Dec 8, 2011
Ka Maricon, Ka Charity, Ka Billy, Ka Sonny, Ka Ronilo, Ka Romiel, at Ka Alberto
Mabuhay!
Binabati ko kayo at nakikiisa rin sa inyong hunger strike at iba pang kaugnay na mga aktibidad sa panahon ng International Day of Solidarity for Political Prisoners hanggang sa International Human Rights Day. Matagumpay ninyo itong naisagawa sa kabila ng mga pagbabanta sa inyo ng mga awtoridad. Sa inyo ang paghanga ko at pagsaludo sa ipinapakita ninyong tapang at giting.
Karaniwang itituturing ang hunger strike bilang akto ng desperasyon. Para sa ating mga bilanggong pulitikal, totoo ito. Totoo ito dahil nakapanlulumo ang kupad-bayukong usad ng ating mga kaso. Totoo ito dahil totoong hindi tayo mga kriminal. Totoo ito dahil mapanganib ang ating kalagayan para sa mga may edad na at may sakit sa atin gayundin sa kababaihan. Totoo ito dahil labis na ang pagdurusa ng ating mga kaanak. Totoo ito dahil nasa harap natin ang tila di matitinag na pader ng inhustisya. Totoo ito dahil patuloy na itinatanggi ng mga nasa poder ang ating pag-iral.
Gayunman, habang sumusulong ang pakikibaka ng mamamayan para sa tunay na pagbabago, para sa kalayaan at demokrasya, para sa katarungang panlipunan, hindi tayo mawawalan ng pag-asa. Dumating sa akin kahapon ang balita na naging “gitgitan” sa pagkilos, pag-camp-out, pag-“occupy” sa Mendiola ang iba’t ibang sektor at sa gitna ng aking pagha-hunger strike ay ilang beses akong binusog ng ahitasyon, inspirasyon at tatag. Gayundin ang hatid sa akin ng bagong mga kwento ng paglaban at pagtatanggol ng mga magsasaka sa mga nayon. Wala akong alinlangan, lalaya tayo mga kasama at ang buong bayan.
Para sa kalayaan,
Ka Eric
No comments:
Post a Comment