Simulan muna ang Welcome Visitors v.2.1
Pero kung nangyari noon na may seryosong nag-imbita sa akin para sumapi ako sa anumang aktibistang organisasyon, hindi ko sana siya tinanggihan. Subalit ni isa ay walang lumapit sa akin ni nagpahiwatig. Nang lumaon, tinanong ko ang ilang mga kasama kung bakit walang nagtangkang ugnayan ako sa mas maagang panahon.
May mga nagsabing nag-alangan lang marahil ang ilan sa maaaring impresyon ng kayabangang dala ng aking asta at aktitud. Ang iba naman ay nag-akalang dati na akong organisado mula sa kung saang lugar o panahon dahil madalas naman nila akong makasalubong sa mga porum at napanood pa nga nila sa “Sa Sariling Bayan,” isang dulang anti-bases ng UP Rep noong 1990. May mga nagtarget din daw na reklutahin ako pero may mahahabang patlang na hindi nila ako mahagilap. Mangyari’y sa yugto nga ring ito’y may ilang panahong nagtrabaho ako sa ABS-CBN bilang writer sa Wanted TV Patrol.
Mas tahasan ang sagot ng iba: hindi talaga pinaprayoritisa sa pagrerekrut ng mga aktibista ang kagaya kong may reputasyong maingay, ma-ere, magnanakaw ng libro sa library at bookstore, walang-hiya kung makipagharutan sa mga bakla, lulong sa alkohol at sumusuka kung saan-saan, at parang gumagamit ng drogang pampabilis at pampabagal.
Sa pagpasok ko sa kolehiyo ay mabilis akong nakaintegra sa marami at magkakaibang sirkulo. Isang sirkulo lamang ang mga ka-kursong intelektwal. Iba pa ang mga kakilalang aktibista. Isang sirkulo ang mga nakatrabaho ko sa mga dula. Iba pa ang sa mga visual artist at potograpo. May barkada ako ng mga anak-anak ng mga pulitiko na pagpupulitiko rin ang ambisyon. May barkada ako ng mga Tsino na nag-uumpisa nang magtayo ng negosyo bilang paghahanda sakaling manahin nila ang negosyo ng magulang nila. May barkada akong mga de-kurbatang opus dei at may barkada akong mga makukulay magbihis na kasapi ng komunidad ng mga gay. May basketball team ako. May banda ako. Kasama ko sa disco ang sosyal na mga coňo. Kasama ko sa pub ang mga fratman. Kainuman ko ang mga makata at mga nagtatrabaho sa NGO. Ka-jamming ko hindi lang mga gitarista, kundi pati mga driver at cameraman.
Bawat araw, pumasok man ako sa klase o hindi, hihintayin ko ang gabi at susubuking pagkasyahin ang mga susunod na oras para suyurin ang kung ilang gimik ng mga sirkulong ito na kakayanin sa loob ng magdamag o kahit hanggang ituloy pa sa susunod na umaga bago mananghalian lalu na kung tatapat sa Sabado o Linggo.
Napakarami kong enerhiya sa katawan. Sobrang enerhiya. Bunsod marahil ng napakarami’t samu’t sari ring bagay, larangan ng gawain, hilig at pagkakaabalahan na pinilit kong sunud-sunod kundi man sabay-sabay na diskubrihin, bigyang pansin at pagpursigihan. Sobrang enerhiya at kapangahasan gaya ng tipikal na kabataang rebelde, lagalag, adbenturista. Sobrang enerhiya at imahinasyon gaya ng tipikal na bohemyong artista. Sobrang enerhiya at paghahangad ng masasayang gabi na sa malao’t madali’y dudulo sa makapal na lambong ng depresyon.
Masisipa ako sa orihinal kong kolehiyo, at gayundin sa lilipatan matapos lang ang isang semestre. Magreresayn ako sa trabaho bago pa ako idispatsa. Pagsasarhan ako ng pinto ng isang propesor at tutuya-tuyain niya ang aking persona sa harap ng mga kaklase habang tulala akong nakaupo sa pasilyo dahil sa tama. Itataboy ako ng ilang sirkulo dahil mahirap na akong kausapin. Hahabulin naman ako ng iba pa dahil sa utang. Ilang beses akong ihahagis palabas ng mga inuman sa sobrang kalasingan. Dadamputin ako ng pulis dahil sa panggugulo sa dormitoryo ng nililigawan. Minsan makakaabot ako sa Laguna; minsan hanggang Baguio at walang pamasahe pauwi. Matututunan kong matulog sa perpetual adoration chapel ng mga simbahan kung walang mauwian sa madaling araw. Makikipagpaluan ako ng tubo sa isang punk concert. Susuka ako ng dugo.
