Monday, May 28, 2012

tulang isinulat ni Ericson Acosta sa Calbayog Sub-Provincial Jail ilang araw bago ang kanyang ika-40 kaarawan, Mayo 27, 2012



I.
Kung nais ko ngayong
Kayo’y paiyakin
Agad kong babanggiting
May mga araw pa rin
Na ako’y nagigising
Nang maling-mali –

Limang kisap ng mata at kalahati
Kutob lamang ay dalamhati
Pagkat lahat ng iba pa
Ay sadyang lingid pa
Sa aking pakiwari:

Kung anong lunan ito eksakto
Ako ay bobo’t talunan;
Kung aling kwarto, kung ilang kanto
Bulag ako at bulaan.

Nakabitay ang bombilya
Sa kisameng kabelya
Ngunit di ako tiyak
Kung ito ba ay galak
O nag-aagaw-buhay;
O kung ang mga tanong ko’y tuwid pa
O tuwad na ang saysay:

Gaano kakapal ang agiw
At ang balat ng gagamba?
Sa kasilyas ng ipis
Gaano lamang ba kanipis
Ang hiyas ng silahis?

Nangagsalabid ang mga anino
At hindi ko masino
Ang mga mukha at lawas na katabi,
Hindi mapiho na s’ya nga pala kagabi

Ako ay natulog
Hindi sa liwasan
Hindi sa yakap ng irog
Hindi sa looban
Hindi sa ligid ng ilog
Hindi sa duyan at pandong ng anahaw
Hindi sa pusod ng Hurao o Banahaw.

Anupa’t sa dulo ng alimpungat
Sa bungad ng ulirat
Doon na lamang tatambad
Ang kwarto por otso metrong sukat
Ng kongkreto, bakal at kawad
Ng katotohanang ito –
Natulog ako
Sa sakal
Ng pasismo.

Kung nais ko kayong maiyak
Ikukuwento ko ang aking anak
At ang bigo naming pagkikita ngayong buwan
Pero saka na lamang
Mangyari’y ayaw n’yang
Sya’y pinag-uusapan.

II.
Kung nais ko namang kayo'y patawanin
Si Moises malamang ay tumulong sa akin

Gaya nung tanghali na medyo kulimlim
Mainit pa ang isyu ng US submarine

Iisa ang tingin nilang kosang tatuin
Si Pnoy sa dayo'y mainam na tutain

Ang kosang si Moises di nakapagpigil
Pumadyak at gumiling, balikat na may gigil:

Noynoy is a doggy,
Noynoy, noynoy is a doggy

Noynoy is a doggy,
Noynoy, noynoy is a doggy

III.
Kung nais ko kayong magalit
Isusumbong ko sa inyo si Mabalasik
Noong Marso nang nagmamartsa na’t rumelyebo rito
Ang kanyang iskwad ng mersenaryo
Sinilip niya sa selda sa unang pagkakataon
Ang kanyang kalaboso.
Ganito ang drama ng tarantado:

Ikaw ba si Acosta?
Red Lolong pala, ha…
Ulol! Patpating mokong.
Wala akong pangalan, gago, hahaha.
Bakit mamamatay ka ba kung di mo malaman
Kung 87IB kami o 34th o 14th?
Daldal mo rin ano…
Bobo, hindi Mabalasik ang pangalan ko;
Bansag yan ng yunit
Kaya nasa t-shirt, tanga.

Wala ka nang babalikan, Acosta.
Huwag ka nang umasa pa.
Wala na ang mga poste n’yo sa San Jose.
Anong di mo alam yun?
Alam na alam mo yun.
Binomba na namin at tinunaw
Ang mga base n’yo sa Matuguinao.
Ano ka ngayon? Daan-daan ang patay.
Naiintindihan mo? Daan-daan! Patay!
May alam pa kayong strategic stalemate na kagaguhan.

