Saturday, April 30, 2011

WELCOME VISITORS v.2.1

(Una sa tatlong bahagi)

Tulungan n’yo ako. Kanina pa ako maya’t mayang napapatitig sa pader sa kaliwa ko at sa kung ano ang nakasulat dito. “WELCOME VISITORS MERRY CHRISTMASS AND HAPPY NEW YEAR BSL22 HAPPY ANNIVERSARY,” sabi ng pader. Bawal pumasok sa selda ang mga bisita kaya’t palaisipan kung bakit may WELCOME VISITORS. Pero hindi ito ang problema ko. Seryoso, tulungan n’yo ako – tama ba ang ispeling na CHRISTMASS?

Totoo ito. Sa likod ng taguring manunulat at editor, sa ispeling ay maikakategorya akong balago-ong. Bukod sa palagay ko’y mas mababa pa sa abereyds na aptityud sa pagbaybay, pana-panahon din akong dinadalaw, sinusumpong hanggang ngayon ng tinatawag kong lexical cognition dysfunction. Sa maniwala kayo’t sa hindi, nasa kolehiyo na ako’y marami pa ring beses na isinusulat ko ang PHILIPINES, itinatapat sa PHILIPPINES, at may kung ilang minutong pagdedesisyunan kung alin ang tama. Wala pa akong ekspertong sinangguni tungkol sa problemang ito (na maaaring isang kasong neurological), pero may hinala akong may kinalaman din ito sa aking napaka-imposibleng learning curve sa gitara at iba pang instrumento (na nito lamang ay s’ya na ngang isinapubliko nina Kasamang Renato Reyes at Propesora Sarah Raymundo). May kaugnayan din ito marahil sa aking first notes syndrome (pansinin ang pagtanggi sa paggamit ng terminong tone deafness) o ang kahirapan sa pagsapul sa unang ilang nota ng kanta. (Pero ibang istorya pa ito na ang isang highlight ay nangyari noong 1996 sa UP Theater, kung saan pinanindigan ko ang ngiwi-sa-tonong entrada sa kantang “Manindigan” sa pamamagitan ng ispontanyong pagtransporma sa unang berso bilang isang rap intro).

Kaya tulong – CHRISTMASS ba o CHRISTMAS?

Matagal kong itinago ang bagay na ito. Maging ang asawa ko ay nito lamang isang taon ito nadiskubre sa isang nakakapikong tagpo. Naglalaro kami noon ng computer game na Bookworm Adventures at gaano pa kadiin ang kagat ko sa labi para lamang makapagkonsentra, bigo pa rin ako sa paghabol sa iskor niya. Kilala n’yo ang asawa ko – sabi niya, “Hay naku, andaming alam na words, di naman pala kayang i-spell.” Masakit.

Isang beses (unang taon ko siguro ito sa UP, ikalawang semestre), ako ang pinadala ng aming klase sa History II sa isang Asian quiz na inisponsor ng UP Likas kasabay ng taunang Asian Fest. Nakaabot ako sa finals, pero lubha at tuluyan nang nadisoryenta at nadiskaril bunsod ng isang sagot ko na tama naman sana pero medyo ganito ang baybay: JAWAHARHAR NERU. “Gibberish,” narinig kong pakli ng isang seryosong hurado nang papahupa na ang ilang saglit na tawanan mula sa awdyens.

Mas mabait si Dr. Bien Lumbera kaysa sa nasabing hurado o sa asawa ko. Habang ipinipresenta ko sa isang miting ng kabubuo pa lang muli noong Concerned Artists of the Philippines ang isang borador na sanaysay tungkol sa SOCA (State of Culture and the Arts) sa panahon ni Estrada, nagtaas ng kamay si Sir Bien: “I think your prose is beautiful,” sabi niya, “but, hijo, it’s not literary fair but F-A-R-E.”

“Tsk, tsk,” sabi ko, “andami pa palang typo.”

Pero sa draft ng isang ipinasa kong theater review para sa Manila Times, paano maisasalba ng typo excuse ang ganitong pagkakasala: PRE-MADONNA?! Sa loob-loob siguro ni Eric Ramos, “Ano ‘to, the era before Madonna? Sino ‘to sina Olivia Newton-John, Laura Branigan?” Naging assistant editor ako ni tukayo sa entertainment section ng nasabing dyaryo bandang 1994.

