Tuesday, September 20, 2011

Sulat ni Alan Jazmines

Sulat ni NDF consultant Alan Jazmines para sa mga otoridad na humarang sa "Free All Political Prisoners" postcards na ipinadala ng Free Ericson Acosta campaign, Karapatan at SELDA para sa mga detenido pulitikal sa Camp Crame.


Jazmines on Postcards

Sunday, September 18, 2011

Sulat para kay Eduardo Sarmiento

“Arestado ka!” ang mabagsik na turan
Ng mga otoridad ng estadong marahas
“Posasan ang kamay, piringan ang mata!”
at dagling isinakay sa abuhing van

At hindi naglaon sasakya’y tumigil
ang abang katawa’y sinilid kung saan
Ang kinasadlaka’y kakaibang daigdig
Na wari’y libingan o kabaong malamig

Malagkit ang hangin, amoy pawis at sigarilyo
ang kulay ng mundo’y sing itim ng uling
Ang oras mo dito’y lubhang napakabagal
At ang gabi rito’y sadyang walang bukas..

Lugmok ang katawang pagal na sa hirap
di pinatulog sa boung magdamag
ang interogasyon at mental na tortyur
ang gumigising sa isip sa lahat ng oras.

Ang anasan ng gwardya’t mga interogador
ay hishis ng mga ahas na handang tumuklaw
Ang kanilang mga tanong, “sino..saan..paano..?”
ay punyal na tatarak kung di mo masalo.

Habang may hininga’y diwa’y di susuko
sa paglaban makakamit ang paglayang tunay
ang mabisang panangga sa takot at hirap
ay pag ibig na wagas sa iyong minamahal!

Sa bawat impormasyong hindi ibibigay
ay pagkait sa kaaway sa layong tagumpay
Ito ay paglabang tagumpay na ituring
na dagdag na lakas sa ibayong paglaban

Ang mundong ito sa kailalimlaliman,
ay desenyong sinadya ng imbing kaaway
Umatungal man dito ang sanlibong oso,
ay di mapapansin sa mundong ibabaw

At mula sa “safehouse” na tigib ng dusa
Saan kaya hahantong itong abang bihag..?
Sa libingan kaya ng mga buhay,
O sa malamig na hukay..?

“Safehouse”
Ka Edong
Pebrero 2009


NDF Consultant Eduardo Sarmiento


Kasamang Edong,

Pulang pagsaludo at pagbati!

Noong Mayo, niregaluhan ako ng isang matalik na kaibigan. Hindi naman niya talaga sinabing regalo nga niya sa akin ang ipinadalang envelope na naglalaman ng mga tula. Pero dahil ilang araw na lang ay kaarawan ko na noon, hinayaan ko ang isang kapritso at idineklara ito bilang isang pambihirang birthday gift. Bagamat manunulat din, hindi ang kaibigan kong iyon ang may-akda ng nasabing pyesa kundi – maraming salamat—kayo po, Ka Edong.

Ang mga obra ninyong ito ay magarang mga pamaypay sa alab ng paglilingkod sa sambayanan at ng paglaban sa reaksyon at pasismo—sariwang mga anahaw ng ahitasyon at romantisismong rebolusyonaryo. Dahil karamiha’y tungkol at isinulat sa panahon at lunan ng detensyon, may partikular o espesyal na danas na hatid ang mga bersong ito kagaya kung paano patuloy ko pa ring inaaral ang bago at kakaibang buhay at pakikibakang ito sa loob ng bilangguan. May isinusulat ako hinggil sa bagay na ito bilang rebyu na rin sa mga tula ninyo, agad ko kayong padadalhan ng kopya sakaling tapos na. Muli, marami pong salamat.

Habang sistematiko at institusyonalisadong nagpapatuloy ang pagkikriminalisa at pagpapakulong sa mga gaya nating nagsusulong ng anti-pyudal, anti-imperyalista at anti-pasistang mga kilusan ng masa, magpapatuloy ding sadya ang napakahalagang tradisyon ng panitikang piitan o prison literature. Kung wala ang tradisyong ito kung tutuusin, kung sa iba’t ibang panahon ay walang tumangan sa panulat bilang sandatang pulitikal sa gitna ng pinakamapanil na kondisyon sa likod ng rehas, lubhang mababawasan ang kabang-yamang pangkultura ng bansa. Agad-agad kung magkakagayon, mabubura ang makabuluhan at makasaysayang mga likhang sining gaya na lamang ng “Florante at Laura” ni Balagtas, “Mi Ultimo Adios” ni Rizal, at ng marami sa pinakamarubdob na mga tula nina Amado V. Hernandez at Jose Ma. Sison.

