ni Ericson L. Acosta sa Pinoy Weekly
Alam kong nag-iisip ang marami: Bakit dinakip ng militar si Acosta? Bakit siya ikinulong? Nasaang kasuluk-sulukan ng kapuluan ang barangay Bay-ang, at ano naman kaya ang pinaggagagawa roon ng isang makata at manunulat na gaya ni Ericson Acosta?
Sa katunayan, mga tanong ito na mahalaga hindi lamang para sa isang taong mausisa, o para lamang sa mga sektor na nakakikilala sa akin bilang isang aktibista at manggagawang pangkultura, at ngayon ay nananawagan ng aking paglaya. Mula sa aking karanasan ay nakita ko mismo na sadyang baluktot at mapanlinlang ang paghawak ng mga awtoridad sa aking pagkaka-aresto at detensyon – nakita ko mismo kung paano nagsabwatan sa pagyurak ng aking mga karapatan ang mga institusyon na inaasahan sana na magtatanggol dito. Kung kaya’t mga tanong din ito para sa sinumang may interes sa isyu ng karapatang pantao, laluna sa konteksto ng nagpapatuloy na kalunus-lunos na sitwasyon nito sa Silangang Kabisayaan, gayundin sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa panibagong pagsisiwalat ng Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa kaso ng nawawalang aktibista na si Jonas Burgos, muling napatunayan na ang laganap na mga insidente ng pampulitikang pamamaslang at desaparesidos sa bansa ay sistematikong ipinatupad – at patuloy na ipinatutupad — ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang bahagi ng programa nito sa kontra-insurhensiya. Ngunit habang hindi pa nadidiin at napapanagot ang AFP sa libu-libong kaso ng abuso sa buong kapuluan, nananatili ang klima ng pangamba at takot sa mamamayan.
Habang umaasa ang karamihan sa pagbabago at katarungang ipinapangako ng bagong rehimen ni Pangulong Noynoy Aquino, patuloy ang hirap na buhay sa Silangang Kabisayaan. Kunsabagay, ang Rehiyon VIII ay rehiyon nga naman ng mga “Waray” (wala), ang etno-lingwisktikong grupo ng mga tao mula sa kulumpon ng mga isla ng Samar, Leyte at Biliran.
Napakatingkad ng lokal na kultura at tradisyon ng mga Waray, kung kaya halos hindi alintana ang trahedya ng atrasadong agrikultura at ekonomiya sa pang-araw-araw na buhay. Ngunit kahit nalilibang sa “tuba” (alak) at “kuratsa” (isang katutubong sayaw), ay nananatili ang katotohanan. Ang kawalan ng panlipunang hustisya ay pinalalala lamang ng mga natural na kalamidad. Dahil sa nakaraang tuluy-tuloy na pag-ulan, pinangangambahan ng lahat ang pagguho ng lupa sa Leyte na gaya ng nangyari sa Ormoc at St. Bernard. Sa mga bayan ng Catbalogan at San Jorge sa Samar, inasahan na rin ng mga magsasaka na lulunurin ng “apo” o baha ang kanilang mga pananim – nagaganap sa kanila ang sakunang ito, taun-taon sa loob na ng mahigit 50 taon.
Karaniwang pangyayari na rin ang malawakang operasyong militar sa mga interyor na baryo at bulubundukin. Habang ipinagmamalaki ng AFP na “pulbos na” ang insurhensiya sa isla ng Leyte, itinuturing naman nito bilang pambansang prayoridad ang buong isla ng Samar. Ang dalawang isla ay hinagupit ng “huling hirit” ng malawakang militarisasyon na bahagi ng Oplan Bantay Laya II (OBL II) ng rehimeng Arroyo. Ang OBL II ay patuloy na ipinatupad ng rehimeng Aquino hanggang Enero 2011, bago ito pinalitan ng Oplan Bayanihan kamakailan. Sa Rehiyon VIII, ang “huling hirit” na ito ay tinaguriang “Operation October Left Cross” ng 8th Infantry Division (8th ID) ng AFP, ang dibisyon ng sandatahang lakas na siyang nakasasaklaw sa buong Silangang Kabisayaan.