Nakakapagod ang ganitong depresyon. Ang karaniwan kong pahinga ay ang pagpunta sa library pagkagising ng mga ala-una ng hapon. At dito magbabasa ako nang magbabasa. Magbabasa ako tungkol sa sound engineering. Magbabasa ako tungkol sa typography at teknolohiya ng printing press. Magbabasa ako ng mga katalogo ng archeological artifacts. Magbabasa ako ng mga direktoryo at sensus. Magbabasa ako ng malalaking art portfolio ng maestrong mga pintor at eskultor. Magbabasa ako ng mga dulang Maoista. Magbabasa ako ng mga kritisismong pangkultura at pampanitikan. Magbabasa ako ng mga prosang Sobyet. Magbabasa ako ng mga pilosopong Aleman at Pranses. Magbabasa ako ng mga dyornal sa antropolohiya. Magbabasa ako ng mga dyornal sa pulitika at relasyong internasyunal. Magbabasa ako ng mga antigong pahayagan sa microfilm. Magbabasa ako tungkol sa kasaysayan at taktikang militar. Magbabasa ako tungkol sa Marxismo.
May nakapagsabing ang pagbabasa kong ito’y hindi iba at bahagi pa rin ng aking pagti-trip. Maaari. Basta’t payapa ang pakiramdam ko sa bulwagan ng mga libro at magasin. Malay kong ipinaplasta sa matrix ng kasaysayan ang iba’t ibang tema at naratibo ng mga binabasa. Kagyat kong tangka na masapol ang kabuluhan ng mga paksain sa kani-kanilang partikular na mga konteksto at gayundin sa pangkalahatang balangkas ng pangkasaysayang proyekto ng sosyalismo.
Maaaring pagti-trip pa rin nga lamang ang intelektwal na ehersisyong ito pero malaki ang naitulong nito di lamang sa pagbibigay sa akin ng panandaliang apirmasyon na may kabuluhan pa ako sa lipunan, kundi maging sa paglalatag ng pundasyong teoretikal na aktwal kong magagamit sa hinaharap.
Ang tiyak na pagti-trip ay ang pagnanakaw ko ng isa hanggang tatlong libro kada labas ko ng library. Sa gayon, solb na ‘ika nga ang hapon ko at handa na namang muling suyurin ang gabi ng mga gimik.
Isang beses na papasok ako ng library, tinawag ng isang paskil ang aking atensyon: may eksam sa araw ding iyon para sa gustong maging manunulat Philippine Collegian. Hindi na ako nag-library at dumeretso na sa opisina ng Kule para kumuha ng eksam. Hindi ko naisulat lahat ng sanaysay na hinihiling sa eksam dahil nainip na ako sa lagpas isang oras na pagsusulat, at dahil kinailangan ko na ring umalis agad para pumunta sa isang nakaiskedyul na maagang inuman. Matapos ang isang linggo ay nagulat na lamang ako at nabasa sa Kule na ako pala ay nakapasa.
Napansin ko agad ang mataas na lebel ng efficiency ng staff ng Kule sa kabila ng krudo kundi man mala-bahay nitong opisina. Madali akong nahila sa isang parehong mature at magaslaw na kulturang intelektwal; sa kanilang animo’y pariwara subalit disiplinadong pagkamalikhain at paghuhusga sa mga bagay-bagay. Lalapat, babagay ito sa maraming aspeto ng aking espiritu o sa kinikimkim na paghahangad na ‘ika nga’y magkaroon ng “metodolohiya ang aking kahibangan.”
Bagamat magpapatuloy ang dating mga gawi sa ilan pang panahon, ang nabanggit ko nang kontekstong pulitikal sa loob ng pambansa-demokratikong kilusan ng mga taong 1994 ang magpapakita sa akin ng pangangailangang mas malalimang siyasatin ang sarili tungo sa isang pag-igpaw. Mas tuwiran ko ring makikita sa mga aktibista ang malalim, tapat at mapagpakumbabang katalinuhang hindi lamang hinuhugot sa mga libro kundi sa aktwal, programado at kolektibong praktika sa mapagpalayang kilusan.
