Sunday, May 1, 2011

WELCOME VISITORS v.2.2

(Ikalawa sa tatlong bahagi)

Simulan muna ang Welcome Visitors v.2.1


Sa madaling salita, tama si Nato – 1994 na ako makakabuwelo sa aktibismo. Relatibong atrasado na ito kung tutuusing 1989 pa ako pumasok ng UP. Gayunman, masasabi kong bago pa man ang ’94 – dahil sa pagkaka-expose sa milieu at diskurso ng kilusan sa napakaagang edad, sa indibidwal na pagsisikap sa teoretikal na pag-aaral, at sa impluwensiya ng ilang propesor – matagal-tagal na rin akong nakumbinsi sa pangkalahatang kawastuhan ng linya ng pambansang demokrasya.

Taong 1983 – grade four ako nito – nang magsimula ako sa halos taunang paglahok sa mga summer theater workshop ng Philippine Educational Theater Association o PETA. Sa pamamagitan ng mga kuwento, alamat at pabula, mga laro, ehersisyo at puppet show, maagang tumimo sa akin ang mga aral tungkol sa kasaysayan, ang pagiging ganid, tuso at malupit ng mga mananakop at nasa kapangyarihan, ang karapatan ng mga bata at mamamayan, at ang pangangailangan ng sama-samang pagkilos ng nakararami para makamit ang katarungan, kapayapaan at kaunlaran.

Sa mga breyk at oras ng uwian ay tumatambay ako sa mga workshop class ng mas nakatatandang mga mandudula at doon ay papanoorin ko ang kanilang rehearsal o aktwal na showcase ng maiikling dula na pumapaksa sa madudugong yugto sa kasaysayan ng Pilipinas, sa pangangamkam ng mga asendero at dayuhan sa lupa ng mga magsasaka at katutubo, sa panggigipit ng mga kapitalista sa mga manggagawa, sa Escalante Massacre, sa kilusang welga, at maging sa armadong pakikibaka.

Bahagi rin ng mga workshop ang field trip o pakikipamuhay sa maralitang mga komunidad sa Kamaynilaan at maging sa mga barangay ng mga magsasaka at mangingisda sa di kalayuang mga nayon.

Nakadalo rin ako at nakapagtanghal sa isang kumperensya at festival tungkol sa dulaang bayan kung saan nabuklod ang maraming grupong pangkultura mula sa iba’t ibang rehiyon (at maging sa ilang bansa sa Timog Silangang Asya) at dito, natunghayan ko sa unang pagkakataon ang yaman at kulay ng iba’t ibang porma ng sining ng protesta. Dito ko unang narinig ang napakaraming makabayang awit.

Masugid ko ring pinanood ang mayor na mga produksyon ng PETA na tumalakay sa iba’t ibang kagyat na usaping panlipunan. Noong 1984 ay napasama ako sa cast ng “Macbeth” na pumaksa sa krimen ng estado sa pagpaslang kay Ninoy Aquino at iba pang lumalaban sa diktadura ni Marcos.

Pagsampa ko ng hayskul ay magiging interasado naman ako na basahin ang mga aklat, monogram, magasin at iba pang publikasyon ng PETA hanggang magkaroon ng pamilyaridad at isang antas ng pagkagamay sa diskurso ng dulaang bayan at ng makabayan, pangmasa at syentipikong sining at panitikan sa pangkalahatan. Magiging aktibo ako sa mga palihan at iba pang aktibidad ng PETA hanggang 4th year highschool.

Natural sa kursong Political Science na kinuha ko sa kolehiyo na pag-aralan sa maraming sabdyek ang mga akda tugkol sa rebolusyon, sa karaniwang “obhetibo” at komparatibong paraan. Rekisitong babasahin sa maraming silabus ang ilang klasikong obrang Marxista-Leninista, mga dokumento ng CPP, baha-bahagi ng mga sulatin ni Jose Maria Sison, at higit na mas maraming akda ng mga rebisyunista at repormistang theoretician. Sa mga talakayan at debate sa klase at sa mga porum na sumentro sa diskurso ng “nagpapanibagong-siglang sosyalismo,” ang napansin ko noong kagyat kong theoretical instinct ay ang pagkwestyon at pagpapasinungaling sa engrandeng mga panukala ng mga Gorbachovista.