Matinding abuso ang naranasan ng rehiyon sa ilalim ng OBL, kaya’t kahit pa ilang heneral na ang nagrigodon bilang hepe ng AFP at 8th ID, iisa pa rin ang mukha ng militarisasyon sa buong rehiyon. Wala pa ring ibang “kilalang sundalo” ang mga tao kundi ang tinaguriang “berdugo” na si Jovito Palparan.
Ang sitwasyon ng karapatang pantao sa rehiyon
Sa buong rehiyon, naisadokumento sa ilang fact-finding mission na pinangunahan ng Katungod-Sinirangan Bisayas (Katungod-SB), ang lokal na sanga ng pambansang alyansang Karapatan, na daan-libong magsasaka at sibilyan ang nagiging biktima ng militarisasyon sa mga sentrong bayan at kanayunan. Ang mga datos na ito ang siya kong binalikan upang makumpirma mismo sa mga magsasaka, partikular sa mga bulubunduking baryo sa ilang munisipalidad ng Samar.
Kabilang sa mga kaso ang pagpatay, ilegal na pag-aresto, sapilitang ebakwasyon at dislokasyon, pambobomba, pang-iistraping, panununog ng bahay, pangwawasak ng pananim, blokeyo ng pagkain, pisikal at mental na presyur at tortyur, at iba pa. Rumurok ang pinsala ng OBL sa populasyong sibilyan noong 2005, o sa ngayo’y bukambibig na ng mga tao na “panahon ni Palparan.” Subalit, malinaw din na nagpapatuloy ang militarisasyon hanggang sa kasalukuyang Oplan Bayanihan ni Aquino.
Sa ulat ng Karapatan, umabot sa 126 ang mga biktima ng pampulitikang pamamaslang, habang 27 ang naging desaparesido sa rehiyon sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Nangunguna ang istatistikang ito kumpara sa bilang ng mga biktima sa iba pang mga rehiyon sa Kabisayaan. Kabilang sa mga pinaslang ang mga kilalang aktibista at tagapagtaguyod ng karapatang pantao na sina Atty. Felidito Dacut, Dr. Bartolome Resuello, Atty. Norman Bocar, Rev. Edison Lapuz, Prof. Jose Ma.Cui at Fr. Cecilio Lucero.
Patuloy ang intimidasyon ng militar sa mga aktibista at institusyong nagtataguyod sa karapatang pantao. Permanente ang pagbabanta ng mga sundalo laban sa Katungod-SB sa pamamagitan ng kanilang programa sa radyo sa istasyong DYMS sa Catbalogan. Ang dating pangkalahatang kalihim ng Katungod-SB na si Atty. Kathrina Castillo ay nakatanggap ng mga banta o death threats sa pamamagitan ng koreyo nitong nakaraang taon.
Hindi na bago sa rehiyon ang masaker. Ang 19th Infantry Battalion (19th IB) sa Leyte ay tinagurian nang “Massacre Battalion” dahil sa sunud-sunod na mga kaso ng pamamaslang. Ikalawa na sa Kananga, Leyte ang kontrobersyal na kaso ng pagkamatay ng tanyag na botanistang si Leonard Co at ng kanyang istap, na naganap umano dahil sa isang engkwentro sa pagitan ng NPA at 19th IB nitong Nobyembre 2010. Ngunit gaya nina Co, malinaw na biktima ng sadyang pagpapaputok ng mga sundalo ang siyam pa na namatay sa Kananga noong 2003 – dangan lamang sila’y karaniwang mga magsasaka kung kaya’t hindi nabigyan ng sapat na atensyon mula sa midya. Noong 2005, siyam na magsasaka muli, kabilang ang isang buntis, ang namatay nang mag-istraping ang mga sundalo habang sila’y nagsasagawa ng “tiklos” (bayanihan sa pagtatanim) sa Barangay San Agustin, Palo, Leyte. Ang mga magsasakang nakaligtas mula sa malagim na masaker ay inaresto, at sinampahan ng gawa-gawang kasong kriminal upang mapigilan ang kanilang pagtetestigo.