Sa pamantasan, isa sa masigla kong binasa at inaral noon na aklat sa panitikan ay isang antolohiya ng mga tula sa Ingles na ilan sa libu-libong ipinakulong ng diktadurang Marcos, kasama na ang mga likha ni Kasamang Alan Jazmines. Bukod dito’y may iba pang mga antolohiyang gaya nito na naglabasan noong ikalawang hati ng dekada ‘80 at nagtampok sa mga akdang Pilipino ng mga ex-detainee tulad nina Bonifacio Ilagan, Jose F. Lacaba, Bienvenido Lumbera at Lilia Quindoza. Noong panahon ng rehimeng US-Estrada, ang naaalala ko ay ang manuskrito ng payak na koleksyon ni Kerima Tariman, na noong taong 2000 ay isa na mga pinakabatang naging detenido politikal sa edad na 20. At nitong 2009, sa paglabas ng “Mga Tugmaang Matatabil: Mga Akda Mula sa Libingan ng mga Buhay,” ipinamalas sa atin ni Axel Pinpin sa unang aklat niyang ito na ang pinakamahusay na nailimbag na mga tulang Pilipino ng nakaraang dekada ay naisulat sa lilim ng karsel.

May simple, sabihin pang kakatwang katangian ang panitikang piitan kung paka-iisipin. Sa isang banda, sa esensya’y hindi na natin nais pang yumabong ang genre na ito. Sa katunayan, nais nating matapos na ang tradisyong ito bilang konsekwensya ng mas malaki at pangkalahatang hangarin nating magwakas na ang penomenon ng bilanggong pulitikal at iba pang dulot ng pasismo. Sa kabilang banda, dahil naghuhumiyaw pa ang realidad ng inhustisyang ating kinasasadlakan, habang di pa nakakamit ang tunay na pagbabagong panlipunan, ang panitikang ito at ang buong rebolusyong pangkultura sa sining at literatura ay sadyang kinakailangan.

Ang isang nabanggit ko sa isang mensahe para sa aktibidad ng Free Ericson Acosta Campaign noong isang linggo ay ang mungkahing sana’y may mga kasamang magtipon sa mga sulatin ng kasalukuyang mga bilanggong pulitikal at mailathala bilang isang bagong antolohiya. Mga tula, kwento, sanaysay, liham at iba pa. Maaaring maiambag ding mga pyesa rito pati ang galing sa mga kalalaya pa lamang gaya nina Kasamang Elizabeth Principe, Kasamang Angie Ipong, Randy Echanis o ilan sa tinaguriang Morong 43. Napapanahon ang koleksyong ito laluna sa gitna ng kasalukuyang hamon ng iba’t ibang sektor at demokratikong kilusan para magdeklara ang gubyenong Aquino ng isang general, unconditional at omnibus amnesty para sa lahat ng mahigit 300 bilanggong pulitikal sa Pilipinas.

Ang isa pang iminumungkahi ng mga kasama ay ang makipagtugtugan sa inyo d’yan at mairekord ang jamming na ito gaya ng ginawa ni Renato Reyes Jr ng BAYAN nang minsang dumalaw siya rito noong Abril. In-upload ni Ka Nato ang aming kantahan sa internet bilang “Prison Sessions” at ang sabi niya sa akin matapos noon ay nakatulong daw ang hilaw na rekording na ito sa dagdag na lapad ng suportang masa para sa kampanya sa pagpapalaya di lamang sa akin kundi sa lahat ng bilanggong pulitikal.

Ngayon ipagpaumanhin na lamang sana ninyo kung nangahas na ako at “ibenta“ na kayo sa mga kasama. Ang sabi ko kasi sa kanila ay napag-alaman kong kayo pala ay may “malupit” na mga daliri sa gitara laluna sa Pulang curacha. Ang inaalala ko lang, dahil alam kong relatibong mas mahigpit ang kondisyon dyan kumpara rito, ay kung pagbawalan kayo na makapag-jamming. Mukhang kailangang maghanda na lamang ang kinauukulang mga sektor kung magkaganon at maagap na makapag-ingay at maipaabot ang napakasimple at makahulugang kahilingan – ang marinig ang musika ni Kasamang Edong Sarmiento.

