Monday, February 20, 2012

Gabi ng Taglagas


Sa tapat ng tarangkahan, nakatayo ang de-ripleng bantay
Sa ibabaw, bulagsak ang mga ulap palayo, ang buwan ay tangay.
Ang mga surot ay namumutakti gaya ng nagmamaniobrang mga tangke,
Humahanay sa mga iskwadron ang mga lamok at tila tora-torang umaatake.
Sanlibong milya ang nilalakbay ng aking puso patungo sa lupang tinubuan,
Nakasalabid sa kalungkutan ang aking parangap kagaya ng kumpol ng sanlibong himulmol.

Walang kasalanan, ako ngayon ay nakatagal ng isang buong taon sa bilangguan
Gamit ang luha bilang tinta, ginagawa kong tula ang mga laman ng aking isipan.

—Ho Chi Minh


February 13, 2012

Kahapon, nadulas sa pagbulalas ang isa sa aking mga dalaw: “Happy first anniversary mo rito.” Wala naman sa akin ‘yon, pero agad-agad din, bago pa man ako mangiti o makatawa, napagtanto niya marahil ang maaaring pagkawala-sa-lugar ng magiliw sana nilang pakli. Niyakap niya ako at ganito ang kanyang bawi: “Hindi, happy valentine’s day na lang pala, pinsan.” Maski ito, tiyak ako ay naging sanhi pa rin ng pagkatuyo ng kanyang lalamunan – paano nga ba magiging happy ang valentine’s sa loob ng kulungan?

Kakatwa pero may pagkakataon na nakadarama ako ng pagkaawa sa aking mga dalaw sa labis nilang pag-iwas na maawa sa akin. Gaano man ang kanilang galak na ako ay makita, huli ko ang kanilang pagkabalisa, halata ang pagpipilit at pag-iingat na hindi makakanti ng emosyon, sa akin man o sa kanila. Maging ang napakasimple’t inaasahang “Kumusta ka na?” maraming beses ay tila alumpihit sila sa pagbigkas – may ilang natitigilan na lang pagkatapos na parang ayaw marinig ang aking sagot; ang iba ay mabilis na kakambiyo: “Ano ba namang tanong ‘yon? Paano ka nga bang magiging OK sa kulungan?”

Gusto kong sabihin na sa loob ng isang taon, sa gitna ng napakatunay at napakatinding hindi OK na kalagayan, ay OK ako. Sa harap ng pagdurusa, walang ibang nararapat kundi ang magpakatatag at pagtindig sa patuloy na paglaban. Bihag man ng dahas at kawalang-katarungan ng estado, ako ay di lugmok, lupig at bigo. Hindi ko iniinda ang awa ng mga kaanak, kaibigan at kasama. Natural na bahagi lamang ito, gaya ng lungkot, galit o maging pangamba, ng pagmalas at pagdaranas sa isang kongkretong kaso ng inhustisya. Di ko ito inda laluna dahil alam kong mas nananaig sa bawat isa ang palabang diwa at ang pagnanais na makapagbahagi at makibahagi sa pag-asa ng paglaya.

February 14, 2012

Ang pinakamaaga kong alaala ng valentine’s day ay ang pagtatanghal ng aming grade six batch ng isang dulang pang-valentine. Kakaiba ang dula dahil hindi ito istorya ng pag-iibigan kundi ng mismong buhay ng dalawang historical valentine character – ang dalawang Saint Valentine na parehong naging martir sa panahon ng early Christianity. Ako ang nagsulat ng dula at ito rin sa pagkakaalala ko ang pinakaunang dulang naisulat ko.

Ang pinakahuling alaala ko ng valentine’s day ay ang ikalawang araw ko sa kamay ng mga pasistang humuli sa akin noong isang taon. Sa gitna ng tuluy-tuloy, walang tulog na interogasyon at tortyur, pumasok sa kubol ang isang sundalong upisyal bandang tanghali at binati ako ng Valentine’s Day. Hindi ako kumibo. Nanghihinayang daw siya, sabi ng upisyal, dahil kung nakipag-cooperate lang ako ay nakasama ko sana ang aking mga mahal-sa-buhay sa araw na iyon ng mga puso. Pagsapit ng alas-onse o alas-dose ng gabi, may bumati uli ng Happy Valentine, sabay ulat sa akin na sa kampo na rin ng militar nagdiriwang ng valentine’s day ang NDFP consultant na si Alan Jazmines na nahuli raw nila noong araw ding iyon.

No comments:

Post a Comment