Hindi ako laseng, bakla.
Inggit ka lang dahil di ka maka-inom.
Aba putangina mo
Pati yun pakikialaman mo.
Nagbabayad naman kami, baket?
Tangina ka, inggit ka lang
Di ka na nakakakantot.
Salsal! Salsal! Hahaha!
Pero sabihin mo lang
Pwede ka naming ikuha,
Baka ilibre pa kita, hahaha.

Kulit mo, di pa ko laseng, eng-eng.
Kawawa talaga kayo
Si Joma inom nang inom sa abroad
Kayo nakakulong.
Huwag mo ‘kong ini-ingles-ingles,
Pak yu ka! Pak yu ka forever!
Pinag-aral ka sa UP ng gobyerno
Ngayon lalaban-labanan mo
Wala kang utang na loob.
Umayos ka, hayop ka
Hindi ko makakain
‘yang human-human rights mo d’yan.
Huwag kang pasaway, Acosta,
Alam mo yung aksidente?
Sige gusto mo aksidente, kolera ka?
Masuwerte ka hindi Scout Ranger ang kaharap mo
Kundi kanina ka pa naaksidente
Demonyo kang kalambre kang bayot kang
NPA kang salot sa impyerno kang Komunista.

IV.
Kung nais ko kayong
Bumilib lahat sa akin
Sa numero marahil
Mainam na bumaling

1.Zero: Bilang ng kaselda
Na kaya akong talunin
Sa dama
(mag-iiba ang pigura
Kung kasado ang pusta).

2. Fifteen: Bilang ng lamang ko sa taon
Sa average na edad
Ng kosang nagba-basketball.

3. Six: Average na score ko
Sa isang ten-point
Three-on-three
Basketball game
(pumapalo ito sa tatlong puntos
Kung kakampi si Pasimos
O tirik ang araw at walang ulap).

4. Five: Bilang ng coed (male: 2)
Mula Christ the King College
Na nag-field trip dito kamakailan
Na hindi naniniwala
Na malapit na akong magkwarenta
(pwede raw na twenty-nine
O nineteen pa nga kung naka-smile).

5. Three: Bilang ng Christ the King coed (male: 1)
Na nagsabing parang na-rebond
Ang buhok kong lagpas na sa balikat
(seventy-five: porsyento ng mga dalaw
Na kaanak at kaibigan
Na nangungulit sa aking
Ipagupit na ang long hair kong kutuhin
[huwag na sana itong makarating
Sa mga taga-Christ the King]).

Hindi magkakasya rito
Kung itatalang lahat
Ang kembot ko’t kapal-yabang.
Hayaan na lamang ninyo ako
Na ilagay dito sa dulo
Ang isang tunay na idolo
Ng mga may katigasan ang mukha

Zero: Bilang ng pagkurap
O pagkislot man lamang
Ng mapungay na mata
Ni Edwin Lacierda
Nang minsang ihayag niya
Ang kagaguhang upisyal
Na zero ang bilang
Ng bilanggong pulitikal.

V.
Pero ang talagang nais ko
Ay magpalakpakan kayo.
Ganyan po. ‘Yung malakas.
Ganyan nga, mas malakas
Sige na, hiyawan
Sige pa, indakan.
Ganyan lang ba ang palakpak?
Wala bang halakhak?
Eh sipol? Padyak?
Talon! Talon!

Salamat, praktis ‘yan
Tandaan n’yo
Para sa araw ng paglaya ko
At ng lahat ng bilanggong makabayan.

At huwag n'yong kakalimutan
Ang ginawa ninyong ‘yan
Milyong ulit kumpara d’yan
Ang sigabo at rubdob
Ang kwitis at pasabog
Sa oras na malubos
Ang pambansang kalayaan.
Magwawagi tayo sa digma, tiyak ‘yon.

Isa na lang, subukan natin.
Paano natin ipagdiriwang
Ang tagumpay ng rebolusyon?

No comments:

Post a Comment