Naisip ko rin, Ka Edong, kaya po kaya ninyong sumulat ng isang awit tungkol sa mga bilanggong pulitikal, o isang pangkalahatang himno ng pakikibaka laban sa terorismo ng estado? Kung sakali, isang masiglang martsa, militante, palaban at puno ng pag-asa. Ang isa kasing ideya ay pwede itong irekord at gawan pa nga ng bidyo. Ang mga tutugtog at magtatanghal ay mga bilanggong pulitikal mula mismo sa iba’t ibang lugar ng detensyon sa buong bansa. Hiwa-hiwalay na irerekord ang pagkanta ng piling bilanggong pulitikal pero sa tulong ng teknolohiya ay makakabuo ng isang track na parang isang tinipong choral ang umaawit. Ano po sa tingin ninyo?

Naku, nagmumukha nang project proposal ang sulat na ito. Marami pa sana akong gustong ihanay na mga bagay pero sa susunod na lang ulit. Ang huling mungkahi ko na lang ngayon ay may kinalaman sa naibahagi ko na sa sulat ko kay Kasamang Alan Jazmines tungkol sa pagbubuo ng kadena ng suporta sa hanay ng mga bilanggong pulitikal sa pamamagitan ng pagsusulatan. Plano ko kasing sulatan ang mga kasamang magsasaka na tinaguriang “Catbalogan 5.” Sinubukan kong gawin ito sa Winaray pero inabandona ko na ang ideya dahil mukhang hindi ko pala talaga kaya. Samantala, ang sulat ko sa kanila sa Pilipino ay hindi ko pa natatapos. Pwede po rin ba ninyo silang sulatan? Tiyak akong labis silang matutuwa at ibayong tataas ang kanilang moral at palabang diwa kung makakarinig sila mula sa inyo, lalu na sa lokal nilang wika.

Hala, nahalawig na ini ora-ora. Ha otro na la gihapon. Ipaabot na lang po ninyo sa iba pang mga kasama riyan ang pinakamapula kong pagsaludo at pinakamaalab na pagbati. Walang duda, hindi tayo pagagapi sa estado ng mga mapang-api’t mapagsamantala. Lagi’t lagi tayong magbabalikwas at lalaban kahit sa pinakagipit at sukol na kalagayan. Gaya ng sabi ninyo sa inyong tula, ang mga rehas sa ating paligid ay ginagawa nating sibat para sa kaaway.

Kalayaan,

Ka Eric
Calbayog City sub-provincial jail
July 16, 2011

Tuesday, September 13, 2011

Sulat para kay Alan Jazmines

pinakahuling larawan ni NDF consultant Alan Jazmines sa kustodiya ng mga awtoridad


July 14, 2011

Kasamang Alan,

Pulang pagsaludo at pagbati!

Masasabing magkaugnay ang mga pangyayari sa ating pagkadakip dahil sa magkasunod itong naganap – Pebrero 13 ako at kayo ay Pebrero 14. Nalaman ko ang tungkol sa pagkahuli ninyo noong madaling araw ng Pebrero 15, sa gitna ng interogasyon sa akin ng militar. Ibinulalas ito ng isang interogador at noong mga sandaling iyon, pinaghinalaan ko pa na gawa-gawa lang niya ito para guluhin ang isip ko, o bilang pang-“bluff” lang sa akin.

Marahil ay napansin ninyo sa ilang nalathalang balita noon na karaniwang idinurugtong ang pangalan ko sa pangalan ninyo, o ang pangalan ninyo sa pangalan ko, o maaaring karugtong na rin ng pangalan ni Ka Tirso Alcantara – gustong palabasin ng AFP na ang ating pagkadakip ay malalaking “tagumpay” diumano para sa kanilang bagong kontra-insurhensyang Oplan Bayanihan. Ang ganoong presentasyon ng balita ay kaduda-dudang mga intriga at pahiwatig ng mga militarista para bulabugin ang usapang pangkapayapaan at para na rin makabawi ng puntos para sa kanilang imahe na noon at pinuputakti pa ng isyu ng palasak na korupsyon sa militar at sa pagpapakamatay ni Gen. Angelo Reyes.

