord o pormal na naisasampang kaso laban kay Ericson sa anumang korte.
Ngayong Hunyo 22, nagsumite ang mga abugado ni Ericson mula sa NUPL ng isang MOTION FOR RECONSIDERATION kaugnay ng nasabing RESOLUTION. Sa pagpapatibay na walang batayan ang pag-aresto at patuloy na pagpiit kay Ericson, hinihiling ng mosyon na isantabi ang naunang resolusyon ni Avalon, upang maghain ng panibagong resolusyon na magrerekomenda ng tuluyang pagbabasura sa complaint laban kay Ericson.
Mahigit apat na buwan na si Ericson sa piitan pero wala pang kaso na pormal na isinasampa laban sa kanya at malinaw na walang batayan para isampa pa ito. Patuloy na nilalabag ang kanyang mga karapatan sa bawat araw na idinidiin siya dahil lamang sa gawa-gawang kaso at ebidensya.
Ang kagyat na pagpapalaya kay Ericson ay maaari nating muling igiit at personal na hilingin sa pamamagitan ng pagsulat ng mga liham o pakikipag-ugnayan sa sumusunod:
(1.) Atty. Leila De Lima
Secretary, Department of Justice
Padre Faura St., Manila
Direct Line 521-8344; 5213721
Trunkline 523-84-81 loc.214
Fax: (+632) 521-1614
Email: soj@doj.gov.ph
(2.) Prosecutor sa Samar
(2.1) Investigating Prosecutor Agustin M. Avalon
Regional Trial Court Branch 41
Gandara, Samar
at/o sa
(2.2) Office of the Provincial Prosecutor
Bulwagan ng Katarungan
Catbalogan City, Samar
Kunsakali ay bigyan n’yo rin kami ng kopya ng inyong liham sa freeericsonacosta@gmail.com
Hindi pa makapagsulat ng panibagong blog entry si Ericson. Dalawang linggo na raw siyang nilalagnat-sinisinat at inuubo nang matindi dahil dalawang linggo na rin siyang tumigil sa paninigarilyo.
Samantala, heto ang ilan niyang kwento at hirit para sa nakaraan niyang posts. Hindi siya direktang nakakapag-internet kaya hindi pa niya alam na ang sinasabi niyang “footnotes” ay ginawa na lamang intro at extro sa 3-bahaging WELCOME VISITORS v. 3:
Mayo 20, 2011
…Kahapon ay nagbasketbol ako. Nakatatlong game ako pero yung ikatlong game hindi ko na natapos dahil parang magko-collapse na ako sa hapo. Kahapon lang kasi ako naglaro uli mula nung sinimulan ko yung pagsusulat ng counter-affidavit. Pero plano ko sanang maglaro uli ngayon para masanay uli kaso biglang nagbago yung relyebo ng mga jailguard at yung naka-duty ngayon ay di karaniwang nagpapalaro.
Ano nga pala ang naging itsura ng huling jailhouse blog entry? Naging two-part ba? Gusto ko sanang baguhin ang footnotes dun. Maganda siguro kung Filipino na lang ang footnotes. Tapos parang mali yata ‘yung footnote [2] kasi ‘yung “in exchange” parang ako pa yata ang lumalabas na binigyan ng Php 300.
Pwede ko pa kayang dagdagan ng footnotes? Eto:
“Ser! Ang ranggo ko ho at katungkulan ay buyonero!”
[3] Ito pwedeng idugtong na lang sa “buyonero” footnote. ‘Yun kasing nililinis na toilet bowl, bumara nang husto noong unang linggo ng Marso kaya tinanggal na mismo ng kosa para maalis muna ang bara saka kinabit at sinemento ulit. Pero noong kakakabit at katutuyo pa lang ng semento ay may jumebs na agad… Nakarinig na lang kami ng kalabog at “aray!” dahil nabiyak na nang tuluyan ang bowl. Butas lang sa sahig ang ginamit naming taehan sa loob ng mahigit isang buwan. Buti na lang at meron ding kaibigang na nag-donate ng panibagong toilet bowl mula sa Tacloban.
