Dec 8, 2011
Ka Alan, Ka Edong, Ka Ed,
Mabuhay! Binabati ko po kayo sa matagumpay ninyong paglulunsad ng mga aktibidad para sa International Day of Solidarity for for Political Prisoners at sa isang linggong pagdiriwang ng International Human Rights Day.
Bagamat ni kibot ay wala na naman tayong narinig mula kay Aquino, matagumpay ang mga pagkilos na ito sa ibayong pagpapataas ng ating palabang diwa. Malaking ambag ang mga ito sa paghamig ng mas malawak pang suporta para sa mga panawagan ng mga poldet. Sa patuloy na paglawak ng pakikiisa ng iba’t ibang sektor ng mamamayan sa ating partikular na kampanya at sa demokratikong kilusang masa sa pangkalahatan, asahan nating sa malao’t madali ay maitutulak din natin ang Malacanang sa isang posisyon para seryosong harapin ang hamon ng pagdedeklara ng general at unconditional amnesty para sa mga poldet.
Gaya ninyo at ng iba’t ibang poldet sa iba’t ibang lugar ng detensyon, ay naka-hunger strike din po ako ngayon (mula 3 hanggang 10 ng Disyembre). Bukod sa pangkalahatan nating mga panawagan at sa pagtatampok sa mga kaso ng tinatawag nating prayoridad na mga poldet gaya ng mga may edad na, may karamdaman at kababaihan, dala-dala ng aking pagha-hunger strike ang ilan kong partikular na usapin. Isa na rito ang demanding paalisin ang mga sundalong nakakampo ngayon dito mismo sa dapat ay sibilyang pasilidad ng Calbayog sub-provincial jail. Kung sa Mendiola ay mayroon tayong camp-out laban sa krisis, ang panawagan naman natin dito ay out with the camp now! Noong huling linggo ng Hulyo ay isang platun ng 87th IB ang idineploy dito; mula October hanggang ngayon, naging isang iskwad ito mula sa 14th IB
May panahong malayang nakakabalandra ang mga ito, dala ang kanilang mahabang baril, hanggang sa pasilyo mismo ng gusali ng presohan. Bandang Agosto, may mahigit isang linggo na tuwing umaga ay para akong si Lolong o kung anumang hayop sa zoo na dinudungaw nila sa aking selda. Nang minsang tanungin ko ang isa sa kanila kung bakit sila narito, ang sagot niya ay dahil daw may operasyon sila sa karatig-barrio at nakikiigib lang daw sila dito sa jail. Nang sabihin ko sa kanila na hindi kaya’t kaya sila narito ay para bantayan ako, sinigawan niya ako ng ganito: “Bakit? Sino ka ba? Sikat ka ba? Artista ka ba?” Pero nakumpirma ko rin agad na ako nga ang sadya ng deployment na ito.
Nung una ay bandang likod lang sila ng compound naka-himpil. Nitong Nobyembre ay lumipat na sila sa harapan, sa gilid ng kalsada at sa isa pang pusisyon na nasa tabi mismo ng multi-purpose room. Nung dinalaw ako ni Ka Paeng Mariano noong 3rd week ng November, nasaksihan niya kung paano nakikiusyoso ang mga sundalong ito sa kumbersasyon ko sa aking mga bisita. Nalaman ko rin na tsini-check ng mga sundalo ang logbook ng jail para makuha ang pangalan ng mga dumadalaw sa akin.
Malinaw na tahasang pagbabalewala ito sa silbilyang katangian ng jail na ito. Isang hamon ko sa mga jail officer dito na manindigan sila laban sa pagsagasang ito ng militar sa civilian authority.
Mamayang hapon ay may iskedyul ako sa Calbayog City Hall of Justice. Maghahapag daw ang prosecutor ng request sa korte na ilipat ako ng detensyon – sa Catbalogan Provincial Jail daw. Matinding presyur ang ibinigay ng militar sa mga jail officer dito hanggang sa mapapayag ang warden na magrequest na itransfer ako mula rito. Ang dahilan ng request ay dahil iginigiit ng militar na may impormasyon sila diumano na irerescue ako ng mga NPA. Pakana ito para matiyak ng militar na mas mabisa nila akong masusupil at mamamanmanan gayundin ang aking mga dalaw at tagasuporta, laluna dahil ang headquarters ng 8th ID ay nasa Catbalogan.
Matalas ang isang kosa. Sabi niya, “Huwag kang papayag, kosa Eric, kasi pag andun ka na sa provincial jail sa Catbalogan, ang susunod nilang sasabihin ay may info sila na dun naman irerescue ng NPA kaya irerequest ka na nila na ilipat na muna sa 8th ID mismo,”
Kahapon tinanong ako ng taga-Bulatlat.com kung ano ang masasabi ko sa ipinagkakalat ng military na sasalakayin nga daw ang Calbayog jail. Sabi ko, noong July pa ito sinalakay; at ang militar mismo ang sumalakay. May isang casualty – civilian authority.
Salamat nga po pala sa pinadala ninyong postcard. Ka Alan, Ka Edong, salamat sa pagsagot ninyo sa sulat ko. Binabati ko rin kayong dalawa – naibalita sa akin na naglunsad po pala kayo ng exhibit ng inyong mga artwork. Interesado akong makita ang mga obrang ito; sana ay mapadalhan ako ng FEAC ng mga photo nito.
Sige hanggang dito na lang muna. Maghahanda pa po ako para sa pagpunta ko sa korte mamaya. Tatadtarin ko ng mga sticker na “Free All Political Prisoners” yung isusuot kong orange t-shirt.
Padayon,
Ka Eric
PS
Pasensya na kung medyo magulo at maraming bura. Mukhang isang epekto kasi ng hunger strike para sa akin ay yung parang groggy na pakiramdam at panakanakang pagkalula. Pero OK pa naman po ako. Sana ay kayo rin.
No comments:
Post a Comment