Unang tangka ko ito na sumulat sa isang kapwa bilanggong pulitikal. Malamang at sana nga ay masundan pa ito ng marami, lalu na kung makakapagtulungan tayo na maisakatuparan ang isang simpleng ideya na iminumungkahi ko po sa inyo ngayon at sa iba pang nariyan sa Camp Crame. Ano nga kaya’t buuin natin sa hanay nating mga detenido politikal o poldet sa buong bansa ang isang kadena ng suporta sa pamamagitan ng masiglang pagsusulatan?

Sa mga sulat na ito, tiyak na makakapagpalitan tayo ng sariling mga karanasan. Matutulungan tayo ng mga ito na makita ang komun, maging ang partikular sa kani-kanya nating salaysay ng pagkakadakip, interogasyon, at tortyur, ng pagsasampa sa atin ng gawa-gawang mga kasong kriminal, ng panggigipit sa detensyon, ng kapwa tuso at garapal at mapangbrasong mga taktika ng estado na patulugin ang ating mga kaso, ng kumbiksyon, at iba pa.

Mapait ang mga kuwentong ito, walang duda. Maaari pa ngang ipag-alala ng ilan sa ating mga kasama, kaibigan, at kamag-anak ang ganitong pagsasariwa sa masasaklap nating pinagdaaanan at ipagpalagay na potensyal na bagaheng emosyonal o sikolohikal para sa atin. Subalit sa diwa at bisa ng ating pagpapatotoo na ang kahirapang ito ay matagumpay na nating napangibabawan sa isang malaking bahagi, at patuloy pang magiting na hinaharap at binabaka, hindi salik sa pagkalugmok kundi ibayong tatag ang hatid sa atin ng mga ito.

Makapagbabahaginan tayo ng mahalagang praktikal na aral kung paanong bawat isa sa atin ay nagsisikap na maging “mabuting poldet.” Medyo may paradox lang ito dahil araw-araw ay halos isumpa natin ang pagiging detenido, at araw-araw ay nais nating magwakas na ang ating pagiging bilanggong pulitikal. Pero araw-araw din ay kailangan nating yakapin ang ating pagiging detenido hanggang sa punto na pinagsisikapan na nating maging “mabuting poldet.” Ang pasapol sa pagiging poldet bilang balangkas ng tiyak na mga tungkulin, at ang pagsisikhay na mahusay na gampanan ang mga ito ay naglalagay sa atin sa relatibong istable, mulat at palabang katayuan para isulong ang ating pakikibaka para sa paglaya.

Mulat na tinatransporma ng isang poldet ang isang totoong negatibong sitwasyon tungo sa isang paborable pa ring kondisyon para maipagpatuloy ang pagkilos at paglaban. Karaniwan o sadyang itinutulak ng sitwasyon ang isang poldet para maging kinatawan sa pagsasabuhay ng isang maigting o napakataas na antas ng rebolusyonaryong optimismo. Ayaw nating maging poldet pero kailangang maging mabuting poldet para makamit ang isang panahon na magwawakas ang sariling “pagka-poldet” at ang mismong batayan ng pagkakaroon ng mga poldet sa ating lipunan. Paradox ito, oo, ngunit isa ring realidad at hamon.

Ano nga ba ang ginagawa ng isang mabuting poldet? Ito talaga ang madalas kong paglimian sa ating limitado at gipit ang kalagayan, sa katotohanang sadya tayong isinadlak sa ganitong kalugmukan upang tuluyang mademoralisa at hindi na makagampan pa ng mga gawain nang tulad nang sa laya.

Ngunit sa pinakamaagang panahon na mapagtanto ng poldet ang wastong pananaw at aktitud batay sa bagong kalagayan – naku, totoong wala nang katapusan ang listahan ng mga gawain. Ang unang hinuha’t pangarap marahil ng isang poldet ay ang magawa pa rin sa loob ang karaniwan niyang gawain bilang isang aktibista na relatibong “malaya” sa pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa. Sa unang bungad ng paborableng kalagayan ay pinaiiral niya ang panlipunang pagsisisyasat at pagsusuri sa uri sa kanyang bagong erya – ang mismong lugar ng detensyon.

