Thursday, July 12, 2012

Sulat kay Ricky Lee


Ang batikang manunulat na si Ricky Lee (dulong kanan) kasama ang mga kapwa ex-detainee noong panahon ng Martial Law na sina National Artist Bienvenido Lumbera at Propesor Judy Taguiwalo sa SERVE THE PEOPLE Lugawan para sa Kalayaan ng ALL-UP Academic Employees Union, SELDA at Free Ericson Acosta Campaign. (Larawan mula sa University of the Philippines information office)






Hunyo 24, 2012



Ka Ricky,

Nakaabot po sa akin na nito raw Mayo ay isa kayo sa mga “nag-serve the people” sa fund-raising lugawan at poldet activity ng FEAC (Free Ericson Acosta Campaign) at SELDA. Mabuhay kayo sa patuloy ninyong pakikiisa at paglahok sa ganitong mga pagkilos para sa kalayaan ng mga bilanggong pulitikal. Marami pong salamat.


Nitong June 9 ay dinalaw ako ng mga taga-ALL UP Workers Union mula pa sa Diliman. Ang ilan sa kanila ay nakasama ko noong ‘90s sa maraming kampanyang multi-sektoral sa loob at labas ng pamantasan. Sa ilang pagkakataon ay nakatulong din ako sa kanila sa pag-oorganisa sa komunidad at sa mga gawain sa kanila ngang unyon na sa mga panahong ‘yon ay hindi pa kinikilala bilang lehitimong unyon ng mga manggagawa at empleyadong non-academic sa UP Diliman. Malayo na nga ang narating mula noon ng militanteng pagsusulong sa demokratikong mga karapatan at interes ng kanilang sektor. Ang mga kwento tungkol dito – gaya ng matagumpay na pagtatayo ng parehong tipo ng mga organisasyon ng manggagawa sa iba pang mga UP unit o campus -- ang ilan sa mahahalaga nilang pasalubong sa akin. Sila rin pala ang naghatid ng ipinabibigay ninyo sa akin na ipod shuffle. Marami pong salamat.

Nagustuhan ko ang seleksyon na inilagay ninyo sa ipod. Pinag-aaralan ko ngayon ang padron ng melody at areglo sa mga kanta ni Damien Rice. Bago lang din na naintrodyus sa akin ang musika ni Rice sa pamamagitan ng “Unplayed Piano” na isinulat niya para sa nakakulong pa noon na si Aung San Suu Kyi. Dala-dala ni Renato Reyes, Jr. ang kantang ito nang dumalaw siya sa akin noong Disyembre, pero bigo rin siya na ipakanta sa akin ito nang matino kaya hindi na napasama sa huli naming “prison session.”



Ngayon ko lang narinig ang bersyon ni Marcus Simeone ng “A Change is Gonna Come.” Gaya ng bersyon ni Sam Cooke o ni Terence Trent D’Arby nakakapangilabot sa husay ng piyesang ito. May pinapaalala rin ito sa akin. Nung huli ko kasi itong kinanta, hataw lang talaga sa palyado kong falsetto. Wala naman ding problema. Wala namang nakarinig, sa tingin ko, ni isa sa mga kasamahan kong taga-baryo dahil sa lakas ng buhos ng tubig sa talon sa harap namin. Pagapang naming inaakyat noon ang isang pader ng medyo madulas na bato na mga apat hanggang limang palapag ang taas. 

Bago nito, sa baba, sa ilog na siyang buhay ng baryo, kakakaway ko pa lang para magpaalam sa tatlong paslit na mga anim hanggang pitong taon ang mga edad. Nakasakay sila sa isang makitid na bangkang walang katig. Sila-sila lang ang nagsasagwan pasalungat sa agos na dahil kauulan pa lang ay mas malakas kaysa normal. Pauwi sila galing sa pag-iigib at halos lumubog na ang bangka sa dami ng kargada nilang galunan ng tubig. Bahagya akong kinabahan. Pero alam nila ang kanilang ginagawa. Wala lang, pero may mga sandali talagang dumarating gaya nito, na sa tining ng isang pakiramdam ay bigla kang kakantiin ng kanta. Mamamangha ka na lang nang tuluyan sakaling tumugma kahit na papano sa anumang kagyat na tema ang ilan sa mga linya: “I was born by the river / in a little tent / and just like the river / I’ve been running ever since…”

Pagkalagpas sa talon, pagkatapos ng unang ahunan, sa utak ko na lang ibinirit ang klasikong blues na ito. Wala pang isang oras, sa kabila ng bundok, palusong na sana sa isa pang bahagi ng ilog, hinarang ako at inaresto ng mga sundalo. Mula noon, sa bisa ng malupit at institusyunalisadong kapraningan ng estado, isang taon at apat na buwan na akong nakakulong. Mas mahaba pa rito ang itinatakbo ng kalbaryo ng iba pa o karamihan sa 350 mahigit na bilanggong pulitikal sa bansa. Pero sabi nga ni Simeone o ni Cooke o ni D’Arby (pati na rin yata si Seal), “It’s been a long, long time comin’ / but I know a change is gonna come…”

