Monday, July 11, 2011

Ikapitong Sundang: Pansindi


Ikapitong Sundang: Pansindi


ni Teodoro Felixberto


Ubos na ang posporong pali-palitong nasasayang

Sa pagsisindi sa iisang kandilang natutunaw

Sa gitna ng kuwarto, parisukat at sarado

Walang pintua’t abandonado

Samantala sa labas ay mga naglalambadang kapitbahay

Kasiyaha’t kaguluhan, kalaswaa’t kabanalan

Mahangin at maalinsangan

Lalo na sa lansangang nakakurus sa riles

Napupuno ng hagibis.


Pagdaka’y may dumating. Isang matandang ubanin

May dala-dalang lamparang sa sandali’y ibinaba

Sa madamong paligid ng bahay na may kandila

Sa burol. Hinunot ang maso sa tagiliran

Buong pusong ginawan ng pintuan ang bahay

Iregular na butas na masisilipan

Ng naghihingalong lalaki ng kandila

Labis nahihirapan, lawlaw na ang mukha’t

Parang inapakan.


“Anak,” bulong ng matanda. “Sa labas mo naman

Sindihan ang iyong kandila.”


Sinindihan. Sinindihan hindi na gamit ang posporo.

Gamit niya ay papel na isinuplong niya

Sa lampara ng matanda.

Napanday ang huling sundang.

At ang apoy ay masuyong inilapat sa mitsa ng

Kandilang halos mitsa na lang.

Namatay ang lalaki. Pinarangalan siya

Sa pagbibigay liwanag sa buong karimlan

Ng la tierra pobreza.

No comments:

Post a Comment