Sa panibagong kagyat na baseng masa ng mga kosa ay maaaring agad na ipatupad ang gawaing edukasyon at propaganda, at pag-oorganisa sa kanila bilang mga “politicized prisoners.” Sa iba’t ibang kalagayan ay maaari silang pakilusin para sa pagpapahusay ng kalagayan sa bilangguan, sa paglaban sa di-makatarungang mga patakaran sa rasyon ng pagkain, pagreresolba ng mga problema sa pisikal na kondisyon ng bilangguan gaya ng bentilasyon, atbp. Batay sa kasanayan at kakayahan ng poldet ay maaari rin siyang magbigay ng mga aralin sa literasiya at numerasiya, serbisyong medikal at pangkulusugan, mga palihan sa gawaing pangkultura at sining, legal advice, at kahit ang arbitrasyon sa mga problema sa pagitan ng magkakakosa.

Simboliko at maaaring napaka-epektibo sa praktika ng gawain ng isang poldet bilang mismong propagandista at lider masa sa isang kampanya sa pagpapalaya. Napapatampok ang pagiging aktibista para sa karapatang pantao sa kongkretong katotohanan na siya mismo ay isang biktima ng paglabag sa mga karapatang ito.

Ang penomenon ng mga poldet sa bansa ay hindi pahiwatig ng panghihina o pagkasukol ng isang makapangyarihang kilusang masa, kundi patunay lamang ng papalawak at papaigting na paglaban ng mamamayan. Patunay ito ng desperasyon – na nakikita at isinasakatuparan ng armadong mga sangay ng estado ang pangangailangan na gipitin, supilin at patahimikin ang mamamayang lumalaban. Inilalantad ng penomenon ng mga bilanggong pulitikal ang sa esensya’y reaksyunaryo at pasistang katangian ng estado, ang pamamayani ng isang malupit at mapanlinlang na naghaharing-uri, at ang palasak na inhustisya sa buong sistemang panlipunan. Sa isang banda, sinisimbolo ng mga poldet ang isang napakataas na antas ng militansya, sapagkat sa kabila ng sukdulang panunupil ay nakukuha pa ng isang mabuting poldet na ipagpatuloy ang paglaban.

Mga muni-muni ko lamang ito Ka Alan, at alam kong mas marami kayong maibabahagi pagkat sa isang banda ay hindi na bago sa inyo ang kalagayang ganito dahil kayo’y naging detenido rin noon pang panahon ni Marcos. Sa bahagi ko, ang magagawa ko’y ipagpatuloy ang pagsusulat kahit may mga panahon na nahihirapan pa rin ako sa pagbubuo ng mga ideya ko’t saloobin.

Mahalagang maibahagi ang mga aral na ito sa bawat poldet sa layuning tayo mismo ay makagawa ng isang matibay na grupong suporta sa pagitan natin at mapangibabawan ang buryong, homesickness at iba pang emosyonal at sikolohikal na bagahe. Hindi pa man kayo personal na sumusulat sa akin ay malaki na ang naitulong ng mabilis ninyong paglalabas ng mga pahayag tungkol sa inyong pagkakahuli, sa pagsusuri ninyo at demanda kaugnay ng pang-uupat ng mga militarista sa peace talks na noon ay nag-uumpisa pa lang. Ang inyong mga sulatin ay agad nakapag-ambag sa fighting stance ko. Noong simula na hirap na hirap pa ako sa pagsusulat ay nagpadala ang mga kaibigan ng mga sampol na entry mula sa inyong prison diary, at ito na rin ang nagtulak sa akin upang simulan ang isang “jailhouse blog.”

Malaki ang ambag ng mga sulatin sa bilangguan sa pagtatambol sa kampanya ng mga bilanggong pulitikal. Sa konteksto ng peace talks, maliban pa sa demanda ng NDF na tupdin ng GPH ang obligasyon sa pagpapalaya sa mga NDF consultants na gaya ninyo, ang katulad nitong pagsusulatan ay ambag din pagkalampag kay Presidente Aquino para magdeklara ng general, unconditional at omnibus amnesty para sa lahat ng higit 300 bilanggong pulitikal sa buong bansa.