At walang duda, ang tuwirang paglahok sa buhay at pakikibaka ng masang anakpawis sa lungsod man o sa nayon, ang nagbibigay sa akin ng lakas upang patuloy na igpawan ang pagsulpot o pag-atake ng ilan pang nalalabi sa mga dating gawi at kahinaan, gayundin upang pangibabawan ang kahirapan at mga sakripisyo na kaakibat ng pagiging isang aktibista.
Kaya tama si Nato – 1994. Pero may mali pala si Nato. Wala akong isinulat tungkol sa Eraserheads at Yano noong hindi pa sila sikat. Sina Bomen Guillermo ‘yun at si Mike Ac-ac. Isinulat ko ang E’heads noong rumururok na sila. Ang ni-rebyu kong album nila sa Manila Times ay ang Circus na siya na yatang pinakamahaba kong artikulo na nailathala para sa dyaryo – isang buong broadsheet page. Sikat na rin noon ang Yano nang gawan ko ng write-up para sa Kule ang isang mayor nilang gig sa Club Dredd na ang tema ay anibersaryo ng EDSA I. Ito rin ang pinakamaikling rebyu na naisulat ko sa buong buhay ko – isang solitaryong political punk na pangungusap.
May mali rin pala si Sarah Raymundo. Ang binabanggit niyang pinangunahan kong kantahin ng UP contingent sa makasaysayang mobilisayong anti-bases noong 1991 ay hindi “UP Naming Mahal” kundi “Bayan Ko.” May nakapagsabing ang mga patlang o ilang di-eksaktong tagpo sa alaala ay may ipinapahiwatig na kalusugan ng ating subconscious. Gusto kong maniwala rito para lamang sabihin na maging ang laylayan ng kamalayan ni Propesora Raymundo ay talagang may katalasan sa pulitika. Ang kilusang kabataang-estudyante ng UP ay hindi mahihinuha kung hindi kikilalanin bilang isang kilusang patriyotiko. Kaya’t ang “UP Naming Mahal” at “Bayan Ko” sa ganitong saysay, ay pawang iisa ang ispeling.
Mula Pebrero 13 ay maraming sumulpot na mga bagay na maaaring magkakalapit ang baybay pero sadyang may kahirapang ispelengin: San Jorge at George (ako ito sa ilang kaibigan); Bay-ang at Ang Bayan (ito raw ang ipinunta ko sa Samar sabi ng militar – totoo ito pero hindi otomatikong ang pahayagan na may ganitong pangalan); Gandara at granada (mga pasabog na kasinungalingan ng 8th ID); at marami pang iba.
Kaya’t kailangan ko ang tulong ninyo – CHRISTMASS ba talaga?
(Tapos!)
larawan ng UP Main Library mula sa internet
larawan ng martsa ni Boy Dominguez
Kumusta kayong lahat,
ReplyDeleteAng pangalan ko ay Mr, Rugare Sim. Nakatira ako sa Holland at ako ay isang masayang lalaki ngayon? at sinabi ko sa aking sarili na ang anumang tagapagpahiram na nagligtas sa akin at sa aking pamilya mula sa aming mahirap na sitwasyon, magre-refer ako sa sinumang tao na naghahanap ng utang sa kanya, binigyan niya ako ng kaligayahan at ang aking pamilya, nangangailangan ako ng utang na € 300,000.00 upang simulan ang aking buhay sa kabuuan dahil ako ay isang solong Ama na may 2 anak na nakilala ko ang matapat at ang Allah na natatakot sa nagpahiram ng tao na tumutulong sa akin sa isang pautang na € 300,000.00, siya ay isang taong natatakot sa Allah, kung nangangailangan ka ng utang at babayaran mo ang utang mangyaring makipag-ugnay sa kanya sabihin sa kanya na (Mr, Rugare Sim) mag-refer sa kanya. Makipag-ugnay kay G., Mohamed Careen sa pamamagitan ng email: (arabloanfirmserve@gmail.com)
FORM NG IMPORMASYON NG PAGLALAPAT NG APLIKASYON
Pangalan......
Gitnang pangalan.....
2) Kasarian: .........
3) Kailangan ng Halaga ng Pautang: .........
4) Tagal ng Pautang: .........
5) Bansa: .........
6) Address ng Bahay: .........
7) Numero ng Mobile: .........
8) Email address ..........
9) Buwanang Kita: .....................
10) Trabaho: ......................
11) Aling site ang ginawa mo dito tungkol sa .....................
Salamat at Pinakamahusay na Pagbati.
Email arabloanfirmserve@gmail.com