Nagaganap din ang katulad na ilegal na pag-aresto sa mga pinaghihinalaang kasapi o tagasuporta ng New People’s Army (NPA). Kabilang dito ang kaso ni Dario Tomada, lider ng Samahan han Gudti nga Parag-uma ha Sinirangan Bisayas (SAGUPA-SB), ang alyansa ng militanteng magsasaka sa rehiyon. Si Tomada ay nakaligtas sa tangkang pamamaslang sa kanya noong 2005, at nagpasyang lumayo muna sa militarisadong rehiyon para sa kanyang seguridad. Inaresto si Tomado nitong Hulyo 2010 sa Binan, Laguna at sinampahan ng 15 bilang sa kasong pagpatay kaugnay ng umano’y “mass grave” na nadiskubre sa Inopacan, Leyte. Mayroon pang mga kaso ng mga magsasaka na di-naiuulat ang pagkakakulong, may mga sibilyan na diumano’y nag-“surrender” at hinahawakan ng militar nang labag sa kanilang kalooban, at iba pang di-dokumentadong kaso.
Dahil sa aking ilegal na pagkaka-aresto at detensyon, umabot na ngayon sa 16 ang bilang ng mga detenidong pulitikal sa Silangang Kabisayaan. Gayunman, ang ganitong klase ng pang-aabuso – at higit pa – ay hindi na bago para sa mga magsasaka ng Barangay Bay-ang.
Nasaan ang Bay-ang?
Nakasanayan na ng mga magsasaka ang atrasadong sistema ng transportasyon sa isla ng Samar. Sa mga “tabo” (lokal na palengke) at sa mga okasyong gaya ng “patron” (pyesta), karaniwan nang paninda ang pinakamaaasahan at pinakabatayang pangangailangan ng mga magsasaka para sa kanilang mobilidad – ang bota. Kung ni walang maayos na kalsada patungo sa mga interyor na munisipalidad na gaya ng Matuguinao at San Jose de Buan, paano pa kaya ang patungo sa mga liblib na baryo sa iba’t ibang bayan?
Ang Barangay Bay-ang ay isa sa mga pinaka-interyor na baryo sa bayan ng San Jorge, Samar. Matatagpuan ito sa tri-bawndari ng mga bulubunduking bayan ng San Jorge, Motiong, at San Jose de Buan. Bagamat interyor, ang Bay-ang ay nagsisilbing imbudo ng mga “kalapit” na baryo (sapagkat sa aktwal ay ilan pang kilometro ang distansya) para sa kanilang transportasyon patungo sa Maharlika Highway at poblasyon ng San Jorge. Nagagawa ito sa pamamagitan ng lokal na daungan at mga “baloto” (bangka) na nagbabyahe sa ilog.
Noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano ay isinumpa ni Hen. Jacob Smith na gagawing isang “howling wilderness” ang buong isla ng Samar. Sino ang mag-aakala na ang ganitong karimarimarim na banta ay maaari pang maranasan sa kasalukuyang panahon, at sa aktwal ay sinapit ng Barangay Bay-ang at ng iba pang interyor na baryo sa Samar?
Mula sa taong 2005 hanggang 2007 ay tinaguriang “no man’s land” ang Bay-ang. Sapilitang lumikas ang mga residente bunga ng matinding militarisasyon at malawakang abusong militar. Maraming kabahayan ang sinunog at maging ang kapilya ng barangay ay hindi iniligtas. Kahit ang rebulto ng patron ng baryo na nakatanghod lamang habang nagaganap ang mga abuso, ay nilapastangan at pinasabog ng mga sundalo.