“Ser, ang consolidation area ko ho ay ang selda dos; ang expansion ho ay ang iba pang selda.”
[4] Nung panahon na isinusulat ko ito ay hindi ko pa iniisip na makakaabot ang propaganda ko sa labas ng compound sa pamamagitan ng jailhouse blog. Ito na nga ang punto ng pagiging “Cyber Political Prisoner” – pero teka, mukhang incriminating yata ito. Kasi “CPP,” hehe.
“…nasa mga pader lamang din pala ang iba’t ibang tulong-biswal na mabisa naming magagamit.”
[5] Matapos ang isang linggo may mga estudyante ng isang kolehiyo na nagbigay dito ng bundle-bundle na mga catalog ng panty at bra kaya tinadtad ng mga kosa ang mga pader ng mga litrato ng mga babaeng naka-bra at panty lang. Ang problema ko ay baka may maimumungkahi ang mga kasama mula sa Gabriela kung paano nga ba gagamitin ang mga ito bilang visual aid sa educational discussion, o kung paano nga kaya ang pinaka-mahusay na estilo ng pagtalakay sa pyudal/burgis na pagsasamantala sa kababaihan sa loob ng environment ng presohan na walang-duda ay balwarte rin ng kamachohan.
Kaya pa kayang ihabol ang mga ito? Kung hindi Tatagalugin ko na lang ang dalawang footnote na meron na.
Ay, may problema rin nga pala dun sa sinabi ko na prolet yung trabaho ng buyonero. Sa totoo lang, mukhang mala-alipin nga yun, e, at ang tuntungan nga nun ay yun bang isang sadistang kultura ng “initiation.”
Ang prolet ay kung ang trabaho ng pagbubuyon ay maging collective. May ilang pagtatangka na akong ipakilala ang kolektibo o relyebuhan na pagtatrabaho kaso patakaran na raw kasi iyon ng buong jail. Tapos, siyempre may mga panahon o naging madalas na rin na trabaho ito na may kapalit na pera kapag “pinapakyaw.” Laganap kasing kalagayan sa ekonomiya ng mga kosa ang walang panggastos, pambili ng panggatong, ulam (dahil pang isang ulam lang ang rasyon dito sa isang araw), sabong pampaligo at panlaba, toothpaste, at iba pa lalo na ang halos hindi na dinadalaw.
May mga dumadalaw rin na wala namang mai-abot na pera – kaya gulay na lang at panggatong na hindi rin naman tatagal.
‘Yung mga bagong pasok, karaniwan ay may pera dahil na rin sa mga kamag-anak na itinuturing pa na “emergency” ang pangyayari at nagbibigay talaga sa kosa. Pero pagkatapos ng isa o dalawang buwan, paunti-unti na ring nababawasan ang iniaabot sa kanya. Pero ‘yun nga, dahil may pera siya sa simula, windang pa ang isip at lalo lang maaawa sa sarili kung maglalampaso pa siya sa selda, ay ipapapakyaw na lang niya ang pera, at ito rin ang ipinapayo sa kanya ng pamilya niya. Ako nga lang daw ang wirdo na may pera at ayaw magpapakyaw ng trabaho bilang buyonero.
Syempre nabanggit ko na rin ang mga konsiderasyon ko gaya ng pagiging tibak at nung tungkol sa buyonero na papalitan ko. Siya ang pumakyaw sa trabaho ng sinundan ko. Ilang linggo pa lang ubos na ang bayad sa kanya pero tuluy-tuloy lang siya sa pagbuyon sa loob ng dalawang buwan. May pera na rin namang naiaabot sa kanya pero hindi niya maipapakyaw sa iba ang trabaho kasi hindi umaabot ng Php 300 yung pera niya sa isang panahon.
Naku ang haba na pala nito...
-Ericson
P.S. Wala na akong bolpen.
miss na kita, acosta!
ReplyDelete