Ilang buwan lang ang itinagal ko rito; hindi dahil sa problema sa ispeling (lagi namang nariyan ang diksyunaryo, hindi ko na maalala kung may spellchecker na noon ang gamit naming Mac) kundi dahil nahirapan na ako sa regular na pagpasok sa opisina at sa pagsumite ng trabaho. Hindi ko na, halimbawa, naisulat ang interbyu sa noo’y isang nagbabalik na ‘80s matinee balladeer – sige na nga, si Louie Heredia – bagay na ikinasama siguro ng loob ng kanyang manager, na nagregalo pa man sa akin ng isang malaking botelya ng medyo may kamahalang pabango. Ginamit ko ang pabangong ito sa pagdalo sa kauna-unahang NU Rock Awards, na hindi ko na rin kinayang gawan pa ng artikulo.

Mangyari’y unti-unti na akong hinatak ng ibang pagkakaabalahan. Mangyari’y sa isang antas ay kasado na sa mga panahong ito ang kilusang pagwawasto sa hanay ng kilusang kabataan-estudyante, sa anyo pangunahin ng seryosong pakikibakang teoretikal at ng programadong paglubog sa batayang masa sa kalunsuran at kanayunan.

Nangagpapanibagong-sigla ang militante at lapat-sa-lupang kilusang pag-aaral – mga talakayan sa mga dokumento ng rektipikasyon, mga pag-aaral o mas malalimang pagbabalik-aral sa saligang mga babasahing pambansa-demokratiko gayundin sa ilang klasikong akdang Marxista, mga diskusyon sa panimulang mga konklusyon nga paglalagom ng kilusang kabataan-estudyante, at ilang sulatin o sagutang polemikal.

Muling nagkaroon ng matining at buhay na kakagyatan ang islogang “paglingkuran ang sambayanan.” Pulu-pulutong na nagtungo ang kabataang-estudyante sa mga piketlayn upang makipag-aralan sa mga manggagawa, makiisa sa pakikibaka ng militanteng kilusang paggawa para sa sahod at karapatan, at makipag-bakuran laban sa repormista at rebisyunistang panlilinlang at pananabotahe. Mistulang agos na ‘di masagkaan ang muling pagpakat ng mga intelektwal mula sa pamantasan patungo sa iba’t ibang nayon, upang maging saksi hanggang sa tuluyang maging kalahok sa rebolusyong agraryong inilulunsad ng mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid.

Natunton muli ng kilusang propaganda at pangkultura sa paaralan ang wasto nitong pananaw, paninindigan at kaparaanan. Naitungtong muli gayundin sa kongkreto nitong kabuluhan ang mga gawain sa makabayan, makamasa at syentipikong sining at panitikan.

Ang ating Alay Sining, walang duda, ay inianak sa gitna ng ‘di-birong tunggaliang ideolohikal, ng mapangahas at mapanlikhang pagtugon sa pangangailangang konsolidahin at ibayong palawakin ang pambansa-demokratikong mga pwersa sa hanay ng kabataan-estudyante, at ng marubdob na hangaring pagsilbihin ang sining at panitikan sa buhay at pakikibaka ng masa ng sambayanan.

Samantala, ang mapagpasyang pagtindig ng Philippine Collegian ng taong 1994-1995 sa panig ng nagwawasto at muling nagbabangong militante at makabayang kilusang masa ay masasabi na natin ngayong makasaysayan – sa lahat ng naging termino ng nasabing pahayagan sa buong panahon ng kilusang pagwawasto, tanging ang Kule ng ’94-’95 ang sa kalakha’y naging mulat at konsistent sa pagguhit sa linya ng makamasa at patriyotikong kilusan.

(Itutuloy…)



larawan ni Lumbera mula sa NCCA

larawan ukol sa rebolusyonaryong kultura ng mga magsasaka, dibuho ni Boy Dominguez

4 comments:

  1. krismas ang tamang ispeling ata pare hehe

    ReplyDelete
  2. xmas yata ang mas tama

    ReplyDelete
  3. Eric bitin :) love you pinsan
    -Ting

    ReplyDelete
  4. ngayon ko lang nabasa to - classic ka talaga ericson! syempre ang tumatak sa kin yung "pre-madonna." nasan na ba si eric ramos ngayon?

    ReplyDelete