Monday, July 4, 2011

Ikapitong Sundang: Panayam


Ikapitong Sundang: Panayam


ni Luchie Maranan


Ipinatawag ka mula sa ‘yong paglalaba

Doon sa may hangganan ng ilog at bundok

Ipinakaon ka upang humarap muli sa kamera

At isalaysay ang kwentong di alam ng madla

Para ka na ring naghuhukay ng alaala

Mula sa putikang sinimulan nang tubuan ng damo

Pagka’t ilang buwan ding hinanap ang iyong kabiyak

Na nadako lamang sa kasukalan upang mangahoy

Maghanap ng kabute para sa hapunan

Walang malay na di na nya babakasing muli

Ang daang pabalik, di na niya tatawirin ang tubig

Bitbit ang bunga ng gubat, na isasalubong

Pauwi sa ‘yo.


At humarap ka nga sa mga tagapagbatid

Habang umaandar ang bidyo at listahan ng tanong

Luha mo’y di pa rin nasasaid

Iniigib mo ang dalamhati mula sa balon ng pighati

At mayamaya lamang ay hinugot mo ang

Matalim na salita na ipinukol, itinudla

Sa mga unipormadong salarin,

Paos na ang lalamunan, ngunit nagliliyab ang katanungan

“Sino sila para pumatay ng nanahimik na mamamayan?”


Batay sa huling balita, di haharap sa panayam

Ang mga tunay na salot sa kanayunan.



Abril 2011

No comments:

Post a Comment