Kaisa rin ng mahigit 300 bilanggong pulitikal sa bansa ang mahigit 20 pang detenido pulitikal na narito, o mula rito sa Silangang Kabisayaan, kagaya ng mga NDF peace consultant na sina Eduardo Sarmiento na nasa Crame, at Jaime Soledad na nasa Leyte Provincial Jail; lider-pesante na si Dario Tomada na nasa Manila City Jail, sina Paterno Opo, at Felicidad Caparal; ang mga magsasaka na tinaguriang “Catbalogan 5”; at iba pa.
Noong 1994, bilang aktibista at editor ng Philippine Collegian, ay nakiisa ako sampu ng iba pang kabataang aktibista sa isinagawang hunger strike ng mga detenido sa pangunguna noon ni Donato Continente, na bago nabilanggo ay isa ring aktibista at myembro ng istap ng Collegian. Hindi ko akalain na gagawin ko muli ito ngayon habang ako na mismo ang nasa likod ng mga rehas.
Iba siyempre ang fasting sa labas, kaysa sa aktwal na fasting dito sa loob. Ang magtiis na hindi kumain nang mahusay ay laging mabigat na pasanin, halimbawa na lang para sa milyon-milyong mamamayan na araw-araw ay nagugutom nang dahil sa kahirapan. Pero sa tingin ko’y may kakaibang bigat ito para sa isang bilanggo, na sa araw-araw ay nagsisikap na panatilihing buo ang kanyang diwa. Ang pagkakait ng sustansya sa katawan ay mapanganib para sa maselang utak na dumaan na sa pagpapahirap, at anumang oras ay maaaring bawian ng bait. Ngunit matatag natin itong sinusuong dala ng ating paninindigang pampulitika, at mariing pakikiisa sa makatwirang panawagan para sa general, unconditional at omnibus amnesty para sa lahat ng bilanggong pulitikal sa bansa.
Hinahamon ngayon si Noynoy Aquino na gawing kongkreto ang kanyang “daang matuwid” – habang ipinapaalala sa kanya na ang kanyang mga magulang ay dinakila hindi lang dahil sa konting bato at konting semento, kundi dahil nagtangka silang maghawan at tumunton sa isang makatarungang landas sa loob ng kanilang tanang buhay. Ang kanyang ama mismo, si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr, ay namartir bilang isang bilanggong pulitikal at distyero, na minsan ay nagsagawa rin ng katulad na pag-aayuno upang bigyang-diin ang inhustisya sa ilalim ng diktadura. Nang maluklok sa kapangyarihan sa basbas ng sambayanang uhaw sa katarungan, isa naman sa mga unang hakbang ng dating Pangulong Corazon Aquino ang pagpapalaya sa daan-daang bilanggong pulitikal na nakaranas ng matinding panunupil at inhustisya sa panahon ng diktadura.
Isang positibong hakbang na nagawa ni Aquino ay ang pag-uurong sa asunto at pagpapalaya sa mga manggagawang pangkalusugan na tinaguriang “Morong 43” noong Disyembre, bagamat hanggang sa kasalukuyan ay may ilan pang nakabilanggo na kabilang sa naturang grupo ng detenido.
Bukod sa kanila, napipiit pa rin dito sa Samar ang mga magsasakang tinaguriang “Catbalogan 5;” sa Batangas, mayroong “Taysan 3” at “Talisay 3” kung saan kabilang ang mga kabataang gaya ni Maricon Montajes na mula rin sa UP. Kung kaya sa buong kapuluan, kung hindi ako nagkakamali, ay nananatiling nakapiit ang “Pilipinas 345” – at dito ako kabilang.
Kailangang tuluy-tuloy na igiit at ipaglaban ang pangkabuuan, pangkalahatan, at walang kondisyong pagpapalaya sa bawat isa sa mahigit 300 bilanggong pulitikal na ito. Dapat itong seryosohin ng kasalukuyang rehimen bilang rekisito sa pag-usad ng mga usapang pangkapayaan sa pagitan ng gobyerno at ng NDF gayundin sa MILF, na inaasahang maglalatag ng mga batayan para sa pag-iral ng tunay na katarungang panlipunan at ng isang makatwiran at pangmatagalang kapayapaan sa ating bayan.
Pagkat kung pakaiisipan, gaya na nga ng minsang nabanggit ni Donato Continente, ang buong lipunan ay nagsisilbing bilangguan ng mamamayang patuloy na naghahangad ng tunay na kalayaan at demokrasya. Kaya bukod sa ating panawagang palayain ang 345 bilanggong pulitikal sa buong bansa, nananatili nating tungkulin ang pagpapalaya sa 99% ng mamamayan mula sa panunupil at kahirapang ating kinasasadlakan habang nananatiling mala-kolonyal at mala-pyudal ang lipunang Pilipino.
Pahabol!
Kinukuha ko na rin ang pagkakataong ito para magpasalamat sa mga kasamang bumubuo sa Artist’s Arrest at Guerilla Productions para sa aktibidad na isasagawa sa Martes, Hulyo 26 bilang suporta sa kampanya para sa aking pagpapalaya.
Bilang kapwa-artista at manggagawang pangkultura, saludo ako sa sigasig na ipinamamalas ng mga kasama sa Artist’s Arrest na nagsimula sa panahon ni Arroyo. Sa pangunguna ng mga kaibigang artista, institusyon at organisasyong pangkultura mula sa Timog Katagalugan, ay epektibo itong naka-ugnay, nakapagpakilos at nakalikha ng iba’t ibang pangkulturang proyekto at aktibidad. Nakita ko mismo kung paano komprehensibong tinatanganan ng mga kasama sa rehiyon ang gawaing pangkultura, laluna nang minsang makasalamuha ko sila noon sa isang palihan bilang tagapagsalita.
Isa sa mga aktibong bahagi ng Artist’s Arrest, ang grupong Southern Tagalog Exposure, ay higit natin ngayong kilala sa pagbe-breyktru at pagmamaksimisa sa midyum na awdyo-biswal sa paraang aktibista. Ang kanilang serye ng maiikling pelikula na pinamagatang Rights, sa partikular, ay proyektong katangi-tangi pagkat nakapagpakilos ito ng makabuluhang bilang ng mga tanyag at kabataang filmmaker, habang epektibo nitong napukaw ang mas marami sa pamamagitan ng matapang na pagsasalarawan sa malawakang paglabag sa karapatang pantao sa bansa sa panahon ng Oplan Bantay Laya I at II ni Arroyo.
Ngayon hinaharap natin ang Oplan Bayanihan ni Aquino. Binibiktima pa rin nito ang karaniwang mamamayan pagkat patuloy itong nakatuntong sa di-makatarungang batayan. Pero sa inyo na nakagagagap sa tunay na pakahulugan ng “bayanihan,” maraming salamat. Maraming salamat sa mga banda at artistang sasalang sa Martes. Marahil kahit ilan sa kanila ay hindi ko pa personal na nakikilala, alam kong kayo ay kaisa ng lahat sa paghahangad ng isang lipunang tunay na malaya.
PADAYON!
Ericson Acosta
Bilanggong Pulitikal, Hulyo 22, 2011
No comments:
Post a Comment