Isa sa nakatulong sa pagbubuo ng pag-unawa ko sa lipunan at rebolusyong Pilipino ang subject na "Philippine Political Thought" sa ilalim ni Propesor Tapales, na minsang nagpakilala na dating kasapi ng lumang PKP. May kakaibang katatasan at sidhi ang sa tingin ko’y medyo palyadong karakter ng propesor na ito subalit sadyang napakahusay ng kanyang reading list. Sa kanyang klase ko nabasa ang mga sulatin nina M.H. del Pilar, Jacinto at Mabini, Padre Burgos, Lope K. Santos, Isabelo delos Reyes, Crisanto Evangelista at Claro M. Recto. Nabasa ko na sa mas maagang mga sabdyek ang ilang bahagi ng Philippine Society and Revolution ni Amado Guerrero pero sa sadbyek lamang ni Propesor Tapales tumining sa akin ang teoretikal at pangkasaysayang kabuluhan nito. Sa klase ring ito nabasa ko ang unang edisyon ng biography ni Edgar Jopson.

Isa pang propesor na naka-ambag sa pagpapaunlad sa aking kamulatan ay si Propesor E sa klaseng "Western Political Philosophy." Nabasa ko sa klase niya ang Communist Manifesto nina Karl Marx at Frederick Engels at ang State and Revolution ni V.I. Lenin. May palagay akong ipinagpalagay noon ni Propesor E, batay sa aktibong partisipasyon ko sa kanyang klase lalu’t sa mga paksang kaugnay ng Marxismo, na organisado ako sa kung alinmang pangkat ng mga aktibista sa kampus. Kaya naman maging sa labas ng klase ay masigla siyang nakipagtalakayan sa akin tungkol sa pambansa-demokratikong kilusan. Isa sa mariin niyang inilinaw sa akin ay ang pinsalang hatid sa kilusang masa ng repormismo na dala-dala ng mga grupo na ayon sa kanya ay matagal nang nabulok sa pagsamba kay Bernstein. Hindi ko na maalala yung isa o dalawa pa pero ito yung tandang-tanda kong sabdyek na na-uno ko nang malinis. Ilang linggo matapos kong makuha ang grade ko sa kanya, laking gulat ko nang mapanood siya sa balita sa TV – nakaposas pero taas-kamao at ipinakilalang isang mataas na opisyal ng CPP.

Samantala, sa subject na "International Humanitarian Law" sa ilalim ni Propesor Reynado Ty, bukod sa pagdidiin sa parametro at mga probisyon ng pandaigdigang batas hinggil sa armadong tunggalian ay tumutok siya sa syentipiko, pangkasaysayan, at makatarungang batayan ng digmang bayan sa Pilipinas.

Ipinakilala naman sa akin ni Propesor Edel Garcellano sa sabdyek na "Expository Writing" ang Yenan Forum ni Mao Zedong (sa mga nabanggit ko sa itaas na nabasang mga publikasyon ng PETA, wala akong maalalang napasadahan man lamang na pagkilala sa teorya ni Mao Zedong sa sining at panitikan).

Ang tanong lang ay kung bakit sa kabila nito ay hindi ko tinangka na ipresenta ang sarili sa alinmang organisasyong pambansa-demokratiko upang maging kasapi? Ang pangunahing salik dito – at ito ang isa sa mga puntong nais kong bigyang diin – ay ang pagiging lubha kong masasakitin noong mga panahong iyon. May kung ilang taon ko ring ininda ang isang karamdaman na kung tawagin ay arogansyang peti-burges.

Pakiramdam ko, mas marami pa akong alam hinggil sa Marxismo kaysa sa karamihan sa mga aktibista lalu’t marami sa kanila ay mga kaklase at “tantyado” ko, sa tingin ko noon, ang kanilang aptityud sa teorya; ang iba ay sa akin pa nga nanghihiram ng mga babasahing rebolusyonaryo na noo’y may makabuluhan akong koleksyon. Nakakadalo ako noon sa mga porum at serye ng mga lektura at doo’y mahusay ko namang nailalapat ang ilang batayang pagusuri ng pambansa-demokratikong kilusan at rudimentaryong teoryang Marxista sa iba’t ibang partikular na usapin gaya ng kasaysayan, karapatang tao, kultura at masmidya.

Bigo, sa madaling salita, ang sinadya man o hinding mga pagsisikap ko sa pagpapalalim sa kaalaman sa lipunan at rebolusyong Pilipino at sa pag-iinternalisa ng sistemang Marxista na maihatid ako lagpas sa katayuan ng isang karaniwang rebolusyonaryong sampay-bakod — mabigat makapal at malapad, mangyari pa, ang tablang Narra sa ilalim ng pagkaka-kalumbaba ni Acostang “Marxista.” Ang kusa kong sinalihang organisasyon noon sa UP ay ang Amnesty International. Pulaan mang fence-sitter revolutionary o armchair Marxist, chic activist naman, sa loob-loob ko— ka-org ko yata si Sting at si Bono!


(Itutuloy...)

No comments:

Post a Comment