Wednesday, July 27, 2011

Ikapitong Sundang: Eklipse


Ikapitong Sundang: Eklipse



ni Jack Alvarez



‘…ay hinulugan na ng buwan ng sundang at ngayo'y sinisikap buksan ang sariling tiyan para isolo do'n ang kanyang si Aliw - dahil do'n lang makakatiyak ng kaligtasan ang isang bata, sa tiyan ng kanyang ina!’


-Sinipi mula sa Buwan, Buwan Hulugan Mo Ako ng Sundang ni Lualhati Bautista.


Tagu-taguan, matalim ang sundang

Tagu-taguan, mga desap di na mabilang

‘Sang selda mo gusto?’ ang bulong ng halimaw

na naka-camouflage. Kulay-alkitran ang balintataw.

Ngumisi.

At hila-hila ang nakaposas na lalaki.

Inuuod ang kanyang ngipin.

Dilang serpente. Bitbit armas na M-16.

Kinukuto.

Ang bulok na sistema ng kanilang kulto.


Sumilip sa rehas ang isang detenadong yakap ang sundang

upang masilayan ang mukha ng kanyang inang nasa buwan.

Kusang mangalaglag ang bulalakaw

At maglalaho pagdating ng halimaw.

Karimlan.

Sapagkat ikinubli niya sa dibdib ang sundang

Magsisindi ng apoy sa langit

Na maglalagablab ang init.

Susunugin.

Ang bawat pahina ng kanilang sinasaulong panalangin.


Tagu-taguan, hulugan mo ako ng sundang

Tagu-taguan, bubuksan ko ang aking tiyan

Bulag ang buwan at mga bituin

Nilamon ng halimaw ang kanilang ningning.

Eklipse.

Maghahalakhakan ang mga tikbalang at kapre

Gagapang ang duguang preso

Ibubulong ang orasyon at mga berso

Ng muling paglalayag

Sintahimik ng paglalaho ng liwanag

Sundang.

Akin na at wawasakin ko ang kanilang pinagkukutaan.



No comments:

Post a Comment