Gaya ng naganap sa buong bansa sa panahon ng OBL, walang pinipiling biktima ang abusong militar – target nito kahit mga kilalang taong-simbahan, mamamahayag, duktor, propesor o abugado. Kaya’t sa kalagayang liblib ang kanilang mga tirahan at maaaring limitado pa ang kaalaman sa mga batas at sa kanilang mga karapatan, ilambeses pa ang bangis ng intimidasyong sinasapo ng karaniwang magsasaka sa kamay ng mga sundalo.
Noong Agosto 8, 2005, ipinatawag ng mga sundalo mula sa 34th IB sina Arcadio Gabani, kapitan ng Barangay Bay-ang, at si Artemio Gabin, isang barangay tanod. Dinala sila sa barangay hall ng Purok 2 sa poblasyon ng San Jorge at doon ay tinortyur.
Makalipas ang ilang araw, noong Agosto 12, nakasalubong ng mga magsasakang sina Rodolfo Lukaban at Lodilo Gabiana ang mga nag-ooperasyong tropa mula sa 34th IB na umano’y naghahanap ng mga kampo ng NPA. Sapilitan silang iginiya sa operasyon at makailang ulit na binugbog habang nasa ruta patungo sa pinagsususpetsahang mga kampo. Sa isang lugar naman ay naabutan nilang nag-iigib si Artemio Ellantos. Binugbog siya nang hindi niya masagot agad ang mga tanong ng mga sundalo. Isang menor de edad, si Eyet Dacanay, 16 anyos, ang hinablot ng mga sundalo mula sa umpukan ng mga tao at binugbog sa isang bahay. Sapilitan ding iginiya si Dacanay sa operasyon.
Mas malupit ang sinapit ni Paquito Badiola, 35 anyos, at residente din ng Bay-ang. Noong araw ding iyon ay sinalbeyds siya ng isang hiwalay na grupo ng mga sundalo na nakasalubong niya sa magubgob na bahagi ng Barangay Mobo-ob.
Halos isang linggo lamang ang saklaw ng nasabing operasyong militar ngunit napakaraming biktima. Isa pang tampok ay naganap kay Nonita Gabina, nang hambalusin ng mga sundalo ang kanyang ulo sa hagdanan habang siya’y iniimbestigahan. Sapilitan siyang pinapirma sa isang kasulatan na nagsasaad na siya’y “sumurender” sa mga sundalo. Ilang araw matapos ang insidente, sinunog ng mga sundalo ang kanilang kubo sa bukid.
Tserman ng Sangguniang Kabataan (SK) sa Bay-ang si Nonito “Ronie” Llantos, 18 anyos, nang siya’y tinortyur at sapilitang pinatayo mula sa pagkakaratay sa sakit. Ang kanyang ari ay kinulata ng mga sundalo. Naging biktima rin ang kanyang nakababatang kapatid na si Salvador, 13 anyos. Binugbog siya ng mga sundalo habang pinoprotektahan niya ang may-sakit na si Ronie.
Agosto 17 nang mapilitang magbakwit ang mga residente ng Bay-ang sa lumang gusali ng Samar National Agricultural School (SNAS) sa Barangay Matalod, San Jorge. Makalipas lamang ang tatlong buwan, eskandalosong pinagkakatok ng mga sundalo ang gusali ng SNAS sa kalaliman ng gabi. Muling nabulabog at nangamba ang mga bakwit.
Bay-ang matapos ang “panahon ni Palparan”
Dalawang taon bago nabalikan ng mga residente ang Bay-ang. Pero kalagitnaan hanggang katapusan ng taong 2008 ay muling naitala ang mas mabangis na abuso mula sa mga sundalo.
