Friday, July 1, 2011

Ikapitong Sundang: TALIM




Ikapitong Sundang: TALIM


ni Emmanuel Halabaso Jr.


Madaling araw.

Sinisimulang pakinisin, pakintabin,

Ang talim ng paboritong instrumento

Habang nakaupo sa bangko

Sa harap ng maliit na dampa.


Oras na.

Sadyang hinihintay ang hudyat-

Ang paglitaw ng araw sa dalawang bundok

Na nagsisilbing pananggalang sa kaaway,

“Halina’t lumakad na tayo,” sabi ni Itay.


Ngayon.

Sa murang edad,

Nakasanayan na ang ganitong simula at katapusan.

Paltos sa kamay ang talim

At ang mga tula ang sundang.

Bukas, hindi na alam ang kakahantungan.


Mamaya.

Maraming nagkalat sa amin.

Marami din ang pinadadampot.

Ngunit ilan sa mga pumulot ay nasugatan

Sadyang nahasa ng husto ang mga talinghaga.

Mga salita. Ang katotohanan. Karapatan.


Gabi.

Malamig na semento ba o ang simoy ng hangin

Ang magpapaginaw sa yayat na katawan?

Duduyanin ako ng mga oyayi-

Hinagpis ng mga kasamahan, hele ng katarungan.

Pipikit na lang ako, ngunit kailanman hindi magbubulag-bulagan.



June 17, 2011

No comments:

Post a Comment