Friday, July 15, 2011

Mensahe para sa Haranang Bayan 3 at Free the Artist Solidarity Night


MENSAHE

Una sa lahat, gusto kong magpasalamat sa iba’t ibang sektor at organisasyon sa pagsusustini ng kampanya para sa aking pagpapalaya gayundin para sa iba pang bilanggong pulitikal o political prisoners o PPs.

Nagpapasalamat ako pagkat dalawang grupo ng mga kasama na nasa magkabilang dulo ng mundo ang nagsasagawa ng aktibidad sa araw na ito (Hulyo 13) bilang suporta sa kampanya. Nagsimula akong maging seryoso sa aktibismo sa Philippine Collegian at sa Alay Sining, at ngayon sila ang nangunguna sa aktibidad na Haranang Bayan. Sa The Netherlands, mayroon ding Free the Artist Solidarity Dinner na inihanda ang Rice and Rights Network for Human Rights in the Philippines. Maraming, maraming salamat sa mga kasama para sa mga inisyatibang ito.

Nakatataba ng puso na malaman na sumusuporta rin sa kampanya ang mga kasama mula sa iba’t ibang panig ng bansa, at iba’t ibang dako ng mundo, halimbawa na lang ang mga kapwa-artista at kasama na dumalo sa International Conference on Progressive Culture na pumirma bilang suporta para sa aking agarang pagpapalaya.; gayundin sa mga kasama sa International League of People’s Struggles na nagtibay ng resolusyon para sa pagpapaplaya sa lahat ng bilanggong pulitikal sa Pilipinas.

Isang napakalaking hamon para sa rehimeng Aquino ang patunayan ang sinseridad nito sa pagtunton sa panlipunang katarungan, at kapayapaang nakabatay sa hustisya na ipinagkait sa mamamayan sa nakaraang siyam na taon sa ilalim ng kinamumuhiang rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo. Dapat panagutin ang mga maysala laban sa mga biktima ng ilegal na detensyon, na napatunayan sa kaso nina Jonas Burgos, Karen Empeno at Sherlyn Cadapan. Isa rin sa magpapatotoo sa sinseridad ng rehimen pagdating sa isyu ng karapatang pantao at usapang pangkapayapaan, ay ang paghahain ng general at unconditional amnesty para sa lahat ng bilanggong pulitikal, isang hakbang na ginawa ng kanyang ina nang magtapos ang diktadurang Marcos.

Samantala, ang magagawa naman ng mga tulad kong detenido ay ang panatilihing buo ang aking diwa at magpatuloy sa gawaing pampulitika habang nasa loob ng piitan.

Matagal ko nang binabalak na sumulat sa iba pang PP’s para makapagsimula ng palitan o correspondence sa kanila at makalikha ng isang support group ng mga PP na kahit magkakahiwalay ang lugar ay nakapag-ugnayan, nakapagbahaginan ng karanasan at nakakapagpa-abot ng suporta sa bawat isa. Pwede pa nga na ang ilan sa mga correspondence o liham na ito ay maisapubliko sa internet. Paumanhin lang kung hindi pa ako nakakatapos ng kahit isang sulat.

Nakatanggap ako ng kopya ng mga tula ng kapwa-PP na si Ka Edong Sarmiento at tinatapos ko ang isang rebyu ng mga ito. Tiyak akong bukod kay Ka Edong ay marami pang kasalukuyang mga PP ang may mga akda na nagawa sa loob ng kulungan. Mungkahi kong may magkolekta ng mga ito at maaaring magamit para sa isang antolohiya. Ngayon dahil wala pa akong mga matinong tula na naisulat dito, magboboluntaryo na lang ako na mag-edit ng compilation o magsulat ng intro o pambungad.

Natanggap ko ang kopya ng CD ng Prison Sessions na inilulunsad ngayon sa Haranang Bayan. Iminumungkahi ko rin na gawin nina Nato o ng iba pang grupo ang pakiki-jam sa iba pang PPs at magrekord ng kanilang “prison sessions.” Si Ka Edong halimbawa na nasa Crame ay alam ko na may mga "malupit" na mga daliri sa gitara --sa Pulang curacha at sa Rock n’ Roll. si Ka Randy Malayao naman na nasa Cagayan Valley ay may totoong baritone na nakakatindig- balahibo.

Tutal ang tema ngayong gabi ay harana, ibabahagi ko na rin ang mga liriko ng isang kanta na matagal ko nang naisulat, mga bandang 2006 pa yata. Binalak ko itong maging isa sana sa mga PADEPA hymns na pwedeng kantahin bago at pagkatapos ng pampulitikang edukasyong masa. Na-jam na namin ito ng ilang kasapakat sa Acosta Universe pero sa iba’t ibang kadahilanan ay di namin agad naipalaganap sa kabila ng pag-apruba ng ilang kasamang nagsuri sa awit. Ngayon, pagkat patuloy ang aking gawaing pampulitika sa loob ng kulungan ay saka ko lang naaalala at nabalikan itong kanta. Magmumungkahi rin pala ako ng mga babasahin para sa mga kakosa. Samantala, heto na nga ang kanta:


ANG ATING PAARALAN


UNO..DOS..... TRES...PADEPA


SA ABANG BARUNG BARONG NI INAY AT NI TATAY

O SA LIHIM NA LILIM NG PUNONG MALABAY

AY LAGING BUKAS, BUKAS NA, BUKAS NA.

ANG ATING PAARALAN

PAMBANSA DEMOKRATIKONG PAARALAN


WASTO NATING SURIIN ANG ATING LIPUNAN

KASAYSAYA'T UGAT NG APING KALAGAYAN

AT ANO KUNG GAYON ANG TANGING SOLUSYON

ANO NGA BA ANG IBIG SABIHIN NITONG REBOLUSYON?


SA LANSANGA'T LIWASAN, SA BULWAGA'T LOOBAN

SA PULANG TARANGKAHAN NG MGA PAGAWAAN

AY LAGING BUKAS, BUKAS NA, BUKAS NA

ANG ATING PAARALAN

PAMBANSA DEMOKRATIKONG PAARALAN


MGA PATAKARAN, MGA PANININDIGAN

PAARALANG TAPAT AT GAWIN SYANG SANDIGAN

MARAHAS ANG DAAN TUNGONG PAGBABAGO

PA’NO NGA BA MAGING TUNAY NA REBOLUSYONARYO?


SA TANGLAW MAN NG ARAW O ANDAP NG GASERA

TIYAK ANG PAGSULONG NG ATING PADEPA

PADEPA PADEPA PADEPA PADEPA

MAY PADEPA KAHIT SA LOOB NITONG SELDA

MAG ARAL TAYO


(sa Ilokano) Ag-adal tayo

(Sa Bikol) Mag-adal kita

(Winaray) Mag-aram kit

(sa Kapampangan?)

(Sa Hiligaynon?)

(Sa Cebuano?)

(at sa iba pang dialekto, lenggguwahe)


MAG ARAL TAYO UPANG BAGUHIN,

UPANG BAGUHIN ANG MUNDO.


Kailangan ninyo akong dalawin dito para malaman ninyo ang tono nito. Syempre pinakamainam pa rin na kantahin natin ito kung saan hinalaw ang inspirasyon sa paglikha – sa lilim ng puno, sa abang barung-barong, sa pagawaa’t lansangan kung saan makakapiling ko muli kayong lahat balang araw. Pero sa ngayon, kailangan munang maging mariin ang ating panawagan: BILANGGONG PULITIKAL! PALAYAIN! NGAYON NA!


Ericson Acosta

Calbayog sub-provincial jail

Hulyo 2011

No comments:

Post a Comment