Katapusan ng buwan ng Hulyo 2008 nang ensirkuluhan ang baryo ng isang platun mula sa 46th IB. Mula alas-6 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga ng sumunod na araw ay tuluy-tuloy na nagpaputok at nang-istraping ang mga sundalo puntirya ang kapilya ng barangay, ilang mga bahay at maging ang mga magsasaka na nagsipagtakbuhan. Maliban sa pang-iistraping, animong pag-hostage ang ginawa ng mga sundalo sa isang pamilya na kinulong sa isang bahay nang walang pagkain at walag tulog. Naitala din ang pagnanakaw at paninira ng mga pananim ng mga magsasaka.
Setyembre 5 nang madatnan ng mga sundalo sa bukid si Ombie Labong, 42 anyos. Kasama ng mga opisyal sa kanilang barangay ay isiniwalat niya sa isang istasyon ng radyo sa Tacloban ang ginawang abuso sa kanya ng mga sundalo noong araw na iyon. Piniringan siya, binugbog at binantaang papatayin kung hindi siya magsusumbong ukol sa presensya ng NPA sa kanilang lugar.
Nakaligtas mula sa tortyur si Ronie Llantos noong “panahon ni Palparan,” ngunit mas malagim ang kanyang sinapit makalipas ang tatlong taon. Tanghaling tapat ng Setyembre 13, 2008 nang mag-istraping ang tropa ng 20th IB sa kubo sa bukid na tinitigilan niya at ng kanyang kapatid na si JR Llantos, 12 anyos, at pinsan na si Barton, 13 anyos. Namatay si Ronie.
Animong hindi pa sapat sa mga sundalo ang gayon lamang kasimple na paglapastangan. Sinunog ng mga sundalo ang bangkay ni Ronie kasama ang mga tabla ng kubo upang magsilbing palatandaan sa paglanding ng kanilang helikopter. Di-mabilang na pinsala ang idinulot ng nag-operasyong tropa ng 20th IB mula sa paninira ng pananim, pagnanakaw, at panununog ng mga bahay nina Inocito Gabane, Federico Lazarra, at ng dating SK Tserman na sinunog ng mga sundalo kasama ng kanyang bangkay.
Sa mga eksenang tila hiniram lamang sa mga pelikula ukol sa giyera sa Vietnam — mula sa Setyembre 16 hanggang 18, 2008 ay umabot naman sa 33 bomba ang aktwal na hinulog at pinasabog sa apat na beses na pambobomba ng tatlong pandigmang eroplano sa saklaw ng Barangay Bay-ang, sa San Jorge; Sityo Galutan, Barangay Canaponte, Barangay Hagbay at Barangay San Nicolas sa San Jose de Buan. Ang malalakas na pagsabog ay nagdulot ng pagyanig ng lupa, at malubhang pinsala sa pananim at kabuhayan ng daan-daang magsasaka sa nasabing mga baryo. Muli ay napilitang magbakwit ang mga residente. Sa pagkakataong iyon, lumikas ang mga taga-Bay-ang sa poblasyon ng San Jorge.
Muli nang nakabalik sa Bay-ang ang mga magsasaka. Nananatili sa ilang lugar ang malalalim na uka sa lupa na tinamaan ng mga bomba.
Patuloy na militarisasyon sa rehiyon
Nabalitaan ko na nitong nakaraang Marso 10-15, 2011 ay matagumpay na inilunsad ang “Tabang Samar,” isang relief at fact-finding mission (FFM) sa bayan ng Matuguinao, Samar na pinangunahan ng Katungod-SB at iba pang rehiyunal na organisasyon. Ang mga FFM na tulad nito ang nakapagdokumento ng mga kaso na gaya ng sa Bay-ang, at sa iba pang mga barangay na nahaharap sa abusong militar.