Menor na layunin na lang marahil ang maipatampok natin ang liham bilang isang anyo ng panitikan, lalu pa at may mahabang karanasan na ng paggamit ng prison writing lalo na noong panahon ni Marcos. Maaaring ang pagkakaiba lang ng ating pagsusulatan ngayon ay maaari na itong gawin sa anyo ng “open letters.” Dahil sa prestihiyo nito bilang bahagi ng pambansang panitikan at dahil na rin sa teknolohiya ngayon ay kagyat na natin itong maisasapubliko sa pamamagitan ng magpakaibigang mga publikasyon at sa pamamagitan ng internet.

At pinag-uusapan na rin lamang ang panitikan, sana po ay makapagpadala na rin kayo ng inyong mga bagong akda. Sa pamamagitan ng ating mga sulat, akda at tula ay patuloy po tayong mag-ugnayan bilang mga panata sa ating paglaya.

Sa Kalayaan,

Ka Eric

Saturday, September 3, 2011

Sulat para kay Leonilo Doloricon


Doloricon’s unprecendented opulence.. perharps, a new peak in his artistic development. Never has he been so gaudy in dressing up (or baring naked) his symbolisms as he is now with his cornucopia of insects and worms, women’s beasts and breast-sucking mutants, pig-headed politicians and generals, dogs and crocodiles, beer bottles and viands, etc. Doloricon renders the whole point of class conflagration concise; by being excessive, he gives korupsyon – bureaucrat capitalist greed, the rape of women and nature – its poetic truth; by being redundant, an irreversible struggle for that almost proverbial radical change he indeed incites.

Soon enough the senses are incited once more upon cognition of the much larger ghoulishness: American Imperialism, as represented by the All-American grin of the Kennedy/Clinton hybrid; Bureaucrat Capitalism, in the person or non-person of the sucker, and as most aptly allegorized in the battered psyche of the molested woman herself, or in the act itself of draining her fertility dry, Feudalism.

Such is the method of Doloricon’s vision. He presents a series of vistas at once penetrating and encompassing. He teases us with details – up to the most absurd, oftentimes banal fraction – while agitating us to come to terms with a disturbingly expansive and unified whole. Never have Doloricon’s works proven acute this uncanny yet unwavering balance in the interplay of the microscopic and the macroscopic. Never too has this sophistication, this dialectics of zooming in and zooming out, been thoroughly expounded in the noble business of Social Realism.

-From Ericson Acosta’s review of Neil Doloricon’s show “Korupsyon” at the Hiraya gallery, published by the Manila Times, November 15, 1995.


June 30, 2011

Ka Neil Doloricon,

Sa pagitan ng kalat-kalat na mga ideya at marurusing na tala’t drowing sa mga notbuk ko’t hiwa-hiwalay na papel, kinukuha ko ang patlang at pagkakataong ito para magpasalamat sa lahat-lahat ng inyong suporta. Maaring sabihin na natural na lang para sa atin ang magtulungan pagkat personal tayong magkakakilala, at sadyang nagkukurus ang mga landas bilang mga artista at aktibista. Kung minsan kapag napapatitig ay parang nakasabit na rin sa pader nitong selda ang nakakwadrong “Tikbalang” na iniregalo ninyo sa kasal namin ni misis.

Natural na susuporta sa isang tulad ko ang tulad ninyo na isang makabayang artista at aktibista. Laluna siguro at halos sariwa pa ang inyong karanasan bilang kapamilya, asawa, ng isang detenido pulitikal na nakabilang sa “Morong 43.”

Naiisip ko lang minsan ang mga pangyayari. Naiisip ko kung paano nag-aambag ang mga nito sa inyong makulay na karanasan mula sa pagiging estudyanteng aktibista, at sa paglao’y pagiging manggagawang pangkultura. Kung paano nito higit na pinatatag ang inyong pundasyon bilang organisador sa kilusang paggawa, bilang isa sa mga haligi ng social realism, bilang isa sa mga pangunahing editorial cartoonist sa bansa, bilang edukador na minsa’y naging dekano ng FA*… Ang pagkiling ninyo para sa mga bilanggong pulitikal at sa isyu ng karapatang pantao ay dagdag pa sa masugid ninyong pagsuporta sa mga organisasyong masa ng mga aktibista at manggagawang pangkultura, na nasaksihan ko mismo mula sa inyo sa kampus noon.