Mahusay din siyempre ang mga tula na isinama ninyo sa playlist. Matapos ang mahigit siguro isang dekada ay ngayon ko lang ulit narinig ang mga tula sa Il Postino. Hanggang ngayon sa palagay ko ay di ko kayang tapata ang kahit kalahati ng kasiningan sa simple, tapat at hubad na pagbabasa at pagdaranas ng mga aktor sa koleksyong ito sa mga obra ni Neruda na tatak na nga ang isang masidhi at msalimuot na kagandahan. Paborito ko rito ang “Walking Around” dahil kay Samuel Jackson. Ipinapaalala naman sa akin ng “Poetry” (teka nasa Il Postino pa ba ito?) ang masinop at magarang salin nito sa Pilipino ng kaibigang makata na si Richard Gappi; sasabihan ko po siya na padalhan kayo ng kopya. Ang mga recording naman ng mga tula ni Rilke at Sylvia Plath ay ngayon ko lang naengkwentro – interesante yung pagbasa mismo ni Plath sa kanyang mga gawa. Yun namang “Do not go gentle…” ni Dylan Thomas, alam ko ay may audio file ako nun sa laptop na ninakaw sa akin ng mga upisyal sa intelligence ng AFP.



NGAYON PONG JULY bago ang SONA ni Aquino, nakatakda na namang mag-hunger strike (HS) ang mga poldet sa buong bansa. Ilang beses na ngang naglunsad ng ganitong koordinadong HS mula pa noong December 2010 para ipaalala kay Aquino ang pangako niya na bibigyan ng pansin ang usapin ng mga poldet bilang bahagi ng ipinangangalandakan niyang komitment sa paniningil sa mga krimen ng sinundang administrasyon at gayundin para sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan. Pero wala pa ring ginagawa ang gobyerno kaugnay ng mga poldet maliban sa tuwirang pagsisinungaling na wala naman daw poldet sa bansa habang sa aktwal ay patuloy pa nitong dinaragdagan ang kanilang bilang – sa 356 na poldet, mahigit 90 na ang ikinulong sa panahon ni Aquino.


Yung dati halimbawang 5 poldet sa Catbalogan noong nakaraang taon ay 11 na ngayon. Nakapanggagalaiti rin na si Jaime Soledad, isang NDFP consulatant na nakalaya na noong Agosto ay muli na namang inaresto at nahaharap ngayon sa panibagong gawa-gawang mga kasong kriminal habang nakakulong sa Ormoc City. Samantala, nauna na sa kanyang HS si Ramon Patriarca na isang ring NDF consultant, ipinuprotesta niya ang iligal na paghugot sa kanya ng military sa isang sibilyang detention facility para ilagak sa isang military stockade sa kampo ng AFP Central Command sa Cebu. Ang isa pang NDF consultant na si Tirso “Ka Bart” Alcantara ay nasa loob naman ng Fort Bonifacio kung saan patuloy pa rin siyang ginigipit, tinotortyur at ayon pa sa ilang ulat, nilalason.

Naku, napahaba yata ang propaganda ko sa inyo (haha), gayong alam ko naman pong updated kayo sa mga ito at isa nga kayo sa mga personaheng nagdadala sa ganitong mga isyu. Nasa napakahusay kayong katayuan, walang duda, na magsilbing tagapagsalita para sa karapatang tao at katarungang panlipunan, laluna sa sektor ng sining, kultura at media, hindi lamang bilang isa sa kinikilalang pangunahing manunulat sa bansa kundi bilang isa ring dating bilanggong pulitikal. Ang gusto ko na lang pong sabihin, sa panahon ng HS sa July, malamang na ang tangi kong lalantakan at papapakin ay ang padala ninyong mga babasahin – nakarating na sa akin ang ilang paunang piraso mula nga raw po sa isang buong kahon ng mga libro at magasin na donasyon ninyo. Marami pong salamat.

Kalakip po nito ang ilang medyo bagong tula: ang USOK ay isang kanta na makalipas ang maraming buwan ay di ko pa rin matapus-tapos. Pero kaya nitong makatayo bilang tula. Yung ASTIG naman ay tula na talagang naging kanta na rin – coda yung 3rd stanza at yung chorus ay simple lang: Astig (6x). Ipaabot na lang ninyo ang inyong kritisismo kung mayroon man. Marami pong salamat!



Para sa kalayaan,

Ericson
Calbayog City
Sub-provincial jail





No comments:

Post a Comment