Ilan sa mga lumahok sa FFM ay aktwal na nakadalaw sa akin sa piitan. Nagpapasalamat ako sa Katungod-SB para sa muling pagbibigay sa akin ng mga datos at kopya ng mga naunang testimonya ng mga biktima ng abusong militar sa rehiyon. Gayunpaman, ang bunga ng aking personal na pakikipag-usap sa mga magsasaka sa Bay-ang at sa iba pang mga barangay ay hawak na ngayon ng 34th Infantry Battalion na siyang nagsagawa ng ilegal na pag-aresto sa akin. Hindi baril o granada ang nakuha nila mula sa akin, kundi ang akin lamang mga personal na gamit, kabilang na ang aking kompyuter o laptop na siya nilang pinaghinalaan nang husto.
Sa Matuguinao, lumilipad ang mga helikopter ng militar at walang habas na naglalanding sa mga pananim ng mga magsasaka. Balita itong nagaganap ngayon – kahit tapos na ang mabangis na OBL. Balita ito na sa wari ng iba ay inawit lamang noon para sa Silvino Lobos at Las Navas; pero sa kasalukuyan ay nagaganap pa rin sa San Jorge, sa Kananga, Lope de Vega, Albuera, Balangiga, Palo, at saan mang sulok ng rehiyon na nakararanas ng militarisasyon.
Maliban sa pagdedeploy ng dagdag na tropa sa dati nang militarisadong rehiyon, masigasig din ang kampanya sa rekrutment ng AFP at 8th ID. Sa nakaraang ilang buwan ay ipinahayag nito ang sunud-sunod na treyning sa mga bagong sundalo: 239 noong Oktubre, 333 nitong Nobyembre; habang nitong nakaraang Marso, 125 bagong sundalo ang nanumpa para sa treyning na magtatransporma umano sa kanila mula sa pagiging mga bata tungo sa pagiging “tunay na mga lalaki.” Wika ng mga tagapagsalita ng AFP, mga “bagong dugo” ito na maglilingkod sa sandatahang lakas; “bagong dugo” din na maisasabak sa malawakang operasyong militar na patuloy na ipinatutupad sa rehiyon.
Sa Samar, nadarama na ngayon ang pangakong pagbabago ng administrasyong Aquino. Nagbubuhos ng napakalaking pondo ang mga dayuhang institusyong gaya Millenium Challenge Corporation (MCC) para sa Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at para sa enggrandeng proyekto ng konstruksyon at pagpapaayos ng mga kalsada sa Samar. Madalas namin itong maging paksa sa pakikipagkwentuhan ko sa mga magsasaka sa mga baryo. Pero sa isang panayam, nakatitig lamang ang mga magsasaka sa kanilang putikang bota: “Diri man namon kinahanglan an karsada (Hindi namin kailangan ang kalsada),” anila. “An hangyo namon, hustisya (Ang hinihiling namin ay katarungan.)”
Para kanino? Para ba kay Casiano Abing? Myembro ng Bayan Muna sa Balangiga, Este Samar: unang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa rehiyon sa panahon ni Aquino.
Para ba kay Joselito “Itok” Tobe? Magsasakang nakaligtas at saksi sa masaker sa Palo: namatay nang dahil sa sakit sa loob ng kulungan, ilang linggo bago napalaya ang iba pa niyang kasamahan.
Para rin ba sa kanilang mga magsasaka na laging sinasalanta ng sakuna na mas matindi pa sa baha at pagguho ng lupa? Nang ako’y arestuhin, nakita ko mismo kung paano sila namutla at napaluha nang maramdamang wala na silang magagawa kundi ang iwan na lamang ako sa mga sundalo.
Maitatanong pa ba kung ano ginagawa ng isang makata at manunulat sa isang kasuluk-sulukang baryo na gaya ng Bay-ang? Marahil, ang dapat na nating itanong sa ngayon ay kung bakit mailap, at ni hindi yata nakakadalaw sa mga lugar na tulad nito ang pinakahihintay na bisita na ang pangalan ay Hustisya.
No comments:
Post a Comment