[Nota: Ang sumusunod ay bahagi ng serye ng mga salin at repleksyon ni Ericson sa mga tula ng rebolusyonaryong Byetnames na si Ho Chi Minh, mula sa kanyang tanyag na Prison Diary.
Ang una sa seryeng ito ay ang “Gabi ng Taglagas.”]
Isang kalan para sa bawat bilanggo
At mga palayok na sari-sari ang laki
Para sa paggawa ng tsaa, paglalaga ng gulay at pagsasaing
Maghapon ang buong paligid ay balot sa usok.
– Salin mula sa “PRISON LIFE” ni Ho Chi Minh
Gaya ng inilalarawan ni Ho, KKL dito sa CSPJ*. Kanya-kanyang luto ang
mga preso (o pwede ring grupo ng mga preso) sa bawat selda. May
tinatawag na kitchen room pero ang pagkain lang ng mga gwardiya at ilang
piling trustee ang niluluto dito; o di kaya ay mga packed meal na
dinadala sa kung saan man sa labas ng jail sa tuwing may raket sa
catering ang ilang empleyado. Walang mess hall.
Sa unang tingin ay hindi problema sa mga inmate ang kawalan ng
sentralisadong feeding system. Ang opinyon ng marami ay mainam na ngang
KKL para ikaw na ang bahala kung anong oras mo gustong magluto, at kung
paano mo lulutuin ang araw-araw na inirarasyong bigas at sariwang
isda; o ang dinadalang gulay at isda ng mga dalaw; o ang binibili sa
tindahan dito gaya ng itlog, noodles at tuyo. Sa ganito, sabi nila,
maiiwasan ang hindi kaaya-aya, tinipid at bara-barang luto na karaniwan
daw na nangyayari kung isahan at bultuhan.
Sa kabilang banda naman, ang karaniwang inaalala ng mga kosa
sa ganito ay ang panggatong. De-uling ang tipo ng kalan na meron ang
mga inmate (1-2 sa kada selda) pero dahil mahal ang uling ay kahoy ang
mas ginagamit. Kung ubos na ang kahoy na dala ng dalaw mo ay kailangan
mong dumiskarte para magpabili sa labas, kung meron kang pambili. Ang
ilan ay may rice cooker pero pang-saing nga lang. Kung gagamitin sa iba
pang pagluluto gaya ng pagpiprito ay mabilis namang nasisira kaya
kakailanganin pa rin gumamit ng de-uling/ de-kahoy na kalan para hindi
ito maabuso o magasgas.
Bukod sa panggatong, lumalabas na bagamat ayos lang ang bigas, ang
rasyong isda ay hindi sapat sa tatlong beses na pangkain sa bawat araw.
Kaya kailangan mo pa rin umasa sa mga padala ng mga dalaw o bumili sa
tindahan na presyong-laya ang umiiral.
Kung sa kalakhan ay hindi paborable sa mga kosa ang sentralisadong
sistema ng pagluluto, kakailanganing magawan pa rin ng paraan na maging
sapat ang kantidad ng niluluto. Kailangan ng dagdag na rasyon ng
uulamin. Kailangain din na maging presyong-bilanggo ang bentahan sa
tindahan. Maaari ngang patakbuhin sa tindahan sa batayang kooperatiba na
hindi lang magpapababa sa presyo ng mga bilihin kundi siya na ring
pagmumulan ng solusyon para sa mura at regular na suplay ng panggatong.
Gaya ng inilalarawan ni Ho, nababalot din sa usok ang buu-buong mga
selda lalu na sa bandang alas-syete ng umaga, at alas-sais ng gabi.
Walang problema sa amin ang usok. Bukod sa epektibong pambugaw sa lamok,
araw-araw din itong hudyat ng di-pinagsasawang siste:
“Hoy kayo dyan sa selda dos, bilis-bilisan na ninyo ang pagluluto nyo ng kopra…”
Ang problema ay kung dahil sa kawalan ng panggatong ay mga lumang
damit ang tirahin o kung ano pang materyal na kapag nagliyab ay
nakakasulasok at masama sa kalusugan ang usok:
“Hoy selda tres, bakit nyo kami tini-teargas?!”
Ang problema ay kung sa buong araw na pag-usok ng mga kalan ay tubig lang pala ang nakasalang.
*Calbayog sub-provincial jail.
No comments:
Post a Comment