Dec. 7, 2011
Dear Gang,
Happy International Human Rights Day. Bagamat hindi naman talaga happy ang human rights situation sa bansa, happy tayo dahil alam nating maraming sektor ng mamamayan ang nagkakaisa at determinado sa pagtatanggol sa karapatang-tao at sa paghahanap ng hustisya.
Ang mga bilanggong pulitikal sa buong bansa ay happy ring nakikiisa sa mga sektor na ito bagamat sa ngayon ay mas matingkad ang aming pagiging hungry kaysa happy. Nasa gitna kami ngayon ng hunger strike para dramatikong ipahayag ang aming panawagan at ang labis na inhustisyang aming patuloy na dinaranas sa kamay ng estado.
Pangatlong pagkakataon na ito ngayong taon na maglunsad ng pambansang koordinadong hunger strike ang mga poldet. Pero wala pa ring kibo ang gobyerno hanggang ngayon. Wala pa rin itong ginagawang hakbang para pasimulan ang proseso ng pagbabalangkas ng isang general, unconditional at omnibus amnesty declaration para palayain ang lahat ng political prisoners. Wala pa rin itong tugon sa kagyat na kahilingan na palayain na ngayon din, on humanitarian grounds ang mga poldet na may karamdaman, may edad na gayundin ang kababaihan. Wala pa rin itong intensyon na palayain ang lahat ng NDFP consultants para sa peace process bilang pagkilala sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees at pagbibigay ng sinserong commitment sa usapang pangkapayapaan.
Nakakapikon ang ganitong pagkikibit-balikat ng mga nasa poder laluna dahil halos 25% ng 360 poldet ay bunga na ng mga kaso ng ilegal na pang-aaresto at detensyon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Mas nakakagalit ang tahasang pagmamalaki/pagsisinungaling ng Malakanyang na ang kasalukuyang bilang daw ng detinidong pulitikal sa bansa ay isang matabang-matabang zero.
Napakahalaga kung gayon na palawakin pa ang suporta ng iba’t ibang sektor para sa panawagan ng mga poldet. Sadyang napakapositibo, kaugnay nito, ang balita na sa isang antas ay naisasama ninyo sa inyong mga advocacy ang tungkol sa amin. Maraming salamat.
Nabalitaan ko noon ang tugtugan ninyo sa Bilibid. Ang galing. Naaalala ko siyempre si Johnny Cash, Metallica at BB King. Sa loob-loob ko naman ngayon, syempre ay mainam kung makakagawi rin kayo rito (although para ngang napakahirap dahil sa layo ng Samar). Ihahanda ko na ang “Jailhouse Rock” ni Elvis kung sakali. O “Unplayed Piano” ni Damien Rice. O “Jail” ng Wuds (Armstalk). Pero mas madali, dahil mas malapit sa inyo, kung bumalik kayo halimbawa sa Munti – ang alam ko ay may mahigit 40 na poldet doon. O kaya ay sa PNP Custodial Center sa Crame, pwede kayong makipag-jamming doon (curacha!) kay Ka Edong Sarmiento o sa makata ng bayan na si Ka Alan Jazmines (pero gudlak dahil isa ito sa pinakamahigpit na detention facility pati toothpaste minsan daw ay kinukumpiska ng mga praning na prison official dahil pwede raw itong ingredient ng explosive!) O kaya naman ay sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, naroon naman ang karamihan sa kapatid nating Muslim na poldet. O sa Batangas Provincial Jail, andun ang kababaihang sina Charity Dino at Maricon Montajes (filmmaker from UP) kasama ang Batangas 6. O, medyo malayo pero Luzon din, sa BJMP Ilagan, Isabela andun si Ka Randy Malayao na may malupit na baritone.
Kung matuloy man kayo, padalhan na lang ninyo ako ng CD kung pwede (may marerentahan ditong CD/DVD player).
Sige sa susunod na lang uli. Muli maraming salamat sa inyo at mabuhay ang Rock Ed.
Para sa kalayaan,
Ericson
No comments:
Post a Comment