Naalala ko lang na nagpang-abot din naman tayo sa Manila Times noon pero noon ay hindi tayo nagkakakwentuhan o kahit nagkakapansinan man lang. Medyo may hinala pa nga ako na pwedeng nagulat na lang kayo na malaman na aktibista pala ang nagsulat ng rebyu sa isang exhibit ninyo sa Hiraya** noon.

Hindi ko malimutan ang isang pangyayari noong kasagsagan ng Edsa Dos. Nagplanong magkaroon ng isang Erap Resign mural ang mga pioneer social realist painters kasama kayo at sina Egay Fernandez at Boy Dominguez. Nakagawa kayo ng isang mabangis at matamis na mural kasama sila at iba pang myembro noon ng Artists’ Circle sa FA. Napakahusay noon hindi lang dahil sa bangis ng mismong gawa, kundi dahil na rin nagkaroon muli ng isang kolaborasyong likha ang social realist painters matapos ang kung ilang taon o dekada pa nga yata.

Sa isang rali, kami noon sa CAP*** ang namahala sa mga materyales. Pero dahil sa frantic na moda ng pagta-transport ng mga tao, flags, prop materials at iba pang parapernalya sa isang malaking mobilisasyon na dumaan sa Mendiola at Liwasan – nawala ang mural! Nawala! Binalik-balikan ang mga dyip, garahe o bodega ng mga opisina na pwedeng napaglagyan ng mural matapos ang rali, pero ang bukod-tanging naisalba lang pala talaga ay ‘yung mural ng Sinagbayan.

Gusto kong matunaw habang humihingi ng dispensa nang magkita tayo ulit sa isang aktibidad sa UP. Pero tinanggap n’yo naman agad ang paliwanag at ‘di na pinalaki pa ang isyu. Ganun din ang naging attitude ni Boy Dominguez nang humingi ako ng sorry sa kanya nang magkita kami sa Risiris.

Gusto ko sanang ipaskil kasama ng sulat na ito ang isang bahagi ng isinulat kong artikulo sa Manila Times, ‘yun na ngang rebyu ng isa ninyong exhibit. Kung sakaling may clippings kayong mahanap ay padalhan nyo rin sana ako ng kopya. Naaalala ko na may bahagi roon tungkol sa appreciation sa mahuhusay pero humble, mapagpakumbabang mga artista ng bayan.

Ang artista’y may kakayanan, kundi man tahasang responsibilidad, na mag-analisa, manindigan, at maging makabuluhan. Gaya ng naipakita ninyo sa groundbreaking na trabaho sa social realism, kartun, graphic design, at iba pang inobatibong anyo na patuloy na umuunlad, ang paninindigan ay nagbubukas ng napakaraming malikhaing posibilidad para sa isang artista. Ganun din ang nakikita ko sa iba pa nating kasamahan at kapanalig na mga aktibistang pintor at artista, nagkaroon man sila ng “pangalan” o nanatiling walang mukha. Tulad ninyo’y walang humpay sa paglikha, habang nananatili ang pagpapanday sa talino at sigasig, nananatili ang kababaang-loob.

Laging ipinupukol sa atin na ang ating pulitika ay nagpapakupot, naglilimita o nagpapakitid sa sining. Pero sa halip, dahil na rin sa halimbawa ng mga tulad ninyo, malinaw na malinaw na ang paninindigan para sa masa at sambayanan ay nagbibigay ng tiyak na direksyon upang yumabong at magpakahusay -- di lamang sa sining kundi maging sa iba’t ibang larangan ng gawain. Sining na matalas at matining ang nagliligtas sa atin mula sa makasariling tendensya at eklektikong pagkabalaho. Ang halimbawa ng mga artistang tulad ninyo ay inspirasyon at lakas upang patuloy na lumikha at magpursige maging sa pinakagipit at malupit na kalagayan.

Mabuhay kayo!

Ericson

"Tikbalang" (Artist's Print) Leonilo Doloricon

-------------

* FA- Fine Arts (UP College of Fine Arts)

**Hiraya art gallery

***CAP – Concerned Artists of the Philippines